Tanong
Ano ang Torah?
Sagot
Ang Torah ay isang salitang Hebreo na katumbas ng salitang tagalog na “magturo.” Ang Torah ay tumutukoy sa limang aklat ni Moises sa Bibliyang Hebreo/Lumang Tipan (Ang Genesis, Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio). Ang Torah ay isinulat noong humigit kumulang 1400 BC. Sa tradisyon, ang Torah ay sulat kamay sa isang balumbon (scroll) ng isang “sofer” (eskriba). Ang uring ito ng dokumento ay tinatawag na “Sefer Torah.” Ang isang makabagong limbag ng Torah sa isang aklat ay tinatawag na “Chumash” (may kaugnayan sa wikang Hebreo para sa salitang lima).
Narito ang isang maiksing paglalarawan sa limang aklat ng Torah:
Genesis: Ang unang aklat ng Torah ay kinapapalooban ng limampung kabanata at sinasaklaw ang yugto ng panahon mula sa paglikha ng Diyos sa lahat ng mga bagay hanggang sa panahon ng kamatayan at paglilibing kay Jose. Kasama dito ang tala tungkol sa paglikha (mga kabanata 1—2), ang pasimula ng pagkakasala ng tao (kabanata 3), Kuwento tungkol kay Noe at ang daong (kabanatas 6—9), ang tore ng Babel (kabanata 10—11), at ang buhay nina Abraham, Isaac, at Jacob, at ang mahabang salaysay ng buhay ni Jose.
Exodo: Ang ikalawang aklat ng Torah ay kinapapaloban ng 40 kabanata at sinasaklaw ang yugto ng panahon mula sa pagkaalipin ng mga Judio sa Egipto hanggang sa pagbaba ng kaluwalhatian ng Diyos sa nakumpletong tabernakulo sa ilang. Kasama sa aklat na ito ang tala tungkol sa pagsilang ni Moises, ang mga salot sa Ehipto, ang paglabas ng mga Judio mula sa Egipto, ang pagtawid sa Dagat na Pula, at ang pagbibigay ng Diyos kay Moises ng Kautusan sa bundok ng Sinai.
Levitico: Ang ikatlong aklat ng Torah ay kinapapalooban ng 27 kabanata at naglalaman ng karamihan sa mga kautusan patungkol sa mga paghahandog, pag-aalay, at mga kapistahan ng mga Israelita.
Mga Bilang: Ang ikaapat na aklat sa Torah ay kinapapalooban ng 36 kabanata at sinasaklaw ang may apatnapung taon na naglagalag ang mga Israelita sa ilang. Itinala sa aklat ng mga Bilang ang isang senso ng mga Israelita at ilang mga detalye tungkol sa kanilang paglalakabay patungo sa Lupang Pangako.
Deuteronomio: Ang ikalimang aklat ng Torah ay kinapapalooban ng 34 kabanata at tinatawag na “Deuteronomio” base sa Salitang Griyego na ang big sabihin ay “ikalawang kautusan.” Sa aklat, inulit ni Moises ang Kautusan sa bagong henerasyon na papasok sa Lupang Pangako. Inilalarawan sa Deuteronomio ang paglilipat ng pamumuno sa angkan ng mga saserdote (sa mga anak ni Aaron) at sa bansa (pagpalit ni Josue kay Moises).
Ang limang aklat ng Torah ang basehan ng mga katuruan ng Judaismo mula sa panahon ni Moises. Kalaunan, tinukoy ng mga manunulat ng Bibliya kabilang sina Samuel, David, Isaias, at Daniel, ang mga katuruan ng kautusan. Ang mga katuruan ng Torah ay laging binubuod sa pamamagitan ng pagbanggit sa Deuteronomio 6:4–5, na tinatawag na Shema (o “kasabihan”): “Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh. Ibigin mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas.” Tinawatag ito ni Jesus na “una at pinakadakilang utos” (Mateo 22:36–38).
Ang Torah ay itinuturing na kinasihang Salita ng Diyos ng mga Judio at ng mga Kristiyano. Gayunman, itinuturing ng mga Kristiyano si Cristo bilang katuparan ng mga hula tungkol sa Mesiyas at kanilang pinaniniwalaan na ang Kautusan ay tinupad na ni Cristo. Itinuro ni Jesus, “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin” (Mateo 5:17).
English
Ano ang Torah?