settings icon
share icon
Tanong

Sino ang mga anak ng Diyos at mga anak na babae ng mga tao sa Genesis 6:1-4?

Sagot


Tinutukoy sa Genesis 6:1-4 ang tungkol sa mga anak ng Diyos at mga anak na babae ng tao. May ilang mga mungkahi kung sino ang mga anak na ito ng Diyos at kung bakit ang kanilang naging mga anak sa mga asawa nilang anak na babae ng mga tao ay mga higante (ito ang maaaring tinutukoy ng salitang ‘Nephilim’ sa Lumang Tipan).

May tatlong pangunahing teorya sa pagkakakilanlan sa mga anak na ito ng Diyos. 1) Una, sila ang mga anghel na nagrebelde sa Diyos na pinalayas sa langit. 2) Ikalawa, sila ay mga makapangyarihang tao, at 3) sila ay mga makadiyos na tao na nagmula sa lahi ni Seth na nakipag asawa sa mga anak ni Cain. Ang ginagamit na pangsuporta sa unang teorya ay ang ilang mga talata na tumutukoy sa mga ‘anak ng Diyos’ bilang mga anghel. (Job 1:6; 2:1: 38:7). Ang problema sa teoryang ito ay ang sinabi ng Panginoong Hesus sa Mateo 22:30 na ang mga anghel ay hindi nagsisipagasawa. Walang makikitang anumang talata sa Bibliya na ang mga anghel ay may kasarian at maaaring magkaanak. Ang dalawang argumentong ito ang komokontra sa teoryang ito.

Ang kahinaan naman ng pangalawa at pangatlong argumento ay ang katotohanan na ang pagaasawa ng ordinaryong lalaki at babae ay hindi nagiging dahilan sa panganganak ng mga higante na tinatawag ding mga ‘bayani noong una’ o mga ‘kinikilalang mga tao.’ Ang tanong ay bakit nagdesisyon ang Diyos na gunawin na ang mundo sa pamamagitan ng baha sa Genesis 6:5-7 gayong hindi naman Niya pinagbawalan ang mga makapangyarihang lalaking ito o kung sila man ay nagmula sa lahi ni Seth na mag-asawa ng mga ordinaryong babae mula sa lahi ni Cain? Ang paggunaw ng Diyos sa mundo sa Genesis 6:5-7 ay dahilan sa nangyaring ito sa Genesis 6:1-4. Tanging ang karumaldumal at hindi pinapayagang pagaasawahan ng mga nagkasalang anghel at mga anak na babae ng tao lamang ang makapagbibigay hustisya sa kakila-kilabot na paghuhukom ng Diyos sa pamamagitan ng baha.

Gaya ng nasabi na sa itaas na ang kahinaan ng unang teorya ay ang sinasabi sa Mateo 22:30 na ganito: "Sapagkat sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit." Gaynuman hindi sinasabi ng talata na ang mga anghel ay hindi maaaring magasawa kundi sinasabi lamang na ang mga anghel ay hindi nagaasawa. Pangalawa, ang tinutukoy sa Mateo 22:30 ay mga anghel sa langit. Hindi nito tinutukoy ang mga anghel na nagkasala na ang layunin ay sirain ang magandang plano ng Diyos sa tao at sa sangnilikha. Ang katotohanan na ang mga anghel ng Diyos ay hindi nagsisipagasawa ay hindi nangangahulugan na wala ring kakayahang magasawa si satanas at ang mga demonyo.

Ang unang teorya ang may pinakamagandang pangangatwiran. Oo nga’t maaaring kontradiksyon ang sabihin na ang mga anghel na walang kasarian ay nagsipagasawa at nagkaroon ng mga anak sa mga anak na babae ng tao. Gayunman, kahit na ang mga anghel ay espiritu (Hebreo 1:14), puwede silang magpakita sa anyong tao (Markos 16:5). Ang mga tao sa Sodoma at Gomorrah ay ninais na makipagtalik sa dalawang anghel na nagpakita sa anyo ng tao habang nasa bahay ni Lot (Genesis 19:1-5). Hindi malayo na ang mga anghel ay maaring kumuha ng katawang tao hanggang sa punto na gayahin nila ang kasarian ng mga tao at magkaroon sila ng kakayahang magkaanak. Bakit kaya hindi ginagawa ito ng mga anghel sa lahat ng panahon? Ang kasagutan ay dahil sa maaaring ang mga anghel na ito na nagkasala ng pakikipagrelasyon sa mga tao ay ikinulong ng Diyos upang hindi na gayahin pa ng ibang mga anghel (Judas 6). Ang mga naunang iskolar na Hebreo na nagpaliwanag ng Apocrypha at mga aklat na kinopya sa Bibliya ay nagkakasundo sa teorya na ang mga anghel na nagkasala at pinalayas sa langit ang tinutukoy sa Genesis 6:1-4 na mga anak ng Diyos. Tiyak na hindi pa rin dito magtatapos ang mga debate patungkol sa paksang ito. Gayunman, ang teorya na ang mga anak ng Diyos sa Genesis 6:1-4 ay ang mga anghel na nagkasala ay may malakas na kontekstwal, gramatikal at historikal na basehan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang mga anak ng Diyos at mga anak na babae ng mga tao sa Genesis 6:1-4?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries