Tanong
Ano ang buhay na walang hanggan?
Sagot
Sa tuwing binabanggit sa Bibliya ang buhay na walang hanggan, tumutukoy ito sa kaloob na walang bayad ng Diyos na makakamtan lamang sa pamamagitan ni Jesu Cristo na ating Panginoon (Roma 6:23). Ang kaloob na walang bayad na ito ay kabaliktaran ng kamatayan na likas na resulta ng kasalanan.
Ang kaloob na buhay na walang hanggan ay nakamtan na ng mga sumasampalataya kay Jesu Cristo, na Siya mismong "buhay at pagkabuhay na mag-uli" (Juan 11:25). Ang katotohanan na ang buhay na ito ay walang hanggan ang nagpapahiwatig na ang lahat ng tao ay may buhay na nananatili at hindi natatapos magpakailanman.
Gayunman, isang pagkakamali na isipin na ang buhay na walang hanggan ay simpleng pagpapatuloy lamang ng mga taon. Ang isang pangkaraniwang salita na ginagamit sa Bagong Tipan para sa salitang walang hanggan ay aiónios, na nagpapahiwatig ng parehong ideya ng kalidad at dami. Ang totoo, ang buhay na walang hanggan ay walang kinalaman sa mga taon dahil ito ay hindi nakadepende at umiiral ng labas sa panahon. Maaaring umiral ang walang hanggan sa labas at lampas sa panahon, gayundin naman sa loob nito.
Dahil dito, maituturing na ang buhay na walang hanggan ay isang bagay na nararanasan na ng mga Kristiyano ngayon. Hindi kailangan ng mga Kristiyano na maghintay para sa buhay na walang hanggan dahil hindi ito nagsisimula pagkatapos ng kamatayang pisikal. Sa halip, ang buhay na walang hanggan ay nagsisimula sa sandaling sumampalataya ang isang tao kay Kristo. Ito ay ating kasalukuyang pagaari. Sinasabi sa Juan 3:3, "ang nananalig sa Anak ay may buhay na walng hanggan." Pansinin na mayroon na ng buhay na ito ang mga mananampalataya (ang pandiwang ginamit ay pangkasalukuyan sa tagalog at sa salitang Griyego). Makikita din natin ang parehong konstruksyon ng mga salita na pangkasalukuyan sa Juan 5:24 at Juan 6:47. Ang pokus ng buhay na walang hanggan ay hindi sa ating hinaharap kundi sa ating kasalukuyang katayuan kay Kristo.
Laging tuwirang iniuugnay ng Bibliya ang buhay na walang hanggan sa persona ni Hesu Kristo. Ang Juan 17:3 ay isang mahalagang sitas sa Bibliya sa aspetong ito. Sinabi ni Jesus sa Kanyang panalangin, "At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo." Sa panalanging ito, ginawang katumbas ni Jesus ang buhay na walang hanggan sa kaalaman sa Diyos at sa Kanyang Anak. Walang pangunawa sa Diyos kung walang pangunawa sa Anak dahil sa pamamagitan ng Anak ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa Kanyang mga hinirang (Juan 17:6; 1.4:9).
Ang kaalamang ito sa Ama at sa Anak na nagbibigay buhay ay isang tunay at personal na kaalaman hindi lamang sa intelektwal o gaya ng kaalaman sa akademya. Sa araw ng paghuhukom, sasabinin ni Jesus sa mga huwad na kumikilala sa Kanya, "Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan" (Mateo 7:23). Ginawang layunin ni Pablo ang pagkilala sa Panginoon at iniugnay niya ang pagkilalang iyon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay. "Upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay na maguli, at ang pakikisama ng kaniyang mga kahirapan, na ako'y natutulad sa kaniyang pagkamatay; Kung aking tamuhin sa anomang paraan ang pagkabuhay na maguli sa mga patay" (Filipos 3:10 -11).
Sa kanyang pangitain, nakita ni Juan sa Bagong Jerusalem ang isang ilog na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero at sa tigkabilang gilid ng ilog ay naroon ang puno ng buhay…. "at ang mga dahon ng puno ay para sa kagalingan ng lahat ng mga bansa" (Pahayag 22:1-2). Sa hardin ng Eden, nagrebelde si Adan laban sa Diyos at pinalayas siya mula sa puno ng buhay (Genesis 3:24). Sa huli, sa biyaya ng Diyos, muli Niyang ibabalik ang ating kalayaan na lumapit sa puno ng buhay. Ang kalayaang ito ay ipinagkakaloob sa pamamagitan ni Jesu Cristo, ang kordero ng Diyos na nagaalis ng kasalanan ng sanlibutan (Juan 1:29).
Sa sandaling ito, iniimbitahan ang lahat na makasalanan na kilalanin si Kristo at tumanggap ng buhay na walang hanggan. "At ang nauuhaw, ay pumarito: ang may ibig ay kumuhang walang bayad ng tubig ng buhay" (Pahayag 22:17).
Paano mo malalaman kung ikaw ay may buhay na walang hanggan? Una sa lahat, ipahayag mo ang iyong kasalanan sa banal na Diyos. Pagkatapos, tanggapin mo ang probisyon ng Tagapagligtas para sa iyo. "Sapagka't, Ang lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas" (Roma 10:13). Si Jesu Cristo, ang Anak ng Diyos ay namatay para sa iyong mga kasalanan, at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Sampalatayanan mo ang Mabuting Balitang ito; pagtiwalaan mo si Jesus bilang iyong Tagapagligtas at maliligtas ka (Gawa 16:31; Roma 10:9 -10).
Simpleng sinabi ni Juan, "At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay" (1 Juan 5:11-12).
English
Ano ang buhay na walang hanggan?