Tanong
Sino ang anghel na mamumuksa?
Sagot
Ang anghel na mamumuksa ay karaniwan ding tinatawag na anghel ng kamatayan. Sa maraming okasyon, gumamit ang Diyos ng mga anghel—ilang uri ng makalangit na mensahero—para hatulan ang mga makasalanan sa mundo. Walang malinaw na ebidensya sa Bibliya na may isang partikuar na anghel na binigyan ng titulong “anghel na mamumuksa” o “anghel ng kamatayan.” Ang aming pinaka-masasabi ay binabanggit ng Bibliya ang isang “anghel na mamumuksa” bilang pagtukoy sa isang makalangit na nilalang o mga nilalang na dumating para puksain ang mga taong nasa ilalim ng hatol ng Diyos.
Ang pinakakilalang pagbisita ng isang anghel na mamumuksa ay noong unang Paskuwa. Mararanasan na ng Ehipto ang ikasampu at panghuling salot, ang kamatayan ng mga panganay. Binigyan ni Moises ang mga Hebreo ng ganitong babala: “Dahil dadaan ang Panginoon sa Egipto para patayin ang mga panganay na lalaki ng mga Egipcio. Pero kapag nakita ng Panginoon ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki” (Exodo 12:23). Ang nilalang na ito ay tinawag na “mamumuksa ng mga panganay” sa Hebreo 11:28.
Kapansin-pansin na hindi man lamang binabanggit sa orihinal na tekstong Hebreo sa Exodo 12:23 ang salitang anghel. Simpleng sinasabi na “isang mamumuksa” o “isang magiging sanhi ng pinsala” ang papatay sa mga panganay ng Ehipto. Maaaring ang Panginoon mismo ang mamumuksa, bagama’t may posibilidad na nagpadala ang Diyos ng isang anghel para isagawa ito. Inalala sa Awit 78 ang mga salot sa Ehipto at sinabi na nagpakawala ang Diyos ng isang grupo ng mga anghel (talata 49). Ginamit sa talatang ito ang wikang Hebreo para sa salitang anghel, pero hindi ito limitado sa isang partikular na anghel.
Isang mamumuksang anghel—isang makalangit na mensahero na may dalang pagkawasak—ang isinugo din ng Diyos para hatulan ang mga Israelita dahil sa pagbibilang ni David sa mga tao: “Kaya nagpadala ang Panginoon ng matinding salot sa Israel mula noong umagang iyon hanggang sa itinakda niyang panahon. At 70,000 tao ang namatay mula Dan hanggang sa Berseba. Nang papatayin na ng anghel ang mga mamamayan ng Jerusalem, naawa ang Panginoon sa mga tao. Kaya sinabi niya sa anghel na nagpaparusa sa mga tao, “Tama na! Huwag na silang parusahan.” Nang oras na iyon, nakatayo ang anghel ng Panginoon sa may giikan ni Arauna na Jebuseo’” (2 Samuel 24:15–17).
Nakatagpo din ng mga taga Asiria na lumusob sa Jerusalem sa panahon ng paghahari ni Haring Ezekias ang maaaring isang anghel ng kamatayan o mamumuksang anghel: “Kinagabihan, pumunta ang anghel ng Panginoon sa kampo ng Asiria at pinatay niya ang 185,000 kawal. Kinaumagahan, paggising ng mga natitirang buhay, nakita nila ang napakaraming bangkay!” (2 Hari 19:35). Sa talatang ito, maging sa 2 Samuel 24, ang mamumuksang anghel ay aktwal na tinawag na “anghel ng Panginoon” na sinasabi ng maraming iskolar na isang pagtukoy para sa pagpapakita ng Panginoong Jesus sa anyong tao bago Siya magkatawang tao.
Isa pang anghel na nagdulot ng kamatayan at pagkawasak ang binanggit sa paghatol kay Haring Herodes (Gawa 12:23). Isang anghel na may intensyong pumatay na nakilala bilang “anghel ng Panginoon” na may tangang espada ang nagbigay ng babala kay Balaam (Bilang 22:31–33). At binanggit ni Jesus ang isang anghel sa paghatol sa masasama sa huling panahon (Mateo 13:49–50). Walang kahit isa sa mga kasong ito ang tinawag na “anghel na mamumuksa” o “anghel ng kamatayan.” Maaari nating tukuyin ang isang anghel na isinasagawa ang hatol ng Diyos bilang “anghel na mamumuksa,” ngunit ito ay isang salitang walang malinaw na basehan sa Bibliya.
English
Sino ang anghel na mamumuksa?