settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Animismo?

Sagot


Ang Animismo ay ang paniniwala na ang lahat ng bagay ay may kaluluwa o espiritu, o anima sa wikang Latin. Kasama sa mga bagay na may kaluluwa ang mga hayop, halaman, bato, mga bundok, mga ilog, at mga bituin. Naniniwala ang mga Animista na ang bawat anima ay isang makapangyarihang espiritu na maaaring tumulong o manakit sa tao at dapat silang sambahin, katakutan at kilalanin sa iba’t ibang kaparaanan. Ang Animismo ay isang katutubong relihiyon na nasa mundo na sa loob ng libu libong taon, at ang mga naniniwala sa relihiyong ito ay itinuturing na diyos ang mga hayop, bituin, at lahat ng uri ng idolo at nagsasanay ng espiritismo, pangkukulam, panghuhula at astrolohiya. Gumagamit sila ng mga mahika, hipnotismo, gayuma, mga pamahiin, mga amulet, talisman, mga pampaswerte at anumang bagay na pinaniniwalaan nilang magiingat sa kanila laban sa masasamang espiritu at nagbibigay kasiyahan sa mabubuting espiritu.

Makikita ang mga elemento ng Animismo sa maraming huwad na relihiyon gaya ng Hinduismo, Mormonismo, Charismatic Movement at lahat ng kulto na kabilang sa kilusang New Age. Laging itinuturo ng mga huwad na relhiyon, sa iba’t ibang antas, na ang espiritu ng tao ay Diyos din sa esensya at ang mga relihiyong ito ang tutulong sa tao na maunawaan ang konseptong ito at mapaunlad ang kanyang espiritu, upang ang tao ay maging ganap ding Diyos. Ito ay isang kasinungalingan ni Satanas na malaon na niyang pinalalaganap mula pa ng kanyang tuksuhin si Adan at Eba sa hardin ng Eden ng kanyang sabihin sa kanila, “magiging kagaya kayo ng Diyos” (Genesis 3:5).

Napakalinaw na sinasabi sa Bibliya na may isa lamang Diyos at ang lahat ng bagay, mula sa mga anghel sa langit hanggang sa bawat butil ng buhangin sa dalampasigan ay pawang Kanyang nilikha (Genesis 1:1). Ang anumang relihiyon na nagtuturo na may iba pang diyos, malaki man o maliit, maliban sa iisang Diyos ay nagtuturo ng kasinungalingan. “…walang Dios na inanyuan na una sa akin, o magkakaroon man pagkatapos ko.” (Isaias 43:10) and “Ako ang Panginoon, at walang iba; liban sa akin ay walang Dios” (Isaias 45:5). Ang pagsamba sa mga huwad na diyos, na hindi talaga tunay na Diyos ay kasalanan at kinamumuhian ng Diyos dahil ito ay pagnanakaw sa kaluwalhatian na tanging sa Kanya lamang nararapat. Maraming beses sa Bibliya na mahigpit na ipinagbawal ng Diyos ang pagsamba sa mga huwad na diyos at mga diyus diyusan.

Bilang karagdagan, mahigpit na ipinagbabawal ng Bibliya ang mga ginagawa ng mga animista. “Sinumang kumakausap sa mga espiritu ng mga patay na o mga manghuhula, maging lalaki o babae, ay babatuhin hanggang sa mamatay. Sila na rin ang may kagagawan sa sarili nilang kamatayan" (Levitico 20:27). Ang mga gawain ng Animismo ay bukas na pintuan na nagiimbita sa mga demonyo na manghimasok sa buhay ng mga tao. Mahigpit na kinukondena ng Bibliya ang mga taong gumagawa ng mga bagay na ito (Deuteronomio 18; Levitico 20; Isaias 47).

Gaya ng ibang huwad na relihiyon, ang Animismo ay isang gawain ni Satanas, ang ama ng kasinungalingan. Ngunit, napakarami pa rin sa buong mundo ang nadadaya ng diyablo, ang kaaway na “parang leong umaatungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila” (1 Pedro 5:8). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Animismo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries