settings icon
share icon
Tanong

Ano ang katulad ni Jesus bilang isang tao?

Sagot


Bagama't wala Siyang "kagandahang makatawag pansin…" (Isaias 53:2), ang personalidad ni Jesus ang naglapit sa Kanya sa mga tao. Siya ay isang lalaki na may dakilang katangian.

Si Jesus ay likas na MAHABAGIN. Nahabag Siya sa mga tao "sapagkat sila'y litung-lito at hindi alam ang gagawin, parang mga tupang walang pastol" (Mateo 9:36). Dahil sa Kanyang pagkahabag sa kanila, pinagaling Niya ang kanilang mga sakit (Mateo 14:14; 20:34), at dahil sila'y nagugutom, buong kahabagan Siyang gumawa ng sapat na pagkain para pakainin ang malaking grupo ng tao sa dalawang okasyon (Mateo 14:13–21; 15:29–39).

Si Jesus ay SERYOSO at PUNO NG LAYUNIN. May misyon Siya sa buhay at hindi Siya kailanman lumihis sa Kanyang layunin dahil nalalaman Niya ang kabigatan nito at ang kaiksian ng Kanyang panahon. Ang Kanyang paguugali ay katulad ng isang ALIPIN. "Hindi Siya dumating para paglingkuran kundi para maglingkod" (Markos 10:45). Ang KABUTIHAN AT PAGMAMALASAKIT SA IBA ay makikita sa Kanyang personalidad.

Si Jesus ay MASUNURIN sa kalooban ng Kanyang Ama noong pumunta Siya sa lupa at nagtungo sa krus. Alam Niya na ang Kanyang kamatayan sa krus ang tanging pambayad na tatanggapin ng Ama para sa ating kaligtasan. Nanalangin Siya noong gabing pagtaksilan Siya ni Judas, "Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari" (Mateo 26:39). Siya rin ay masunuring anak kina Maria at Jose. Lumaki Siya sa isang normal na makasalanang pamilya, ngunit masunurin si Jesus sa Kanyang mga magulang (Lukas 2:51). Masunurin Siya sa kalooban ng Kanyang Ama, "natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis" (Hebrews 5:8). "Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala" (Hebreo 4:15).

Si Jesus ay may pusong MAHABAGIN AT MAPAGPATAWAD. Doon sa krus nanalangin Siya, "Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa" (Lukas 23:34). Si Jesus ay MAPAGMAHAL sa Kanyang mga kaibigan. Halimbawa, sinasabi sa Juan 11:5, "Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro" (Juan 11:5). Tinukoy ni Juan ang kanyang sarili bilang "alagad na minamahal ni Jesus" (Juan 13:23).

Si Jesus ay kilala bilang isang taong MABUTI at MAPAGMALASAKIT. Lagi Siyang nagpapagaling para malaman ng tao kung sino Siya. Tunay na pinatunayan Niya na Siya ang Anak ng buhay na Diyos sa pamamagitan ng mga ginawa Niyang himala habang nagpapakita ng pagmamalasakit sa mga nagdurusa sa Kanyang paligid.

Si Jesus ay TAPAT at MAKATOTOHANAN. Hindi Siya kailanman sumira sa Kanyang pangako. Nagsalita Siya ng buong katotohanan saanman Siya magpunta. Nabuhay Siya ng isang buhay na maaari nating gawing modelo. Sinabi ni Jesus, "Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay" (Juan 14:6). Gayundin naman, Siya ay MAHILIG SA KAPAYAPAAN. Hindi Siya nakipagtalo para ipagtanggol ang Kanyang sarili o ipinagpilitan ang Kanyang sarili para tanggapin ng mga tao.

Si Jesus ay MALAPIT sa Kanyang mga tagasunod. Gumugol Siya ng produktibong panahon kasama nila. Ninais Niya ang kanilang pakikisama, tinuruan sila, at tinulungan sila na ituon ang kanilang isipan sa mga bagay na pangwalang hanggan. Malapit din ang Kanyang relasyon sa Kanyang Ama sa langit. Lagi Siyang nananalangin sa Ama. Nakinig, sumunod, at nagmalasakit Siya sa reputasyon ng Diyos. Nang makita ni Jesus ang mga nagpapalit ng salapi sa templo at pinagkakakitaan ang mga sumasamba doon, pinalayas Niya sila. Kanyang sinabi, "Nasusulat, 'Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.' Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw" (Lukas 19:46). Si Jesus ay MATAPANG ngunit isang MAAMONG TAGAPANGUNA. Saanman Siya magpunta, sinundan Siya ng mga tao (bagama't nabawasan sila sa huli) na sabik na pinakinggan ang Kanyang mga katuruan. Namangha ang mga tao sa Kanyang awtoridad sa pagtuturo (Markos 1:27–28; Mateo 7:28–29).

Si Jesus ay MATIYAGA, at nalalaman at nauunawaan ang ating mga kahinaan. Maraming beses sa Ebanghelyo, ipinakita ni Jesus ang Kanyang katiyagaan sa harap ng hamon ng mga walang pananampalataya (Mateo 8:26; Markos 9:19; Juan 14:9; cf. 2 Pedro 3:9).

Dapat na naisin ng lahat na mananampalataya na gayahin ang mga katangian ni Jesus sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang mga bagay na naglapit kay Jesus sa mga tao ay mga bagay na dapat ding maglapit sa atin sa mga tao. Dapat nating basahin ang Salita ng Diyos (ang Biblia) upang malaman at maunawaan natin kung sino ang Diyos at kung ano ang Kanyang kalooban para sa atin. Dapat nating gawin ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos (1 Corinto 10:31), at mamuhay bilang asin at ilaw ng sanlibutan at ituro sa iba ang mga nakamamanghang katotohanan tungkol kay Jesus at sa kaligtasan na sa Kanya lamang matatagpuan (Mateo 5:13-16; 28:18-20).

Ang Filipos 2:1–11 ay isang kapaki-pakinabang na pagbubuod kung ano ang katulad ni Jesus bilang tao at kung paano natin Siya tutularan: "Kaya nga, yamang mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus. Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos, hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos, at namuhay na isang alipin. Ipinanganak siya bilang tao. At nang siya'y maging tao, nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus. Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos, at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Sa gayon, sa pangalan ni Jesus ay luluhod at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa. At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang katulad ni Jesus bilang isang tao?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries