Tanong
Lagi bang ang mga anak ay pagpapalang mula sa Diyos?
Sagot
Malinaw na itinuturo sa Bibliya na ang Diyos ang nagbibigay ng buhay sa bawat nilalang. Ang pinakamalinaw na paglalarawan sa katotohanang ito ay makikita sa Awit 139:13-18. Ang katotohanan na ang Diyos ang lumikha kay David sa tiyan ng kanyang ina sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang kapangyarihan at kapamahalaan ang nagtulak kay David upang magpuri sa Diyos. Binigyan din ng diin ni David na ang Diyos ang nagplano ng lahat ng detalye ng Kanyang buhay mula pa sa walang hanggan. Kinumpirma sa Jeremias 29:11 ang kaisipang ito ni David: “Sapagka't nalalaman ko ang mga pagiisip na aking iniisip sa inyo, sabi ng Panginoon, mga pagiisip tungkol sa kapayapaan, at hindi tungkol sa kasamaan, upang bigyan kayo ng pagasa sa inyong huling wakas.’” Siyempre, hahantong ito sa isa pang tanong: Paano ang mga isinilang dahil sa panggagahasa o bawal na relasyon? Maaaring hindi maramdaman ng ina ng bata na ang kaniyang anak ay isang pagpapalang mula sa Diyos. Ngunit ang paraan kung paano nabuo ang isang bata ay hindi nangangahulugan na hindi ang Diyos ang lumikha sa batang iyon sa tiyan ng kanyang ina gaya ng sinabi ni David. Kung hindi gayon, hindi sasabihin ng Bibliya na ang mga bata ay nilikha ng Diyos sa tiyan ng kanilang ina. Sa Bagong Tipan, mababasa natin na gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kasama ang mga bata, na ipinagkaloob Niya ang Kanyang Anak upang mamatay para sa ating mga kasalanan (Juan 3:16).
Ang pag-ibig na ito ay ang parehong pag-ibig na nagtulak sa Tagapagligtas na turuan ang mga alagad ng Salita ng Diyos at ipadama ang Kanyang pag-ibig para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli (1 Juan 4:7-8). Walang hangganan ang pag-ibig sa atin ng Diyos at ang Kanyang pagnanais na pagpalain tayo. Ang isa sa mga layunin ng Diyos sa paglikha sa tao ay ang magkaroon sila ng relasyon at pakikisama sa Kanya. Sinasabi sa atin sa 1 Juan 4 na sa oras na maunawaan natin ang pag-ibig ng Diyos, ito ang magtutulak sa atin upang umibig din naman sa iba. Ang pagtingin sa isang bata bilang pagpapala ng Diyos ay nakadepende kung paano natin nakikita ang batang iyon ayon sa pananaw ng Diyos. Kung ituturing natin ang bawat bata ayon sa pananaw ng Diyos, walang duda na ang bawat isa sa kanila ay pagpapalang nagmula sa Kanya. Sa kabilang banda, kung titingnan natin ang mga bata sa mata ng kasalanan, magdududa tayo kung pagpapala nga ba sila sa atin dahil nakatuon ang ating pansin sa nilikha hindi sa Lumikha.
Nais ng Diyos na ang bawat bata ay isilang ayon sa Kanyang plano para sa atin at iyon ay sa pamamagitan ng pagaasawa. Kung ang bata ay isinilang ng labas sa sakramento ng kasal, hindi iyon nangangahulugan na hindi para sa kanila ang pag-ibig at pagaaruga ng Diyos. Sinabi nI David sa Awit 139:17 na ang Kanyang plano para sa Kanyang mga anak ay napakahalaga at hindi mabibilang. Ang praktikal na aplikasyon nito ay makikita sa angkang pinagmulan ni Kristo sa Mateo 1. Sa listahang ito ng mga pangalan, makikita natin ang mga taong nabigo sa iba’t ibang kaparaanan at mga anak sa labas gayundin ang mga bunga ng pagkakasalang sekswal. Hindi iyon naging hadlang sa katuparan ng plano ng Diyos sa kanilang mga buhay upang panggalingan ng Tagapagligtas ng sanlibutan.
English
Lagi bang ang mga anak ay pagpapalang mula sa Diyos?