Tanong
Ano ang panalangin?
Sagot
Ang pinakapangunahing kahulugan ng panalangin ay “pakikipag usap sa Diyos.” Ang panalangin ay hindi pagninilay-nilay o pagmumuni-muni lamang; ito ay direktang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ito ay komunikasyon ng kaluluwa ng tao sa Diyos na lumikha sa kanya. Ang panalangin ay ang unang paraan ng mga mananampalataya para maipahayag kay Jesu Cristo ang kanilang nararamdaman at ang pagnanais na makipag-ugnayan sa Diyos.
Ang panalangin ay maaaring naririnig na malakas o tahimik, maaari ding pribado o sa gitna ng maraming tao, pormal o hindi pormal. Lahat ng panalangin ay iniaalay ng may pananampalataya (Santiago 1:6), sa pangalan ng Panginoong Jesus (Juan 16:23), at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu (Roma 8:26). Ang pananalangin ng mga Kristyano ay nakadirekta sa tatlong persona ng Diyos sa Bibliya. Nananalangin tayo sa Ama, sa pamamagitan ng Anak, at sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang masasama ay walang pagnanais na manalangin (Awit 10:4), ngunit ang mga anak ng Diyos ay may likas na pagnanasang manalangin (Lukas 11:1).
Sa Bibliya, ang panalangin ay paghahanap sa kabutihang loob ng Diyos (Exodu 32:11), pagbuhos ng nilalaman ng kaluluwa sa Panginoon (1 Samuel 1:15), paghingi ng saklolo sa langit (1 Cronica 32:20), pananatili sa piling ng Diyos (Awit 73:28), at pagluhod sa harapan ng Ama sa langit (Efeso 3:14).
Isinulat ni Pablo, “Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (Filipos 4:6-7). Huwag mabahala sa kahit anung bagay kundi ipanalangin ang lahat ng bagay.
Lahat ng bagay? Oo, gusto ng Diyos na sabihin natin sa kanya ang lahat ng ating nararamdaman at iniisip. Gaano tayo kadalas dapat manalangin? Ang sabi ng Bibliya ay “manalangin sa tuwina” (1 Tesalonica 5:17). Kailangan natin ng tuloy tuloy na pakikipag usap sa Panginoon sa buong maghapon. Maaari tayong manalangin sa anumang pagkakataon at sitwasyon. Ang panalangin ay bumubuo sa ating relasyon sa Diyos at ito ay nagpapahayag ng ating pananalig at lubos na pagtitiwala sa Kanya.
Ang panalangin ay maka-kristyanong paraan ng pakikipag ugnayan sa Diyos. Nananalangin tayo para purihin ang Panginoon at pasalamatan Siya at sabihin sa Kanya kung gaano natin Siya kamahal. Tayo ay nananalangin para masiyahan sa kanyang presensya at sabihin kung ano ang mga nangyayari sa ating buhay. Lumalapit tayo sa Diyos para ipahayag ang ating mga pangangailangan at humihingi ng gabay at karunungan. Ganito ang gusto ng Diyos na mangyari sa pagitan Niya at ng kanyang mga anak, gaya ng mga magulang na nakikipag-ugnayan sa sariling mga anak. Ang pakikipag-niig sa Diyos ay ang sentro ng panalangin. At madalas na hindi natin napapansin kung gaano kadaling unawain kung ano ba talaga ang panalangin.
Humihiling tayo sa Diyos, sinasabi natin kung ano ang ating totoong nais at ano ang gusto nating mangyari. Sa ating panalangin, inaamin natin na ang Diyos ay higit sa atin at ang pinaka-nakakaalam kung ano ang mabuti sa bawat pangyayari (Roma 11:33-36). Ang Diyos ay mabuti at hinihingi Niya ang ating buong pagtitiwala. Kung tayo ay nananalangin, sinasabi natin, “Hindi ang aking kalooban, kundi ang kalooban Mo ang mangyari.” Ang susi sa katugunan sa ating panalangin ay ayon sa kalooban ng Diyos ayon sa Kanyang salita. Sa pananalangin, hindi natin nilalayon na masunod ang ating kalooban kundi ninanais natin na maiayon ang ating gusto sa kalooban ng Panginoon ng buong-buo (1 Juan 5:14-15; Santiago 4:3).
Ang Bibliya ay naglalaman ng mga halimbawa ng pananalangin at mga pangangaral tungkol dito (Lukas 18:1; Roma 12:12; Efeso 6:18). Ang tahanan ng Diyos ay lugar ng panalangin (Markos 11:17), ang mga anak ng Diyos ay mga taong mapanalanginin: “Mga minamahal, sa inyong kabanal-banalang pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos” (Judas 1:20-21).
English
Ano ang panalangin?