settings icon
share icon
Tanong

Mabubuhay ba ang tao ng walang Diyos?

Sagot


Salungat sa paniniwala ng mga ateista at "agnostiko" sa mga nakalipas na siglo, ang tao ay hindi kayang mabuhay ng walang Diyos. Ang tao ay maaring mabuhay ng hindi kumikilala sa Diyos ngunit hindi mabubuhay sa katotohanang walang Diyos.

Bilang Lumikha, sa Diyos nagmula ang buhay ng tao. Ang pagsasabing lumabas ang tao ng walang Diyos ay tulad sa pagsasabi na maaaring magkaroon ng relo ng walang gumawa ng relo o maaaring magkaroon ng kwento ng walang manunulat. Utang natin ang ating pagkatao sa Diyos na Siyang lumikha sa atin ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:27). Ang ating pag-iral sa mundo ay nakadepende sa Diyos, tanggapin man natin o hindi na mayroong Diyos.

Ang Diyos ang patuloy na nagbibigay ng buhay at nagpapanatili,

Siya ang buhay (Awit 104:10-32), at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa Kanya (Colosas 1:17). Maging ang mga tumatanggi sa Diyos ay tumanggap ng buhay mula sa Kanya. "Sapagkat pinasisikat Niya ang araw sa masasama at mabubuti at nagpapaulan sa mga ganap at di-ganap" (Mateo 5:45). Ang isipin na ang tao ay mabubuhay ng walang Diyos ay pagpapalagay na ang orkidyas ay mabubuhay ng walang sikat ng araw o ang rosas ay mabubuhay ng hindi dinidiligan ng tubig.

Bilang Tagapagligtas, ang Diyos ang nagbibigay ng buhay na walang hanggan sa mga mananampalataya. "Nasa Kanya ang buhay; at ang buhay ay Siyang ilaw ng mga tao" (Juan 1:4). "Dumating si Hesus upang magkaroon ng buhay at magkaroon ng kasaganaan nito" (Juan 10:10). "Na ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan kasama Siya" (Juan 3:15-16). Na upang mabuhay ang tao - at totoong mabuhay - kinakailangan nyang kilalanin si Kristo (Juan 17:3).

Ang taong walang Diyos ay mayroon lamang pisikal na buhay. Nagbabala ang Diyos kay Adan at Eba na sa araw na sila’y sumuway ay walang pagsalang sila'y mamamatay (Genesis 2:17). Nalalaman natin na hindi sila sumunod ngunit hindi sila pisikal na namatay, sa halip namatay ang kanilang espiritu. Mayroon sa kanilang loob na namatay - ang kanilang ispiritwal na buhay, ang kanilang pakikipag-isa sa Diyos, ang kalayaan na magalak sa Diyos, ang kalinisan at pagkadalisay ng kanilang kaluluwa - ang lahat ng mga ito ay nawala.

Si Adan na nilikha upang mabuhay at makasama ang Diyos ay sinumpa dahil sa tuluyang pagkahulog sa tukso ng laman. Ang nilayon ng Diyos na mula sa alabok patungo sa kaluwalhatian ngayon ay naging alabok patungo sa alabok. Tulad ni Adan, ang taong walang Diyos ngayon ay nabubuhay lamang sa makamundong mga bagay. Ang mga taong yaon ay parang masaya; sabagay mayroong kagalakan at kasiyahan sa buhay na ito. ngunit maging ang mga kagalakan at kasiyahan na ito ay hindi lubos kung hindi dahil sa Diyos.

Ang ilang tumatanggi na mayroong Diyos ay namumuhay sa paglilibang at pagkakatuwa. Ang kanilang karnal na pamumuhay ay tila nag-aani ng madali at masayang pamumuhay. Sinasabi sa Bibliya, na mayroong sukat ng kagalakan sa kasalanan (Mga Hebreo 11:25). Ang problema, ito ay pansamantala lamang; ang buhay sa mundo ay maiksi lamang (Awit 90:3-12). Bukas makalawa, ang hedonista, tulad ng alibughang anak sa talinghaga, ay mapagtatanto na ang makamundong kaligayahan ay panandalian lamang (Lucas 15:13-15).

Hindi lahat ng tumatanggi sa Diyos ay puro mga taong mapaghanap sa makamundong pagsasaya. Marami sa mga hindi ligtas na tao ay namumuhay ng tuwid at maayos, maging ang may maligaya at kuntentong pamumuhay. Inilahad sa Bibliya na ang pagsunod sa mga prinsipyong moral ay may kapakinabangan sa mundong ito - gaya ng katapatan, pagpipigil sa sarili, at iba pa. Ngunit kung walang Diyos, ang mundo lang ang mayroon ang mga taong yaon. Ang tapat at maayos na pamumuhay sa buhay ay hindi garantiya ng kahandaan sa kabilang buhay. Tulad ng talinghaga tungkol sa mayamang magsasaka sa Lucas 12:16-21 at ang pag-uusap ni Hesus at ng isang mayaman ngunit moral na binata sa Mateo 19:16-23.

Ang taong walang Diyos ay walang kakuntentuhan sa kanyang buhay sa mundo. Ang tao ay walang kapayapaan sa kapwa tao dahil wala rin syang sariling kapayapaan. Ang tao ay walang kapanatagan dahil wala syang kapanatagan sa Diyos. Ang paghahanap ng kasiyahan para lamang lumigaya ay dulot ng pagkawala ng kapanatagan sa sarili. Ang mga mapaghanap ng kasiyahan sa buong kasaysayan ay natagpuang ang mga taong pansamantalang naglilibang sa buhay ay nagbubunga lamang ng mas malalim na kawalan ng pag-asa. Ang pakiramdam ng alalahanin na "may mali" ay mahirap iwaksi. Si Haring Solomon ay sumubok sa kung ano ang mga kayang ibigay ng mundong ito, at kanyang itinala ang kanyang napag-alaman sa Aklat ng Mangangaral.

Natuklasan ni Solomon na ang kaalaman, sa ganang kanyang sarili, ay walang kapararakan (Ang Mangangaral 1:12-18). Natagpuan niyang ang kasiyahan at kayamanan ay walang saysay (2:1-11), ang pagiging makamundo ay kahangalan (2:12-23), at ang kayamanan ay madaling mawala (ika-6 na kabanata).

Pinagtibay ni Solomon na ang buhay ay regalo ng Diyos (3:12-13) at ang tanging matalinong pamumuhay ay ang pagkakaroon ng takot sa Diyos: "Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Diyos, at sundin mo ang Kanyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagkat dadalhin ng Diyos ang bawa't gawa sa kahatulan, pati ng bawa't kubling bagay, maging ito'y mabuti o maging ito'y masama" (12:13-14).

Sa madaling salita, mas marami pang mahalaga sa buhay kumpara sa mga pisikal na bagay. Binigyang diin ito ni Hesus ng Kanyang sinabi "Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos" (Mateo 4:4). Hindi tinapay (pisikal) kundi Salita ng Diyos (espiritwal) ang bumubuhay sa tao. Walang silbi ang pagsisiyasat sa sarili lamang para pawiin ang lahat ng ating kapighatian. Matatagpuan lamang ng tao ang halaga at kakuntentuhan sa buhay kung kikilalanin niya ang Diyos.

Ang hantungan ng taong walang Diyos ay impyerno. Ang taong walang kinikilalang Diyos ay patay sa espiritwal; sa oras na matapos ang kanyang pisikal na buhay, tutungo siya sa walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos. Ayon sa kwento ni Hesus tungkol sa isang mayaman at kay Lazaro (Lucas 16:19-31), ang mayaman ay namumuhay ng masaya at masagana ngunit hindi kumikilala sa Diyos, samantalang si Lazaro ay nagdurusa sa buhay ngunit kinilala ang Diyos. Naunawaan lamang nila ang bigat ng mga piniling desisyon sa kanilang buhay pagkatapos nilang mamatay. Napagtanto ito ng lalaking mayaman, ngunit huli na, nalaman niyang marami pang mas mahalaga sa buhay kaysa kayamanan. Samantalang si Lazaro ay maginhawa ang buhay sa paraiso. Para sa dalawang ito, ang maiksing pamumuhay nila sa mundo ay walang-wala kung ihahambing sa permanenteng kalagayan ng kanilang kaluluwa.

Ang tao ay natatanging nilikha. "Inilagay ng Diyos ang sanglibutan sa kanilang puso, na anupat hindi matalos ng tao ang gawa na ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas" (Mangangaral 3:11), at ang katuparan ng walang hanggan ay matatagpuan lamang sa Diyos at sa Kanya lamang.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mabubuhay ba ang tao ng walang Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries