settings icon
share icon
Tanong

Bakit hindi binigyan ng Diyos ng pagkakataon na magsisi ang mga anghel na nagkasala?

Sagot


Hindi partikular na tinalakay sa Bibliya ang isyu ng pagkakaroon ng pagkakataon ng mga nagkasalang anghel na magsisi, ngunit may ilang mga pananaw na makikita tayo mula sa Bibliya. Una, Si Satanas (Lucifer) ang isa sa pinakamataas ang katungkulan sa lahat ng anghel, o maaaring ang pinakamataas ang katungkulan sa mga anghel (Ezekiel 28:14). Si Lucifer - at ang lahat ng mga anghel - ay namamalagi sa presensya ng Diyos at may kaalaman sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya nga, wala silang maidadahilan sa kanilang pagrerebelde laban sa Diyos at pagtataksil sa Kanya. Hindi sila tinuksong magkasala. Si Lucifer at ang iba pang anghel ay nagrebelde sa Diyos sa kabila ng kanilang kaalaman na ang pagrerebelde laban sa Diyos ang pinakamasamang bagay na maaari nilang gawin.

Ikalawa, hindi gumawa ng anumang plano ang Diyos para sa katubusan ng mga anghel gaya ng Kanyang ginawa para sa sangkatauhan. Ang pagbagsak sa kasalanan ng tao ay nangailangan ng pantubos at nagkaloob ang Diyos ng handog sa pamamagitan ni Hesu Kristo. Sa Kanyang biyaya, binigyan ng Diyos ng pagkakataon na makapagsisi ang sangkatauhan at binigyan ng karangalan ang Kanyang sarili.

Walang ganitong paghahandog ang isinakatuparan ng Diyos para sa mga anghel. Bilang karagdagan, tinukoy ng Diyos ang mga anghel na nanatiling tapat sa Kanya na Kanyang mga ‘hinirang’ o ‘pinili’ (1 Timoteo 5:21). Alam natin mula sa doktrina ng Bibliya tungkol sa pagpili ng Diyos na ang mga pinili ng Diyos para sa kaligtasan ay tiyak na maliligtas, at walang makapaghihiwalay sa kanila sa pag-ibig ng Diyos (Roma 8:38-39). Maliwanag na ang mga anghel na nagrebelde laban sa Diyos ay mga anghel na ‘hindi pinili’ ng Diyos.

Sa huli, hindi tayo binibigyan ng Bibliya ng dahilan upang maniwala na ang mga anghel na nagkasala ay magsisisi kahit na bigyan pa sila ng pagkakataon ng Diyos (1 Pedro 1:8). Ang mga anghel na nagkasala ay ibinigay na ang kanilang sarili sa paglaban sa Diyos at sa pagatake sa mga anak ng Diyos. Sinasabi sa Bibliya ang bigat ng kaparusahan ayon sa laki ng kaalaman tungkol sa Diyos (Lukas 12:48). Ang mga anghel na nagkasala, dahilan sa kanilang malaking kaalaman sa Diyos, ay tiyak na makakaranas ng mas matinding parusa at hatol ng Diyos na sadyang nararapat para sa kanila.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit hindi binigyan ng Diyos ng pagkakataon na magsisi ang mga anghel na nagkasala?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries