Tanong
Ano ang doktrina?
Sagot
Ang salitang isinalin sa salitang doktrina ay nangangahulugang “turo, na tumutukoy sa paglalapat o pagsasabuhay ng natutunan.” Sa ibang salita, ang doktrina ay isang turo o utos mula sa isang awtoridad. Makikita natin sa Bibliya na ito ay may kaugnayan sa espiritwal na pag aaral. Ipinapaliwanag mismo nito ang tungkol sa Banal na kasulatan na ito ay “ kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay (2 Timoteo 3:16). Kinakailangan din na maging maingat tayo sa ating pinaniniwalaan at sa katotohanang ipinapakita natin. Kaugnay nito, sinasabi sa Unang Timoteo 4:16 na, “Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo.”
Ang biblikal na doktrina ay tumutulong sa atin upang ating maunawaan ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Itinuturo din nito ang kalikasan at katangian ng Diyos (Awit 90:2; 97:2; Juan 4:24), ang daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8-9; Roma 10:9-10), ang utos para sa iglesya (1 Corinto 14:26; Tito 2:1-10), at ang pamantayan ng Diyos ng kabanalan sa ating buhay (1 Pedro 1:14-17; 1 Corinto 6:18-20). Kapag tinatanggap natin ang Bibliya bilang Salita ng Diyos para sa atin (2 Timoteo 3:16; 2 Pedro 1:20-21), tiyak na mayroon tayong matibay na pundasyon ng ating doktrina. Marahil ay mayroong ilang hindi pagkakasundo sa katawan ni Cristo tungkol sa mga maliliit na bahagi ng doktrinang biblikal kagaya ng eskatolohiya, organisasyon sa iglesya, at mga kaloob ng Espiritu Santo. Ngunit tunay na sa pamamagitan ng biblikal na doktrina ay makikita natin ang” buong kapasiyahan ng Diyos” (Gawa 20:27) at tayo ay makagagawa ng kongklusyon batay sa kung alin ang mas umaayon sa katangian ng hindi nagbabagong Diyos (Mga Bilang 23:19; Hebreo 13:8).
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi palaging Bibliya ang pundasyon ng doktrina ng mga tao o ng iglesya. Sapagkat kadalasan ay iyong mga bahagi o sitas lamang ng Bibliya na komportable para atin ang pinipili natin at binabalewala na ang kabuuan. O kaya naman ay pinapalitan natin ng tradisyon o doktrinang gawa lamang ng tao ang Salita ng Diyos. Ito ay dahil sa ating makasalanang kalikasan na hindi nagpapasakop sa batas o sa utos ng Diyos. Ang totoo, hindi na bago ang mga bagay na ito sapagkat noong panahon ni Jesus ay sinaway niya ang mga pariseo na “nagtuturo at ginagawang doktrina ang utos ng tao” (Marcos 7:7; tingnan din ang Isaias 29:13). Laganap ang maling katuruan sa panahon ng Bagong Tipan, at sinasabi sa Bibliya na ito ay patuloy na magaganap (Mateo 7:15; 2 Pedro 2:1; 1 Juan 4:1). Nakasaad din sa Ikalawang Timoteo 4:3 na, “..darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig.”
Dahil sa mga bagay na ito ay mahigpit na nagbabala ang Bibliya sa mga nagtuturo ng mali o ibang aral na sumasang ayon o batay lamang sa kaisipan ng tao. Sinasabi sa Unang Timoteo 6:3-4 na, “Kung nagtuturo ang sinuman ng ibang katuruan at di sang-ayon sa mga tunay na salita ng Panginoong Jesu-Cristo at sa mga aral tungkol sa pagiging maka-Diyos, siya ay nagyayabang ngunit walang nalalaman. Sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita, bagay na humahantong sa inggitan, alitan, kutyaan, at masasamang hinala.' Mabagsik ang mga pananalitang binitawan ni Apostol Pablo tungkol sa mga taong binabaluktot ang ebanghelyo at pinapalitan ng maling doktrina: “Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo. Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos! Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo!” (Galacia 1:7-9).
Ang doktrina ay paniniwala na siyang gumagabay at nagbibigay direksyon sa ating buhay. Malalaman natin kung talagang tayo ay lumalakad sa landas na ginawa ng Diyos para sa atin kung ang ating doktrina ay nakabatay sa katotohanan ng Banal na Kasulatan. Gayunman, madali tayong maaakay sa mali kung hindi natin personal na pag aaralan at pagbubulayan ang Salita ng Diyos (2 Timoteo 2:15). Ang tunay na doktrina ay higit na malinaw kaysa mga pahiwatig lamang, bagaman mayroong hindi pinagkakasunduan ang mga kristiyano sa ilang maliliit na isyung doktrinal. Nakasaad sa Ikalawang Pedro 1:20 ang ganito, “Higit sa lahat, unawain ninyong walang makapagbibigay ng sariling pagpapakahulugan sa alinmang propesiya sa Kasulatan.” Mayroong tamang interpretasyon para sa lahat ng sinasabi ng Diyos, tungkulin nating alamin at unawain ang tunay na kahulugan, at hindi tayo dapat gumagawa ng sarili nating paliwanag na akma sa ating panlasa. Nais ng Diyos na maunawaan natin ang kanyang puso kaya't ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Salita bilang pundasyon ng ating buhay (tingnan ang Mateo 7:24). Bilang pagtatapos ng artikulong ito, higit na mauunawaan at makikilala natin ang Diyos at ang ating sarili habang patuloy nating pinag aaralan ang tamang doktrina.
English
Ano ang doktrina?