settings icon
share icon
Tanong

Ano ang hitsura ng mga anghel?

Sagot


Ang mga anghel ay mga nilalang na espiritu (Hebreo 1:14), kaya wala silang pisikal na anyo. Ngunit mayroon silang kakayahan na magpakita sa anyo ng tao. Sa tuwing nagpapakita ang mga anghel sa mga tao sa Bibliya, ang anyo nila ay katulad ng mga karaniwang lalaki. Sa Genesis 18:1-19, Nagpakita ang Diyos at dalawang anghel sa anyong tao at aktwal na kumain kasama ni Abraham. Nagpakita ang mga anghel sa anyong lalaki ng maraming beses sa buong Bibliya (Josue 5:13-14; Markos 16:5), at hindi sila nagpakita ni minsan sa anyong babae.

Sa ibang pagkakataon, nagpakita ang mga anghel hindi bilang tao kundi sa anyo na hindi kayang ipaliwanag ng tao at sobrang nakakatakot para sa mga nakakita. Madalas, ang unang salitang kanilang sinasabi sa kanilang pinagpapakitaan ay ‘huwag kang matakot,’ dahil laging ang unang reaksyon ng tao na kanilang pinagpapakitaan ay sobrang takot. Ang mga nagbabantay sa libingan ni Hesus ay nahimatay lahat ng makita nila ang ‘Anghel ng Panginoon’ (Mateo 28:4). Natakot din ang mga pastol na noo'y nagbabantay ng kanilang mga tupa ng magpakita sa kanila ang ‘Anghel ng Panginoon’ at magliwanag sa kanilang paligid ang kanyang kaluwalhatian.

Tungkol sa kanilang mga pisikal na katangian, inilalarawan sila minsan na may mga pakpak. Ang mga kerubin sa kaban ng tipan ay may mga pakpak na tumatakip sa luklukan ng awa (Exodo 25:20). Nakakita si Isaias ng mga kerubin sa kanyang pangitain ng trono ng Diyos, ang bawat isa sa kanila ay may tig-anim na pakpak (Isaias 6:2). Nakakita din si Ezekiel ng pangitain ng mga anghel na may mga pakpak. Inilarawan sa Isaias 6:1-2 ang mga anghel na nagtataglay ng katangian ng tao katulad ng boses, mukha at mga paa. Sa ibang mga talata ng Bibliya, narinig ang mga tinig ng mga anghel na umaawit ng papuri sa Diyos. Ang isa sa mga kumpletong paglalarawan sa isang anghel ay makikita sa Daniel 10:5-6: "Nang tumingala ako, may nakita akong isang taong nakadamit ng kayong lino at may pamigkis na ginto. Ang katawan niya'y kumikinang na parang topasyo at kumikislap na parang kidlat ang mukha. Nagniningas na parang sulo ang kanyang mga mata, ang mga paa't kamay ay nagniningning na parang makinis na tanso. Ang tinig niya ay umuugong na parang sigaw ng maraming tao." Pareho din nito ang paglalarawan sa anghel na nasa libingan ni Hesus: "Ang kanyang mukha ay nakasisilaw na parang kidlat at kasimputi ng busilak ang kanyang damit" (Mateo 28:3).

Anuman ang totoong hitsura ng mga anghel, posibleng ito ay sobrang napakaganda. Sinabi sa atin ni Ezekiel na nagmataas si Lucifer dahil sa kanyang kagandahan. Sa karagdagan, bilang mga anghel na laging nasa presensya ng Diyos, maaasahan sa kanila na magkaroon ng hindi pangkaraniwang kagandahan dahil lagi silang nasisinagan ng kaluwalhatian ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang hitsura ng mga anghel?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries