Tanong
Mayroon bang partikular na anghel na nakatalaga para kunin ang buhay ng tao?
Sagot
Ang ideya tungkol sa isang ‘anghel ng kamatayan’ ay sangkap ng maraming relihiyon. Ang ‘anghel ng kamatayan’ ay kilala bilang si Samael, Sariel o Azrael sa Judaismo; bilang si Malak Almawt naman sa Islam; Yama o Yamamraj sa Hinduismo, at bilang si ‘Grim Reaper’ sa isang popular na kuwentong barbero. Sa maraming alamat, ang anghel ng kamatayan ay inilalarawan bilang isang kalansay na may itim na balabal at may hawak na karit, o kaya naman ay isang magandang babae o isang maliit na bata. Habang nagkakaiba-iba ang detalye ng paglalarawan, ang iisang paniniwala ay pumupunta diumano ang anghel ng kamatayang ito sa isang tao sa oras ng kamatayan - maaaring siya mismo ang dahilan ng kamatayan o simpleng nagmamasid lamang habang naghihingalo ang isang tao - sa layunin na kunin ang kaluluwa ng tao at dalhin sa lugar ng mga patay.
Ang konseptong ito ng ‘anghel ng kamatayan’ ay hindi itinuturo sa Bibliya. Hindi itinuro saanman sa Bibliya na may isang partikular na anghel na dumarating sa tao sa oras ng kamatayan at nakatalaga upang kunin ang buhay ng tao. Inilalarawan sa 2 Hari ang isang anghel na pumatay ng 185,000 kawal ng Asiria na sumakop sa Israel. May ilan din na ipinalalagay na kagagawan ng isang ‘anghel ng kamatayan’ ang pagpatay sa lahat ng mga panganay sa Egipto sa Exodo 12. Habang posibleng ito nga ang nangyari, hindi sinabi kahit saan sa Bibliya na isang partikular na ‘anghel ng kamatayan’ ang pumatay sa mga panganay sa Egipto. Habang sinasabi sa Exodo 12 na isang anghel ang dahilan ng kamatayan ng mga panganay sa Egipto sa utos ng Panginoon, hindi itinuturo saanman sa Bibliya na may isang partikular na ‘anghel ng kamatayan.’
Tanging ang Diyos at Diyos lamang ang may kapamahalaan sa oras ng ating kamatayan. Walang anghel o demonyo ang maaaring maging sanhi ng ating kamatayan sa anumang kaparaanan bago ang panahon na itinakda ng Diyos para sa atin. Ayon sa Roma 6:23 at Pahayag 20:11-15, ang kamatayan ay pagkahiwalay, pagkahiwalay ng ating espiritu-kaluluwa mula sa ating katawan (pisikal na kamatayan) at sa kaso ng mga hindi mananampalataya, walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos (kamatayang walang hanggan). Ang kamatayan ay isang pangyayari na nangyayari ayon sa panahong itinakda ng Diyos. Hindi anghel o demonyo o isang persona o anumang nilalang ang kamatayan. Maaaring maging sanhi ng kamatayan ang isang anghel o maaaring masangkot ang isang anghel sa anumang mangyayari sa atin pagkatapos ng kamatayan - ngunit walang anumang anghel na tinatawag na ‘anghel ng kamatayan’ sa Kasulatan.
English
Mayroon bang partikular na anghel na nakatalaga para kunin ang buhay ng tao?