Tanong
Ano ang ginagawa ng Banal na Espiritu?
Sagot
Napakalinaw ang turo ng Bibliya na ang Banal na Espiritu ay aktibo sa ating mundo. Ang aklat ng mga Gawa na minsang binibigyan ng mas mahabang titulo na “Ang Mga Gawa ng Apostol,” ay maaaring ding tawagin ng tama bilang “Ang Mga Gawa ng Banal na Espiritu sa Pamamagitan ng mga Apostol.” Pagkatapos ng pahanon ng mga apostol, may ilang pagbabago – Halimbawa, ang Espiritu ay hindi na nagbibigay pa ng karagdagang inspirasyon sa Kasulatan – Ngunit patuloy siyang gumagawa sa mundo.
Una, ang Banal na Espiritu ay gumagawa ng maraming bagay sa buhay ng mga mananampalataya. Siya ang tumutulong sa mga mananampalataya (Juan 14:26). Siya ang nananahan sa mga mananampataya at tinatakan sila hanggang sa araw ng pagtubos – ito’y nagpapahiwatig na ang presensya ng Espiritu Santo sa mga mananampalataya ay hindi na magbabago. Kanyang binabantayan at ginagarantiya ang kaligtasan ng sino mang kanyang pinanahanan (Efeso 1:13; 4:30). Ang Espiritu Santo ay tumutulong sa mga mananampalataya sa panalangin (Judas 1:20) at “namamagitan siya para sa atin ayon sa kalooban ng Diyos (Roma 8:26-27).
Ang Banal na Espiritu ang nagsisilang na muli (regenerates) at bumabago sa mga mananampalataya (Tito 3:5). Sa oras ng kaligtasan, kanyang binawtismuhan ang mananampalataya sa katawan ni Cristo (Roma 6:3). Tinanggap ng mga mananampalataya ang muling kapanganakan sa pamamagitan ng Espiritu (Juan 3:5-8). Inaaliw ng Espiritu Santo ang mga mananampalataya na may pakikisama at galak habang tayo’y naglalakbay sa palabang mundo (1 Tesalonica 1:6; 2 Corinto 13:14). Pinupuspos ng Espiritu, ayon sa kanyang walang hanggang kapangyarihan, ang mga mananampalataya ng “lahat ng kagalakan at kapayapaan” habang sila ay nagtitiwala sa Panginoong Jesus, dahilan upang sila’y “magumapaw sa pag-asa” (Roma 15:13).
Ang pagpapaging-banal ang isa pang gawain ng Espiritu Santo sa buhay ng isang mananampalataya. Ang Banal na Espiritu ay lumalaban sa naisin ng laman na siyang gagabay at magtutulak sa mananampalataya patungo sa katuwiran (Galacia 5:16-18). Ang gawa ng laman ay humihina, at ang bunga ng Espiritu ay mas nakikita (Galacia 5:19-26). Inuutusan ang mga mananampalataya na “mapuspos sa Espiritu” (Efeso 5:18), na ang ibig sabihin ay magpasakop ng buo sa Espiritu.
Ang Banal na Espiritu din ang tagapagbigay ng kaloob. “Ibat-iba ang espirituwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito” (1 Corinto 12:4). Ang mga espirituwal na kaloob na taglay ng mga mananampalataya ay kaloob ng Espiritu Santo ayon sa pasya ng kanyang karunungan (v.11).
Ang Espiritu Santo rin ay gumagawa sa gitna ng mga hindi mananampalataya. Nangako ang Panginoong Hesus na ipapadala ang Banal na Espiritu upang “patunayan na mali ang mga taga-sanlibutan tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghatol ng Diyos” (Juan 16:8). Ang Espiritu ay nagpapatotoo patungkol kay Cristo (Juan 15:26), upang ilapit ang tao sa Panginoon. Sa kasalukuyan, pinipigil din ng Banal na Espiritu ang kasalanan at nakikipaglaban sa “lihim na kapangyarihan ng kasamaan” ng sanlibutan. Ang aksyong ito ang pumipigil sa paglago ng anti-Cristo (2 Tesalonica 2:6-10).
Ang isa pang mahalagang tungkulin ng Espiritu Santo ay ang pagbibigay sa mga mananampalataya ng karunungan upang lubos na maunawaan ang Diyos. “Ngunit ito’y inihayag nang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang mga pinakamalalim na bagay na may kinalaman sa Diyos.
Walang nakakaalam sa iniisip ng tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos” (1 Corinto 2:10-11). Dahil ang mga mananampalataya ay binigyan ng nakakamanghang kaloob na Espiritu ng Diyos, atin na ngayong mauunawan ang isipan ng Diyos ayon sa kapahayagan ng Kasulatan. Ang Espiritu ay tumutulong sa ating makaunawa. Ang ibinibigay Niya ay karunungan ng Diyos, sa halip na karunungan ng tao. Walang anumang kaalaman ng tao ang makapapalit sa pagtuturo ng Espiritu Santo (1 Corinto 2:12-13)
English
Ano ang ginagawa ng Banal na Espiritu?