Tanong
Nagpapakita pa ba ang mga anghel ngayon?
Sagot
Sa Bibliya, nagpapakita ang mga anghel sa mga tao sa iba't ibang kaparaanan at sa hindi inaasahang mga pagkakataon. Sa isang pangkaraniwang pagbabasa ng Bibliya, maaaring magkaroon ng ideya ang isang tao na ang pagpapakita ng anghel ay pangkaraniwan lamang, ngunit hindi ito totoo. May dumaraming interes ang mga tao ngayon sa pagpapakita ng mga anghel at maraming mga napapaulat na pagpapakita ng mga anghel. Ang mga anghel ay bahagi ng paniniwala ng halos lahat ng relihiyon at sa pangkalahatan ay pinaniniwalaan sila na gumaganap ng tungkulin bilang tagapaghatid ng mensahe ng Diyos. Upang malaman kung nagpapakita pa ba ang mga anghel ngayon, una muna nating tingnan ang katuruan ng Bibliya patungkol sa paksang ito sa pamamagitan ng pagaaral sa kanilang mga pagpapakita noong unang panahon.
Ang unang pagpapakita ng anghel sa Bibliya ay nasa Genesis 3:24, pagkatapos na palayasin sina Adan at Eba sa Hardin ng Eden. Nagtalaga ang Diyos ng isang Kerubin upang harangan ng kanyang nagbabagang espada ang pasukan nito. Ang sumunod na pagpapakita ng anghel ay sa Genesis 16:7, mga 1,900 pagkatapos ng Genesis 16:7. Inutusan ng isang anghel si Hagar, isang ehipsya na alipin ng ina ni Ismael kay Abraham na bumalik, at magpasakop kay Sara. Binisita ng Diyos at ng dalawang anghel si Abraham sa Genesis 18:2 ng sabihan siya ng Diyos tungkol sa nalalapit na paggunaw sa siyudad ng Sodoma at Gomora. Ang dalawang anghel ding iyon ang bumisita kay Lot at nagpayo sa kanya na tumakas mula sa siyudad kasama ang kanyang pamilya bago iyon tupukin ng apoy (Genesis 19:1-11). Nagpakita rin ang mga anghel ng hindi pangkaraniwang kapangyarihan ng bulagin nila ang mga masasamang tao na nagbabanta sa kanilang buhay.
Nang makakita si Jacob ng napakaraming anghel (Genesis 32:1), agad niyang nakilala na iyon ay isang hukbo ng Diyos. Sa aklat ng Bilang 22:22, isang anghel ang sumaway sa suwail na propetang si Balaam ngunit hindi ito agad nakita ni Balaam, bagamat nakita ito ng kanyang asno. Binisita ng isang anghel si Maria na nagbalita sa kanya na siya ang magiging ina ng Mesiyas, at pinayuhan si Jose ng isang anghel na dalhin ang kanyang mag-ina sa Egipto upang iligtas sila mula sa mga kamay ni Herodes (Mateo 2:13). Sa tuwing nagpapakita ang mga anghel, ang mga nakakita sa kanila ay sinisidlan ng matinding takot (Hukom 6:22; 1 Cronica 21:30; Mateo 28:5). Nagdadala ang mga anghel ng mensahe mula sa Diyos at ginagawa nila ang Kanyang mga ipinaguutos, minsan sa pamamagitan ng mahimalang pamamaraan. Sa bawat pagpapakita, itinuturo ng mga anghel ang tao sa Diyos at sa pagbibigay ng karangalan sa Kanya. Ang mga anghel ng Diyos ay tahasang tumatanggi sa pagsamba ng tao (Pahayag 22:8-9).
Ayon sa mga napapaulat ngayon, ang mga pagbisita ng anghel ay dumarating sa iba't ibang kaparaanan. May mga kaso na isang estranghero ang pumigil sa isang seryosong aksidente na maaaring ikamatay ng tao at pagkatapos ay biglang naglalaho. May iba namang napabalita na may isang may pakpak at nakaputing nilalang ang nakita ng panandalian at pagkatapos ay biglang nawala sa paningin. Ang taong nakakita sa anghel ay karaniwang nakakadama ng kapayapaan at katiyakan ng presensya ng Diyos. Ang ganitong mga uri ng pagbisita ng anghel ay tila sumasang-ayon sa modelong makikita sa Gawa 27:23.
Ang isa pang uri ng pagpapakita ng anghel ay minsang napaulat na gaya ng isang koro ng mangaawit sa Lukas 2:13, ng bisitahin ng mga anghel na umaawit mula sa langit ang mga pastol ng balitaan ang mga ito ng tungkol sa pagsilang ni Hesus. May mga tao na nakaranas diumano ng ganitong pagpapakita ng mga anghel sa mga lugar ng pagsamba. Ngunit hindi tumutugma ang ganitong pangyayari sa modelo ng Bibliya dahil tipikal na wala itong layunin maliban sa pagbibigay ng magandang pakiramdam sa nakaranas nito. Ang koro ng mga anghel sa Ebanghelyo ni Lukas ay naghatid ng isang partiikular na balita hindi lamang basta umawit.
Ang pangatlong uri ng pagpapakita ng mga anghel ay kinapapalooban ng pisikal na pakiramdam lamang. May mga matatanda na nagsabi na nakaramdam sila diumano ng tila mga pakpak na yumakap sa kanila sa panahon ng sobrang kalungkutan. Tunay na ang Diyos ang Diyos ng lahat ng kaaliwan (Awit 91:4). Ang mga ganitong karanasan ay maaring halimbawa ng pagpapadama ng Diyos ng ganitong kaaliwan.
Ang Diyos ay aktibong kumikilos pa rin sa mundo ngayon at tiyak na ang Kanyang mga anghel ay gumagawa pa rin ng Kanyang kalooban. Kung paanong iningatan ng Diyos ang Kanyang mga anak sa nakaraan, makatitiyak tayo na iingatan pa rin Niya tayo ngayon. Sinasabi sa Hebreo 13:2, "Huwag ninyong kaligtaan ang pagpapatuloy sa mga taga-ibang bayan. May ilang gumawa nito, at nakapagpatuloy sila ng mga anghel nang di nila nalalaman." Habang sumusunod tayo sa mga utos ng Diyos, posibleng nakakaengkuwentro tayo ng mga anghel, bagamat maaaring hindi natin iyon namamalayan. Sa mga espesyal na pagkakataon. Sa kasulatan, pinahihintulutan ng Diyos na makita ng tao ang mga anghel na hindi nakikita, upang bigyan ng kalakasan ang kanyang mga anak at magpatuloy sila sa paglilingkod (2 Hari 6:16-17).
Kailangan din nating pakinggan ang babala ng Bibliya tungkol sa mga anghel: may mga masamang anghel na naglilingkod kay satanas at gagawin ang lahat upang iligaw at wasakin tayo. Binabalaan tayo sa Galacia 1:8 na magingat sa anumang ‘bagong’ Ebanghelyo, kahit pa ito ay ipinahayag ng isang anghel. Nagbabala din ang Colosas 2:19 laban sa pagsamba sa mga anghel. Sa tuwing yumuyukod ang mga tao sa anghel sa Bibliya, ang mga anghel ay tahasang tumatanggi sa kanilang pagsamba. Ang sinumang anghel na tumatanggap ng pagsamba o hindi nagbibigay ng kaluwalhatian sa Panginoong Hesus ay isang impostor. Sinasabi sa 2 Corinto 11:14-15 na maaaring magkunwaring anghel ng kaliwanagan si Satanas at ang kanyang mga anghel upang dayain at iligaw ang sinumang makikinig sa kanila.
Nagpapalakas ng ating loob ang kaalaman na patuloy na kumikilos ang mga anghel ng Diyos sa kasalukuyan. Sa mga espesyal na sandali, maaari tayong magkaroon ng mga personal na engkuwentro sa kanila. Higit pa sa karunungang ito ay ang sinabi mismo ng Panginoong Hesus, "Tandaan ninyo: ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan" (Mateo 28:20). Ipinangako sa atin mismo ni Hesus na siyang lumikha sa mga anghel at tumatanggap ng kanilang pagsamba ang kanyang pagsama sa atin sa lahat ng panahon.
English
Nagpapakita pa ba ang mga anghel ngayon?