Tanong
Ano ang puso?
Sagot
Una, ang artikulong ito ay hindi tungkol sa puso bilang parte ng katawan ng tao, na isang laman na nagbobomba ng dugo patungo sa buong katawan. Ang artikulong ito ay hindi rin tungkol sa isang romantiko, pampilosopiya o pampanitikang kahulugan ng puso.
Sa halip, pagtutuunan namin ng pansin ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa puso. Binanggit ang salitang puso sa buong Bibliya ng halos 300 beses. Sa esensya, ito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa puso: ang puso ang espiritwal na sangkap ng tao kung saan nananahan ang kanyang mga kagustuhan at emosyon.
Bago natin tingnan ang puso ng tao, aming babanggitin na dahil ang Diyos ay may emosyon at kalooban, Siya rin ay masasabing nagtataglay ng ‘puso’ at ‘kalooban.’ Mayroon tayong puso dahil may ‘puso’ ang Diyos. Si David ay isang lalaking “ayon sa puso ng Diyos” (Gawa 13:22). At pinagpala ng Diyos ang kanyang bayan dahilan sa mga pinunong nalalaman at sinusunod ang Kanyang puso (1 Samuel 2:35; Jeremias 3:15).
Ang puso ng tao sa likas nitong kalagayan ay masama, mapanganib, at mandaraya. Sinasabi sa Jeremias 17:9, “Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?” Sa ibang salita, naapektuhan ng pagbagsak ng tao sa kasalanan ang ating puso sa pinakamalalim na antas nito; ang ating isip, emosyon, at kalooban ay nadumihan ng kasalanan – at hindi natin alam kung gaano kalala ang ating problema.
Maaaring hindi natin maunawaan ang ating puso, ngunit nauunawaan ito ng Diyos. Alam Niya ang mga “lihim ng ating puso” (Awit 44:21; tingnan din ang 1 Corinto 14:25). “Hindi na kailangang may magsalita pa kay Hesus tungkol sa kaninuman, sapagkat talastas niya ang kalooban ng lahat ng tao” (Juan 2:24-25). Dahil sa Kanyang kaalaman sa ating mga puso, makahahatol ang Diyos ng buong katarungan: “Akong si Yahweh ang sumisiyasat sa isip at sumusubok sa puso ng mga tao” (Jeremias 17:10).
Binanggit ni Hesus ang makasalanang kalayagan ng ating mga puso sa Markos 7:21-23, “Sapagka't mula sa loob, mula sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pagiisip, ang mga pakikiapid, ang mga pagnanakaw, ang mga pagpatay sa kapuwa-tao, ang mga pangangalunya, ang mga kasakiman, ang mga kasamaan, ang pagdaraya, ang kalibugan, ang matang masama, ang kapusungan, ang kapalaluan, ang kamangmangan: Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagsisipanggaling, at nangakakahawa sa tao." Upang maligtas ang isang tao, kailangang baguhin muna ng Diyos ang kanyang puso. Mangyayari lamang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ng puso ng tao pagkatapos na siya ay isilang na muli sa espiritu. “Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo'y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo'y naliligtas” (Roma 10:9). Sa kanyang biyaya, kaya ng Diyos na gawan tayo ng bagong puso (Awit 51:10; Ezekiel 36:26). Sinabi ng Diyos, “Ako'y tumatahan sa mataas at banal na dako na kasama rin niya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob, upang bumuhay ng loob ng nagpapakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi” (Isaias 57:15).
Ang gawain ng Diyos na paglikha ng bagong puso ay kinapapalooban ng pagsubok sa ating mga puso (Awit 17:3; Deuteronomio 8:2) at pagpuno sa ating puso ng mga bagong saloobin, bagong karunungan, at bagong pagnanasa (Nehemias 7:5; 1 Hari 10:24; 2 Corinto 8:16).
Ang puso ang sentro ng ating pagkatao at binibigyan ng Bibliya ng mataas na pagpapahalaga ang pagpapanatiling malinis ng ating mga puso: “Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; sapagka't dinadaluyan ng buhay” (Kawikaan 4:23).
English
Ano ang puso?