settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Diyos?

Sagot


Isinulat ni A. W. Tozer, ’Ano ang katulad ng Diyos?’ Kung ang tanong na ito ay tungkol sa ‘kung ano ang itutulad ng Diyos sa Kanyang sarili’ wala tayong sagot. Kung ang ibig sabihin natin sa tanong na ito ay ‘Ano ang ipinaalam ng Diyos tungkol sa Kanyang sarili na kayang maunawaan ng magalang na pangangatwiran?’ Naniniwala ako na may sagot na sapat at katanggap tanggap.”

Tama si Tozer sa pagsasabi na hindi natin kayang malaman kung ano ang Diyos patungkol sa Kanyang sarili. Idineklara sa Aklat ni Job, “Masusumpungan mo ba ang Dios sa pagsaliksik? Masusumpungan mo ba sa kasakdalan ang Makapangyarihan sa lahat? Mataas na gaya ng langit; anong iyong magagawa? Malalim kay sa Sheol: anong iyong malalaman? Ang sukat niyao'y mahaba kay sa lupa. At maluwang kay sa dagat?” (Job 11:7–8).

Gayunman, maaari nating malaman kung ano ang ipinahayag Niya tungkol sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita at sa pamamagitan ng Kanyang sangnilikha.

Noong utusan ng Diyos si Moises na makipagusap sa Hari ng Ehipto upang hilingin ang kalayaan ng mga Israelita, tinanong ni Moises ang Diyos ng ganito, “Narito, pagdating ko sa mga anak ni Israel, at sasabihin ko sa kanila, Sinugo ako sa inyo ng Dios ng inyong mga magulang; at sasabihin nila sa akin: Ano ang kaniyang pangalan? anong sasabihin ko sa kanila?” (Exodo 3:13).

Ang sagot ng Diyos kay Moises ay simple ngunit naglalaman ng pagkakakilanlan tungkol sa Kanyang kalikasan: “At sinabi ng Dios kay Moises, AKO YAONG AKO NGA; at kaniyang sinabi, Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA’” (Exodo 3:14). Isinalin ng literal sa wikang Hebreo ang talatang 15 na “Ako ay kung ano Ako.”

Ang pangalang ito ay nagpapahayag sa katotohanan na ang Diyos ay likas na umiiral o gaya ng tinatawag ng iba na aktwal o likas na pag-iral. Ang likas na pagiral ay nagsasaad ng kawalan ng posiblilidad na hindi Siya umiral. Sa ibang salita maraming bagay ang maaaring umiral (halimbawa tao, hayop, halaman), ngunit isa lamang ang likas na umiiral. Maaaring magkaroon ng ibang mga bagay ngunit ang Diyos lamang ang likas na naroon na sa simula pa.

Ang katotohanan na ang Diyos lamang ang naroroon na sa pasimula pa ang magdadala sa atin sa limang katotohanan patungkol sa kung ano ang Diyos – o kung anong uri ng persona ang Diyos.

Una, ang Diyos lamang ang umiiral sa Kanyang sarili at ang unang sanhi ng lahat ng bagay na umiiral. Simpleng sinasabi sa Juan 5:26, “ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili.” Ipinangaral ni Apostol Pablo, “Ni hindi rin naman pinaglilingkuran siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay” (Gawa 17:25).

Ikalawa, ang Diyos ay ang “kinakailangang persona.” Ang kinakailangang persona ay ang Isa na imposible para sa Kanya na hindi umiral. Ang Diyos lamang ang kinakailangang persona; at ang lahat ng mga bagay ay umaaasang persona lamang, na nangangahulugan na may lumikha sa kanila at maaaring hindi sila lumabas sa sangnilikha. Kung wala ang Diyos, wala din ang lahat ng mga bagay. Siya lamang ang kinakailangang persona kung saan nanggaling ang lahat ng mga bagay. Ito ang katotohanang sinabi ni Job: “Kung kaniyang ilagak ang kaniyang puso sa tao, kung kaniyang pisanin sa kaniyang sarili ang kaniyang espiritu at ang kaniyang hininga; Tanang laman ay mamamatay na magkakasama, at ang tao ay mababalik uli sa alabok” (Job 34:14–15).

Ikatlo, Ang Diyos ay isang personal na persona. Ang salitang personal sa kontekstong ito ay hindi nangangahulugan ng personalidad (gaya ng pagiging nakakatawa, o magaling makisama, atbp.); sa halip, nangangahulugan ito ng “pagiging intensyonal.” Ang Diyos ay puno ng layunin na may kalooban, lumilikha, at namamahala sa mga pangyayari ayon sa Kanyang kagustuhan. Isinulat ni Propeta Isaias, “Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko; Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo ko ay mananayo, at gagawin ko ang aking buong kaligayahan” (Isaias 46:9–10).

Ikaapat, ang Diyos ay isang Trinidad na persona. Ang katotohanang ito ay isang misteryo, ngunit ang buong Kasulatan at ang buhay sa pangkalahatan ay nagpapatunay sa katotohanang ito. Malinaw na itinuturo ng Bibliya na may isa lamang tunay na Diyos: “Dinggin mo, Oh Israel: ang Panginoon nating Dios ay isang Panginoon” (Deuteronomio 6:4). Ngunit idineklara din ng Bibliya na may mga persona sa iisang Diyos. Bago umakayat sa langit, inutusan ni Hesus ang Kanyang mga alagad: “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19). Pansinin ang pangngalang pangisahan na “pangalan” sa talata; hindi sinabi “mga pangalan,” na maaaring mangahulugan na may tatlong diyos. May isa lamang Diyos na binubuo ng tatlong persona.

Tinatawag ang Ama sa iba’t ibang lugar sa Kasulatan na Diyos, ang Anak din ay Diyos at ang Banal na Espiritu ay Diyos. Halimbawa, ang katotohanan na si Hesus ay umiiral sa Kanyang sarili at Siyang unang sanhi ng lahat ng mga bagay ay binanggit sa unang mga talata ng Aklat ni Juan: “Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya. Nasa kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao” (Juan 1:3–4). Sinasabi din ng Bibliya na si Hesus ay likas na umiiral at sa Kanya umaasa ang lahat ng mga bagay na nilikha, “At siya'y una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nangabubuhay dahil sa kaniya” (Colosas 1:17).

Ikalima, ang Diyos ay umiibig na persona. Kung paanong ang lahat ng bagay ay maaaring umiral o hindi ngunit Isa lamang ang likas na umiiral, maaari ding maranasan ng tao at ng iba pang nilalang ang pag-ibig ngunit Isa lamang ang likas na pag-ibig. Sinasabi sa 1 Juan 4:8 ang isang simpleng pangungusap ng realidad, “Ang Diyos ay pag-ibig.”

Ano ang Diyos? Ang Diyos ang nagiisang makakapagsabi, “Ako ay kung ano Ako.” Ang Diyos ang tanging likas at aktwal na umiiral, at ang pinanggalingan ng lahat na umiiral. Siya lamang ang kinakailangang persona, puno ng layunin at nagtataglay ng tatlong persona, ang Ama, Anak at Espiritu Santo.

Ang Diyos ay pag-ibig. Iniimbitahan ka Niya na hanapin Siya at tuklasin ang Kanyang pag-ibig para sa iyo sa Kanyang salita at sa buhay ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo, ang namatay para sa iyong mga kasalanan at nagbigay ng daan upang mabuhay ka na kasama Niya sa walang hanggan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries