settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Tipan o kasunduang Noahic?

Sagot


Ang Tipan o kasunduang Noahic na mababasa natin sa Genesis 9:8-17 ay tipan ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga inapo pagkatapos ng baha na gumunaw sa daigdig. Ang tipan o kasunduang ito ay mayroong iba't-ibang anyo. Una, ito ay isang tipan na walang kundisyon. Ikalawa. ito ay ipinangako ng Diyos para kay Noe at sa kanyang salinlahi ganundin sa “bawat nilikha” at sa buong daigdig (Genesis 9:8-9). Ikatlo, ito ay sinelyohan o tinatakan ng Diyos ng isang tanda, and bahaghari.

Ang tipan o kasunduang Noahic ay walang kundisyon sapagkat ito ay nabuo hindi batay sa anumang mabuting bagay na maaaring gawin ni Noe at ng kanyang mga inapo upang matupad ang tipan. Ang pangakong ito ay nakabatay sa katapatan ng Diyos. Dahil sa kanyang katapatan na laging gagawin ang nais niyang gawin, alam natin na tiyak na wala nang magaganap na baha sa buong mundo na kagaya ng nangyari noong panahon ni Noe, gaano man kasama ang tao. Sapagkat hindi ang kasamaan o ang pagiging matuwid ng sangkatauhan ang makakapagbago ng walang kundisyong tipan na ito. Walang kundisyon na maaaring makapagbago ng pangako ng Diyos. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi na nga wawasakin ng Diyos ang daigdig. Sapagkat sinabi niya na isang araw ay sisirain niya ito sa pamamagitan ng apoy (2 Pedro 3:10, 11; Pahayag 20:9, 21:1) pagdating ng kakila-kilabot na “araw ng Panginoon.”

Makikita natin na pagkatapos ng baha ay nangako ang Diyos kay Noe na hindi na niya gugunawin ang daigdig sa pamamagitan ng baha bilang parusa niya sa kasalanan at ang palatandaang ipinakita niya ay ang bahaghari mula sa mga ulap (Genesis 9:12-13). Kung paanong ang pagtutuli ay tanda ng Tipan o kasunduang Abrahamic, ang bahaghari naman ang tanda ng Tipan ng Diyos kay Noe. Itinuturo sa atin ng katotohanang ito na tuwing makakakita tayo ng bahaghari ay nagpapaalala ito sa atin ng katapatan ng Diyos at ng kanyang kamangha-manghang biyaya. Ngunit dapat din nating alalahanin na ang ating Diyos ay banal at matuwid. Siya ay may banal na pagkamuhi sa kasalanan kaya't hindi niya hahayaan na hindi ito maparusahan magpakailanman. Ang isa pang mahalagang bagay na dapat nating tandaan ay kung paanong nagbigay ang Diyos ng daan sa pamamagitan ng arko upang si Noe at ang kanyang sambahayan maligtas sa kanyang poot, gayundin naman, gumawa ang Diyos ng paraan sa pamamagitan ni Jesu--Cristo upang tayo ay maligtas. Si Noe at kanyang sambahayan ay naligtas sa poot ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng baha, kung paanong ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay ligtas sa darating na “poot ng Diyos” (1 Tesalonica 1:10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Tipan o kasunduang Noahic?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries