Tanong
Ang Diyos ba ay may emosyon?
Sagot
Maraming talata sa Banal na Kasulatan ang bumabanggit tungkol sa emosyon ng Diyos. Ang halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
• Galit--Awit 7:11; Deuteronomio 9:22; Roma 1:18
• Habag--Awit 135:14; Hukom 2:18; Deuteronomio 32:36
• Kalungkutan--Genesis 6:6; Awit 78:40
• Pag-ibig--1 Juan 4:8; Juan 3:16; Jeremias 31:3
• Poot--Kawikaan 6:16; Awit 5:5; Awit 11:5
• Paninibugho o pagseselos--Exodo 20:5; Exodo 34:14; Josue 24:19
• Kagalakan--Sofonias 3:17; Isaias 62:5; Jeremias 32:41
Ganun pa man, masasabi ba natin na ang emosyon ng Diyos ay katulad ng emosyong ipinapakita natin bilang tao? Tama bang isipin na ang Diyos ay "emosyonal" (ang damdamin ba niya ay pabagu-bago)? Ayon sa samahang teolohikal, ang "Persona" ay kalimitang ipinapaliwanag bilang "kalagayan ng isang indibidwal na mayroong talino, emosyon, at pagpapasya." Kung ganun, ang Diyos ay may "persona" ayon sa unang nabanggit na mga halimbawa. Siya ay personal na Diyos na may sariling pagiisip, emosyon, at kalooban, at kung hindi natin tatanggapin na ang Diyos ay may emosyon, Itinatanggi natin na Siya ay nagtataglay ng personalidad.
Ang tao ay pisikal na tumutugon sa mundong ito ngunit tumutugon din sa paraang espirituwal--ang reaksyon ng espiritu, at ito ay tinatawag nating "emosyon." Ang pagkakaroon ng tao ng emosyon ay isang patunay na ang Diyos ay may emosyon, sapagkat nilikha Niya ang tao ayon sa kanyang wangis (Genesis 1:27). Ang isa pang patunay ay ang pagkakatawang tao. Bilang Anak ng Diyos na nagtungo sa mundong ito, si Jesus ay hindi manhid o katulad ng makina. Naramdaman niya kung ano ang nararamdaman natin. Siya ay nakitangis sa mga tumatangis (Juan 11:35), nahabag sa marami (Marcos 6:34), at halos madaig Siya ng kalungkutan (Mateo 26:38). At sa pamamagitan ng lahat ng ito ay ipinakilala niya sa atin ang Ama (Juan 14:9).
Ganun pa man, kahit na ang Diyos ay nakahihigit sa lahat, nakilala pa rin natin Siya bilang personal na Diyos, buhay at may malapit na kaugnayan sa kanyang mga nilikha. Minamahal niya tayo sa paraang hindi natin kayang sukatin (Jeremias 31:3; Roma 5:8; 8:35, 38-39), at Siya ay lubhang nasasaktan dahil sa ating mga kasalanan at paglaban sa kanya (Awit 1:5; 5:4-5; Kawikaan 6:16-19).
Mapapansin natin na ang pagpapakita ng Diyos ng kanyang emosyon ay hindi nakakaapekto sa kanyang permanenteng katangian, kalooban, at mga pangako. Dahil ang Diyos ay hindi nagbabago (Malakias 3:6; Bilang 23:19; 1 Samuel 15:29); at ang kanyang damdamin ay hindi nag iiba. Ang damdamin at pagkilos ng Diyos sa kanyang nilikha, ang kanyang paghatol, pagpapatawad, katarungan, at kagandahang loob, ay laging tugma sa kanyang pagkakakilanlan bilang Diyos (Santiago 1:17). Ang pagtugon ng Diyos sa mabuti at masama ay nagmumula sa kanyang hindi nagbabagong kalooban. Kalooban ng Diyos na hatulan at parusahan ang makasalanan upang ipakita ang Kanyang katarungan, at gayon din naman, upang akayin sa pagsisisi ang makasalanan dahil hangad ng Diyos na ang lahat ng tao ay maligtas (1 Timoteo 2:4). Dahil diyan, maiintindihan natin na ang Diyos ay may damdamin, Diyos na umiibig, napopoot, nalulungkot, nasisiyahan, nagagalit at nahahabag. Kinalulugdan niya ang matuwid at kinapopootan ang masama (Awit 11:5-7; 5:4-5; 21:8).
Subalit hindi nangangahulugan na ang ating emosyon at emosyon ng Diyos ay eksaktong magkapareho, Ang ating emosyon o damdamin ay madalas na nahahadlangan ng ating paghatol dahil ito ay sinira ng ating makasalanang kalikasan. Ang Diyos ay walang kasalanan kaya't ang kanyang emosyon ay hindi nadudungisan. Katulad halimbawa ng kanyang galit. May malaking kaibahan ang galit ng tao sa galit ng Diyos dahil ang galit ng tao ay nag iiba, makasarili, at kalimitan ay hindi kayang pigilan (Kawikaan 14:29; 15:18; Santiago 1:20). Sa kabaliktaran naman, ang galit ng Diyos ay nagmumula sa kanyang makalangit na katarungan. Ito ay ganap na matuwid, tiyak, hindi pabagu-bago, hindi kailanman malisyoso o masama, at Siya ay hindi nagkakasala kahit siya ay nagagalit.
Ang pinagmumulan ng lahat ng emosyon ng Diyos ay ang kanyang banal na kalikasan, at kailanman ay hindi ito nagiging kasalanan. Ang habag, kalungkutan, at kagalakan ng Diyos ay perpektong kapahayagan ng kanyang pagiging Diyos. Ang galit ni Jesus sa mga pinuno ng sinagoga sa Marcos 3:5 at ang kanyang pag-ibig sa binatang mayaman na mababasa sa Marcos 10:21 ay isang perpektong tugon ng kanyang kalikasan bilang Diyos.
Ang mga kaparaanan ng Diyos ay naitala para sa atin sa paraang ating maiintindihan. Ang kanyang poot at galit sa kasalanan ay totoo (Kawikaan 8:13; 15:9). at ang kanyang habag sa makasalanan ay tunay at hindi nagmamaliw (2 Pedro 3:9; Mangangaral 8:11; Isaias 30:18), at nahahayag ang kanyang habag at hindi nagbabagong kagandahang loob sa kanyang mga gawa. Ngunit higit sa lahat, ang kanyang pag-big sa kanyang mga anak ay walang katapusan (Jeremias 31:3) at hindi matitinag (Roma 8:35, 38-39). Bilang karagdagan, hindi lamang karunungan at mga panukala ang makikita natin sa Diyos; Siya ay mayroon ding damdamin at pagnanais. Kasalungat ng hindi maasahan, hindi matatag at may bahid-kasalanang emosyon ng tao, ang emosyon ng Diyos ay ganap na maaasahan at hindi nagbabago katulad ng kanyang pagka-Diyos.
Sa pagtatapos, may dalawang kamangha-manghang bagay tungkol sa emosyon ng Diyos: Una, nauunawaan niya ang ating mga emosyon (dahil nilikha niya tayo na may kakayahang maramdaman ang mga iyon), at pangalawa, ang emosyon ng Diyos ay patuloy na dumadaloy mula sa kanyang kaganapan. Kailanman ay hindi Siya nakaranas ng pangit na araw at hindi nagbabago ang kanyang damdamin para sa kanyang mga tinubos.
English
Ang Diyos ba ay may emosyon?