Tanong
Ano ang itinuturo ng Bibliya?
Sagot
Sa esensya, ang Bibliya ay tungkol sa mga plano at layunin ng Diyos sa Kanyang pakikisama sa mga tao sa mundo. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, maging ang tao na Kanyang nilikha ayon sa Kanyang wangis at ginawa sila para sa kanyang hayag na layunin na magkaroon ng relasyon at pakikisama sa Kanya.
Ikinukuwento sa atin sa Genesis ang paglikha sa mga unang taong sina Adan at Eba, ang kanilang pakikisama sa Diyos sa hardin ng Eden, at ang kanilang pagbagsak sa kasalanan na sumira sa kanilang relasyon sa Diyos. Dahil sa paglaban ng tao sa Diyos, pumasok ang kamatayan at paghihirap sa mundo. Ang mundo ngayon ay hindi gaya ng mundo noong unang nilikha ito ng Diyos; gayuman, hindi simpleng basta binura na lamang ng Diyos sina Adan at Eba at ang kanilang lahi. Nagpatuloy Siya sa pag-abot sa kanila at paglapit sa kanila sa Kanyang sarili sa kabila ng kanilang pagkakasala.
Ang mga unang kabanata ng Genesis ang nagpapakita ng pagkahilig ng tao sa kasalanan. Pinatay ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel. Sa loob ng ilang henerayon, naging napakasama ng mga tao anupa’t nagdesisyon ang Diyos na patayin ng lahat ang tao sa pamamagitan ng baha at magsimulang muli sa pamamagitan ni Noe at ng kanyang pamilya. Inutusan ng Diyos si Noe na gumawa ng isang daong para iligtas ang kanyang pamilya at ang mga hayop. Kahit na pagkatapos ng baha, napatunayan na maging si Noe ay isa ring masamang tao. Nang dumami ang mga tao, nagtipon-tipon sila para gumawa ng isang tore “na abot hanggang langit.” Ito ang pagtatangka ng sangkatauhan na abutin ang Diyos sa kanilang sariling kakayahan. Hindi nasiyahan ang Diyos at ginulo Niya ang kanilang wika na siyang dahilan ng pangangalat nila sa buong mundo.
Sa Genesis 12, tinawag ng Diyos ang isang lalaki na nagngangalang Abraham at sinabi dito na ang kanyang lahi ang magiging kasangkapan upang mapanumbalik ang relasyon ng tao at Diyos. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na pagpapalain ang lahat ng tao dahil sa kanya. Ang natitira sa buong Lumang Tipan ay ang kuwento ng pamilya ni Abraham (ang bansang Israel) at ang pakikitungo sa kanila ng Diyos. Ipinangako din ng Diyos kay Abraham ang lupain ng Canaan bilang pamana sa kanyang mga inapo.
Ang natitirang bahagi ng aklat ng Genesis ay mga kuwento, ang ilan sa mga iyon ay ang mga kabiguan ni Abraham, ng kanyang anak na si Isaac, ng kanyang apong si Jacob (na pinalitan ng pangalang Israel), at ng labindalawang anak ni Jacob. Ipinagbili si Jose ng ilan sa kanyang mga kapatid para maging alipin sa Egipto dahil sa inggit. Kasama ni Jose ang Diyos at sa loob ng humigit kumulang 20 taon, umangat si Jose mula sa pagiging alipin hanggang sa siya’y maging isang pinuno ng buong Egipto, pangalawa sa hari ng Egipto. Nang dumating ang tag-gutom, pumunta sa Egipto ang mga kapatid ni Jose para bumili ng pagkain at muli nilang nakasama ni Jose na pinatawad sila at dinala silang lahat sa Egipto kung saan may titirhan sila at sapat na makakain.
Nagsimula ang Exodo may ilang siglo ang nakalipas. Dumami na ang mga Israelita, at dahil sa takot sa kanilang bilang, inalipin sila ng mga Ehipsyo. Iniutos ng Faraon na patayin ang lahat ng mga isisilang na sanggol na lalaking Israelita. Itinago ng isang nanay na Israelita ang kanyang sanggol na lalaki at gumawa siya ng isang basket at ipinaanod ang bata sa isang bahagi ng ilog kung saan maliligo ang anak na babae ng Faraon. Nakita ng prinsesa ang basket at nagpasya ito na alagaan ang bata na kanyang pinangalanang Moises at pinalaki ang bata bilang apo ng Faraon. Kalaunan, ng matanda na si Moises, nakita niya ang pangaapi ng mga Ehipsyo sa kanyang mga kababayan at pinatay niya ang isang Ehipsyo na hinahagupit ang isang aliping Israelita. Natuklasan ng Faraon ang tungkol dito at kinailangang tumakas ni Moises mula sa Egipto. Ginugol niya ang sumunod na 40 taon bilang isang pastol. Pagkatapos, nagpakita ang Diyos kay Moises at sinabihan siya na bumalik sa Egipto at palayain ang kanyang bayan mula sa pagkaalipin. Nang pumunta si Moises sa Faraon, tumanggi ito na sumunod sa mga kundisyon ng Diyos. Nagpadala ang Diyos ng mga kahindik-hindik na salot sa Egipto na nagwakas sa pagkamatay ng lahat na panganay na lalaki sa bawat tahanan ng mga Ehipsyo. Gayunman, ang sinuman, Israelita man o hindi, na magpapahid ng dugo ng handog na kordero sa haligi at hamba ng kanilang mga pinto ay lalampasan ng Diyos—hindi ipaparanas ng Diyos ang Kanyang hatol sa tahanang iyon. Dahil sa huling salot na ito, pinaalis ng Faraon ang mga Israelita at pinangunahan sila ni Moises. Pagdating nila sa may pampang ng Dagat na Pula, nagbago ang isip ng Faraon at ipinahabol nito sa kanyang hukbo ang mga dating alipin. Hinati ng Diyos ang Dagat at lumakad ang mga Israelita sa tuyong lupa ngunit tinabunan ng dagat ang mga humahabol na hukbo ng Ehipsyo at nangamatay ang mga iyon.
Sa pagpapatuloy ng aklat ng Exodo, nagsimulang pangunahan ni Moises ang mga Israelita papunta sa lupain na ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang mga inapo. Habang daan, tinanggap nila ang Kautusan ng Diyos kung saan itinuturo kung paano sila mamumuhay ng matuwid para bigyang kasiyahan ang Diyos. Tinanggap din nila ang mga plano para sa tabernakulo (toldang ginagamit na tulad sa templo) kung saan sila kakatagpuin ng Diyos. Sa aklat ng Levitico, binigyan sila ng Diyos ng manwal ng mga tagubilin para sa ritwal at mga handog na kinakailangan para makalapit ang mga makasalanan sa banal na Diyos. Bagama’t ipinangako ng mga tao na susundin at papupurihan nila ang Diyos, binibigyang-diin sa aklat ng mga Bilang ang kanilang paulit-ulit na kabiguan. Sa katunayan, sa huli ay tumanggi ang mga Israelita na pumasok sa Lupang Pangako dahil inakala nila na hindi nila kayang talunin ang mga taong nakatira doon. Dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya, nagpagala-gala ang mga Israelita sa ilang sa loob ng 40 taon hanggang sa mangamatay ang isang henerasyon. Pagkatapos, dinala ng Diyos ang Kanyang mga anak sa lupain. Ang aklat ng Deuteronomio ay naglalaman ng huling habilin ni Moises sa bagong henerasyon, na ang karamihan ay hindi personal na nakaranas ng mahimalang pagliligtas sa kanila ng Diyos mula sa Egipto.
Isinalaysay sa aklat ng Josue kung paanong tinalo ng mga Israelita ang mga nakatira sa Lupang Pangako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Isinalaysay sa mga Hukom ang kanilang pakikipagkompromiso sa mga relihiyon ng mga pagano at pagsamba sa mga diyus-diyusan ng Canaan. Ang paulit-ulit na nagaganap sa aklat ng mga Hukom ay ang paglaban ng bansang Israel sa Diyos, ang parusa sa kanila ng Diyos, at pagkatapos ay ang pagliligtas sa kanila ng isang hukom pagkatapos na sila ay magsisi. Isinalaysay sa aklat ng Ruth ang kuwento tungkol sa isang matuwid na babaeng Moabita na nakipagisa sa Israel at naging ninuno ni David na pinakadakilang hari ng Israel.
Ang 1 Samuel ay ang kuwento tungkol kay propeta Samuel at kung paanong pinahiran niya ng langis si Saul upang maging unang hari ng Israel. Nabigo si Saul dahil sa kanyang pagsuway sa Diyos kaya hinirang ni Samuel si David bilang hari. Naging alalay ni Saul si David at sa huli, pinaghinalaan ni Saul si David na ito ang kanyang magiging kapalit bilang hari kaya sinubukan niya itong patayin. Napatay si Saul sa isang labanan at naging hari si David. Isinalaysay sa 2 Samuel at 1 mga Cronica ang tungkol sa paghahari ni David. Bagama’t may ilang kabiguan si David, inibig at pinapurihan niyang tunay ang Diyos. Ipinangako sa kanya ng Diyos na laging may haring manggagaling sa kanyang lahi para umupo sa trono.
Naglalaman din ang Bibliya ng isang koleksyon ng mga aklat na kilala sa tawag na literatura ng karunungan (wisdom literature). Isinalaysay sa aklat ng Job ang kuwento tungkol sa isang lalaki na nawalan ng lahat sa buhay ngunit nagpatuloy pa rin sa pagtitiwala sa Diyos. Itinuturo sa aklat ng Job na minsan, may mga taong matuwid na nagdurusa ng tila walang dahilan—ngunit laging may dahilan ang Diyos kahit na hindi niya iyon ipinapaalam sa atin. Ang aklat ng Awit ay isang aklat ng mga panalangin, imno at mga tula. Isinulat ni David ang marami sa mga ito. Kabilang dito ang mga awitin ng papuri at mga panalangin para sa kaligtasan sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan ng Israel. Ang mga Kawikaan ay isang koleksyon ng matatalino at praktikal na karunungan na pangunahing isinulat ni Solomon. Isinalaysay naman sa aklat ng Ecclesiastes ang kawalang kabuluhan ng buhay ni Solomon pagkatapos niyang tumalikod sa Panginoon. Ang Awit ni Solomon at isang kuwento ng pag-ibig kung saan tinatalakay ang kasiyahan ng buhay mag-asawa.
Ikinuwento sa 1 at 2 mga Hari ang mga naging hari sa Juda pagkatapos ng paghahari ni David. Maganda ang naging umpisa ng paghahari ng anak ni David na si Solomon ngunit sa huli ay bumagsak ito sa pagsamba sa mga diyus-diyusan. Nang maging hari ang anak ni Solomon, humiwalay sa kanya ang sampung tribo at nahati ang kaharian ng Israel sa dalawa, ang kaharian sa Hilaga (tinatawag na Israel) at ang kaharian sa Timog (na tinawatag na Juda) na binubuo ng dalawang tribo—ang tribo ng Juda at Benjamin na nanatiling tapat sa angkan ni David. Walang kahit isa sa mga naging hari sa hilaga at kakaunti lamang sa mga hari sa Timog ang sumunod sa Panginoon. (Isinalaysay sa 2 Cronica ang maraming pangyayari tungkol sa mga hari ng Juda o ang kaharian sa Timog.) Maraming dinastiya sa hilaga, ngunit ang lahat ng naging hari sa Timog ay mula sa angkan ni David.
Sa buong panahon ng mga hari, nagpadala ang Diyos ng mga propeta para balaan ang mga tao sa paparating na paghatol ng Diyos kung hindi sila magsisisi sa kanilang mga kasalanan. Nanghula sina Oseas at Amos sa kaharian sa Timog. Sina Isaias, Jeremias (at ang Panaghoy, na isinulat ni Jeremias), sina Joel, Mikas, Nahum, Habakuk, at Zofonias ay nanghula rin sa kaharian sa Timog. (Sina Obadias at Jonas ay nanghula para sa ibang mga bansa). Hindi nagsisi ang mga tao, at sa huli ipinadama sa kanila ng Diyos ang Kanyang hatol. Winasak ng Asiria ang kaharian sa hilaga noong humigit kumulang 722 BC, at tinalo ng Babilonia ang kaharian sa timog noong 586 BC. Winasak ang Jerusalem at ang templo, at marami sa mga mamamayan ng Juda ang dinalang bihag sa Babilonia. Sina Ezekiel at Daniel ay mga propeta sa panahon ng pagkakatapon ng Israel sa ibang bansa. Ang aklat ng Esther ay ang kasaysayan ng mga Judio na naninirahan sa Persia sa panahong ito. Pagkatapos na mabihag ang Israel sa loob ng 70 taon, nagsimula ang Diyos na ibalik ang mga Israelita sa Jerusalem para muling itayo ang pader ng Jerusalem at ang templo. Itinala nina Ezra at Nehemias ang panahong ito ng muling pagtatayo at nanghula ang mga propetang sina Zacarias, Hagai, at Malakias sa panahong ito. Sa buong panahong ito, nagsalita ang mga propeta tungkol sa isang pinapanumbalik na kaharian, isang bagong tipan, at isang hari na magmumula sa lahi ni David upang maghari magpakailanman. Nagsimula din sila na manghula na maging ang mga Hentil (mga hindi Judio) ay makakabilang sa pagpapalang ito. Ngunit kung paano ito magaganap ay hindi pa malinaw na sinabi. Si Malakias ay isang propeta sa Lumang Tipan at pagkatapos isulat ang kanyang aklat, may 400 taon na walang naitalang hula sa Kasulatan. Sa panahon ng 400 taon na ito, nagkaroon muli ng kalayaan ang Israel sa loob ng maiksing panahon, pagkatapos ay napailalim sila pamamahala ng imperyong Roma.
Sa mga Ebanghelyo ng Bagong Tipan (Mateo, Markos, Lukas, at Juan), isang bagong propeta na nagngangalang Juan Bautista ang dumating sa eksena bilang unang propeta sa loob ng apat na siglo na nagpahayag na paparating na ang kaharian at mamamahala na ang Mesiyas (Tagapagligtas). Ipinakilala ni Juan Bautista si Jesus bilang Mesiyas. Isinalaysay sa bawat isa sa apat na Ebanghelyo ang tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesu Cristo. Bagama’t isinilang Siya sa Bethlehem, hindi iyon ang Kanyang pasimula dahil Siya ay Diyos sa katawang tao na nanahan sa piling natin! Itinala sa apat na Ebanghelyo ang Kanyang mga himala at pagaangkin bilang Diyos na kapantay ng Ama, ang pagpapatawad Niya sa mga kasalanan, at pagtanggap ng pagsamba. Tinipon ni Jesus ang isang maliit na grupo ng labindalawang apostol para sanayin at turuan. Inihayag Niya sa kanila na Siya ay papatayin dahil sa mga kasalanan ng sanlibutan. Hindi nila naunawaan kung ano ang Kanyang sinasabi noong una at tinanggihan ang ideyang ito. Paanong ang Hari, ang Tagapagligtas ay mamamatay? Ngunit gaya ng sinabi ni Jesus, ipinagkanulo Siya at ipinako sa krus at pagkatapos ay nabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Sa halip na magtatag ng isang kahariang politikal sa lupa, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad na ipangaral ang mabuting balita, ang Kanyang buhay, kamatayan, at pagkabuhay na mag-uli sa buong mundo. Ang sinumang magtitiwala sa Kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan at makakabahagi sa Kanyang kaharian. Pagdating ng tamang panahon, paparito Siyang muli na makapangyarihan at nakikita ng lahat ng tao. Ginanap Niya ang mga kautusan sa Lumang Tipan at dahil sa Kanya, ang templo gayundin ang mga paghahandog, at ang pagkasaserdote ay hindi na kinakailangan pa. Sa Kanyang muling pagparito, itatatag Niya ang Kanyang ipinangakong kaharian.
Itinala sa aklat ng mga Gawa ang pagdating na Banal na Espiritu at ang pagkalat ng ebanghelyo sa mundo ng panahong iyon sa pamamagitan ng mga orihinal na alagad (mga apostol), hindi kabilang ang taksil na si Judas kundi ang kanyang kapalit na si Matias, at ang isang bagong apostol na nagngangalang Pablo. Si Pablo ay naging taga-usig ng iglesya, ngunit nagpakita sa kanya si Cristo at ginawa siyang isang apostol at inutusang ipangaral ang ebanghelyo sa mga hentil.
Ang mga sulat sa Bagong Tipan ay mga sulat ng mga apostol sa mga Kristiyano sa iba’t ibang bahagi ng imperyo ng Roma kung saan ipinapaliwanag nila ang tamang katuruan, at hinihikayat ang mga Kristiyano na mamuhay ng ayon sa Salita ng Diyos. Labintatlo sa mga sulat na ito ay isinulat ni Pablo at ipinapakita sa kanilang mga titulo kung kanino sila isinulat. Ang mga aklat ng Roma, 1 at 2 Corinto, Galacia, Efeso, Filipos, Colosas, at 1 at 2 Tesalonica ay isinulat sa mga iglesya sa mga siyudad ng Corinto, Galacia, Efeso, atbp.; ang 1 at 2 Timoteo, Tito, at Felimon ay isinulat para sa mga indibidwal. Ipinapaliwanag sa lahat ng mga sulat na ito kung sino si Jesus at kung paano isasapamuhay ang ebanghelyo sa pang araw-araw na buhay.
May ilan pang ibang sulat ang ipinangalan sa mga taong sumulat ng mga iyon: Santiago; 1 at 2 Pedro; 1, 2 at 3 Juan; at Judas. Ang manunulat ng Hebreo ay hindi kilala, ngunit ito ay isinulat para sa mga Hebreo (o Judio) at ipinapaliwanag kung paanong ginanap ni Jesus ang Lumang Tipan.
Ang Pahayag ang huling aklat ng Bibliya. Si Apostol Juan ang sumulat nito para isalaysay angmga pangitain na kanyang tinanggap kay Jesus. Ang aklat ng Pahayag ay puno ng mga mahiwagang imahe ng pananalita at kamangha-manghang simbolismo ngunit ang lahat ng ito ay nagtuturo ng katotohanan na magbabalik si Jesus isang araw, at maghahari Siya ng personal, at hindi Siya matatanggihan ninuman. Sa Kanya matutupad ang lahat ng mga pangako ng Diyos kay Abraham at sa buong mundo. Ang mga tatanggi sa kanya ay itatapon sa lawang apoy. Ito ay dahil sa pamamagitan ng buhay, kamatayan, at pagkabuhay na mag-uli ni Jesu Cristo, maaaring mapatawad ang tao at magkaroon ng relasyon sa Diyos na unang naranasan at pagkatapos ay naiwala nina Adan at Eba. Pagkatapos ng lahat ng ito, lilikha ang Diyos ng mga bagong langit at bagong lupa. Ang pinakasukdulan ng kuwento ay mababasa sa Pahayag 21:3: “Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila.”
Ang Bibliya ay isang kuwento na sumasaklaw sa lahat ng panahon ng kasaysayan ng tao. Ang kuwento ng Bibliya ay ang ating relasyon sa Diyos, na naputol sa umpisa, ngunit naibalik sa pamamagitan ng gawain ni Cristo. Ang relasyong ito ay perpektong mararanasan sa bagong likhang mga langit at lupa, ngunit sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang maglalagak ng kanilang pananampalataya kay Cristo ay magkakaroon ng pakikisama sa Diyos ngayon din mismo.
Ang pinakamagandang paraan para malaman ang nilalaman ng Bibliya ay ang pagbabasa dito. Kung nagsisimula ka pa lang, maaari mong malaman ang kuwento ng Bibliya sa pagbabasa sa mga sumusunod na aklat ng sunod-sunod:
Genesis
Exodo
Mga Bilang
Josue
Mga Hukom
1 Samuel
2 Samuel
1 mga Hari
2 mga Hari
Ezra
Nehemias
Lukas (o kahit alin sa mga Ebanghelyo)
Mga Gawa
Pahayag
English
Ano ang itinuturo ng Bibliya?