Tanong
Isa akong magulang; paano ko papayagan ang aking anak na nasa hustong gulang na tumayo sa sariling paa?
Sagot
Isang mahirap na bagay ang pagpayag sa mga nasa hustong gulang na anak na pamahalaan ang sarili nilang mga buhay—hindi ito madali para sa mga Kristiyano at gayundin sa mga hindi Kristiyano. Kapag isinasaalang-alang natin ang halos dalawampung taon ng ating mga buhay na ibinuhos sa pagpapalaki, pagpapakain, at pag-aalaga para sa isang bata, madaling makita kung bakit nakakatakot na bagay ang bitawan ang papel na iyan. Para sa karamihang mga magulang, ang pagpapalaki ng anak ay umuubos ng kanilang oras, enerhiya, pag-ibig, at pagmamalasakit sa loob ng dalawang dekada. Pinagbubuhusan natin ng ating mga puso, pag-iisip, at espiritu ang pag-aalagang pisikal, emosyonal, sosyal at espiritwal sa kanila; kaya't maaaring maging mahirap kapag ang bahaging ito ng ating mga buhay ay magtatapos na. Ang mga magulang na natatagpuan ang kanilang mga sarili na tila nasa isang "walang lamang pugad" ay kadalasang nahihirapang matagpuan ang angkop na balanse ng pag-ibig at pagmamalasakit para sa kanilang mga anak na nasa hustong gulang na, habang nilalabanan ang bugso ng damdaming ibig pang ipagpatuloy ang paghawak sa kanila.
Sa Bibliya, alam nating isang lubhang seryosong bagay para sa Diyos na tanggapin ng mag-asawa ang papel ng pagiging magulang. Masaganang makikita sa Kasulatan ang pangangaral hinggil sa pagiging mabuting mga magulang. Ang mga magulang ay dapat "palakihin ang kanilang mga anak sa daan na dapat nitong lakaran" (Kawikaan 22:6), binibigyan sila ng mabubuting kaloob (Mateo7:11), minamahal sila at dinidisiplina alang-alang sa ikatutuwid (Kawikaan13:24), at ipinagkakaloob ang kanilang mga pangangailangan (1 Timoteo 5:8). Isang kabalintunaan nga sa mga magulang, na kung sino pa sa kanila ang pinaka-sineryoso ang papel ng pagpapalaki sa mga anak at ginawa ng maayos ang kanilang trabaho bilang mga magulang ay sila pa tuloy ang pinaka-nahihirapang bitawan sila at hayaang tumayo sa kanilang sariling mga pa dahil nasa hustong gulang na. Tila ba mas maraming mga ina kaysa sa mga ama ang higit na nakakaranas ng ganitong kahirapan: marahil ito'y dahil sa malakas na "maternal urge" (natural na mapag-kalingang-tulak-ng-damdamin) na alagaan at bantayan ang kanilang mga anak, at pati na rin ang dami ng oras na ginugol kasama sila habang sila'y lumalaki.
Sa nakakaranas ng kahirapan na bitawan ang mga anak, nariyan ang isang tiyak na antas ng takot. Ang mundong ito ay isang nakakatakot na lugar, at ang mga di-mabilang na kwento ng teribleng mga pangyayari ay nagdaragdag ng ating mga takot. Nang bata pa ang ating mga anak, pwede nating bantayan ang kilos nila sa araw-araw na kasama natin sila; mayroon din tayong antas ng kontrol sa kanilang paligid, at napapanatili silang ligtas. Ngunit habang sila'y lumalaki at tumatanda, nagsisimula din silang lumipat mula sa ating poder patungo sa daigdig, ayon sa kanilang kapasyahan. Hindi na tayo ang may kontrol ngayon ng kanilang bawat kinikilos; o kung sino ang titingnan nila, saan sila pupunta, at kung ano ang gagawin nila. Para sa Kristiyanong magulang, ito ay isang sitwasyon ng higit na pagsasanay ng kanilang pananampalataya. Marahil ay wala ng ibang bagay sa mundo ang mas nakakasubok ng ating pananampalataya kaysa sa panahon na hindi lang natin 'niluwagan' ang paghawak sa ating mga anak kundi atin silang binitiwan upang magpasya para sa kanilang mga sarili. Nangangahulugan ito na ating ipinagtatagubilin sila sa ating makalangit na Ama na Siyang umiibig sa kanila ng higit kaninumang tao na maaaring magmahal sa kanila; ang pananampalataya ay ang ipagkatiwala natin sila sa kamay ng Diyos na umaagapay at nagbabantay sa kanila ayon sa Kanyang perpektong kalooban. Ang totoo, mga anak Niya ang mga batang ito; sila'y pagmamay-ari ng tunay ng Diyos, at hindi sa atin. Parang ipinahiram lamang sila sa ating pangangalaga sa loob ng sandaling panahon at binigyan tayo ng aral at tuntunin kung paano sila aalagaan, at sila'y babalik din sa Diyos balang araw. Naniniwala tayo na mamahalin sila ng ating Ama at bubusugin ang kanilang mga espiritu ng kasiyahan, kung paanong binusog natin sila ng pagkaing pisikal noong sila'y nasa atin pang pangangalaga. Habang mas lumalaki ang ating pananalig sa Diyos, lalo namang nababawasan ang ating pag-aalala at pagkatakot. At mas handa nating ipagkatiwala at ipaubaya ang ating mga anak sa pamamahala ng Ama.
Gaya ng maraming mga bagay sa pamumuhay Kristiyano, nakadepende ang kakayahang gawin ito sa kung gaano natin kakilala ang ating Diyos at kung gaano karaming oras ang ginugugol natin sa Kanyang Salita. Hindi natin kayang pagtiwalaan ang isang hindi pa natin nakikilala, at hindi natin makikilala ang Diyos maliban sa pamamagitan ng Kasulatan. Kung ipinangangako ng Diyos na hindi Niya tayo susubukin nang higit sa ating kakayahang ito'y tiisin (1 Corinto 10:13), paano natin ito paniniwalaan malibang alam natin sa ating mga puso na Siya ay tapat? Sinasabi sa Deuteronomio 7:9, "Kilalanin ninyo kung magkagayon na ang PANGINOON ninyong Diyos ay DIYOS; Siya ang matapat na Diyos, tinutupad Niya ang Kanyang tipan ng pag-ibig sa sanlibong salinlahi niyaong mga nagmamahal sa Kanya at tumutupad ng Kanyang mga kautusan." Kaayon nito ang Deuteronomio 32:4: "Siya ang Bato, ang Kanyang mga gawa ay sakdal, at lahat Niyang mga kaparaanan ay makatarungan. Isang matapat na Diyos na hindi gumagawa ng mali, matuwid at makatarungan Siya." Kung tayo'y kabilang sa Kanya, magtatapat Siya sa atin at maging sa ating mga anak; at lalong magiging mas handa tayong ipagkatiwala sa Kanyang mahusay na mga kamay ang ating mga anak. Ang kakulangan ng pananalig sa Kanya at sa Kanyang mga layunin para sa ating mga anak ay magbubunga ng kawalang-kakayahan o kawalan ng kahandaan na bitawan ang ating mga anak at hayaan silang manindigan bilang mga kabataang nasa hustong gulang na.
Kung gayon, ano ang papel ng magulang kung ang mga anak ay dumating na sa hustong gulang? Tiyak na hindi natin sila 'bibitawan' sa kahulugang pababayaan o aabandonahin natin sila—hindi ganito ang ibig sabihin. Tayo pa rin ang kanilang mga magulang at palaging magulang sa kanila. Subalit habang hindi na natin sila malilinang at mababantayan sa pisikal, may malasakit pa rin tayo para sa kanilang pag-unlad.
Kung tayo ay nakay Cristo at gayon din ang ating mga anak, sila nga ay 'mga kapatid' din natin kay Cristo. Nakikipagugnayan tayo sa kanila gaya ng pakikisalamuha natin sa ating mga kaibigan at kapatid sa Panginoon. Pinakaimportante sa lahat, nananalangin tayo para sa kanila. Pinalalakas natin ang kanilang loob sa kanilang paglakad kasama ang Diyos. Nagbibigay tayo ng payo kung hinihingi nila ito. Nagaalok tayo ng tulong kung kailangan at iginagalang natin ang kanilang desisyon na tanggapin o tanggihan ito. Kahulihan, iginagalang natin ang kanilang 'privacy' o karapatan sa pribadong buhay gaya ng ating pagrespeto sa pribadong buhay ng ibang gaya nating nasa hustong gulang. Kaya nga, kung sa bandang huli ay ginawa na natin ang ating responsibilidad na payagan ang mga nasa hustong gulang na anak na tumayo sa kanilang sariling mga paa, kalaunan, mas madalas nilang matatagpuan ang isang higit na matibay, malalim, at mas kaaya-ayang relasyong higit pa kaysa maaari nating akalain.
English
Isa akong magulang; paano ko papayagan ang aking anak na nasa hustong gulang na tumayo sa sariling paa?