settings icon
share icon
Tanong

Ano ang talinghaga?

Sagot


Ang talinghaga ay literal na “isang bagay na inihagis” sa tabi ng isa pang bagay. Ang mga talinghaga ni Jesus ay mga kwento na binigkas na katabi ng isang katotohanan upang ilarawan ang katotohanang iyon. Ang Kanyang mga talinghaga ay tulong sa Kanyang pangangaral at maaaring ipalagay na isang pinahabang paghahambing o kinasihang paghahalintulad. Ang pangkaraniwang paglalarawan sa isang talinghaga ay “isang kwentong panlupa na may makalangit na kahulugan.”

May isang pagkakataon sa Kanyang ministeryo na si Jesus ay tanging umasa sa mga talinghaga. Maraming talinghaga ang Kanyang binanggit; Sa katunayan, ayon sa Marcos 4:34, “Hindi siya nangangaral sa kanila na hindi gumagamit ng talinghaga.” May nasa 35 talinghaga ni Jesus ang naitala sa mga sinoptikong Ebanghelyo.

Pero hindi ito palagi. Sa unang bahagi ng Kanyang ministeryo, hindi gumamit si Jesus ng mga talinghaga. Ngunit sa hindi inaasahan, nagumpisa Siyang magsalita ng mga talinghaga lamang na ikinamangha ng Kanyang mga alagad na nagtanong sa Kanya, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa kanila?” (Mateo 13:10).

Ipinaliwanag ni Jesus na ang paggamit Niya ng talinghaga ay may dalawang layunin: para isiwalat ang katotohanan sa mga taong nais malaman ito at para itago ang katotohanan sa mga walang pakialam dito. Sa nakaraang kabanata (Mateo 12), hayagang itinanggi ng mga Pariseo ang Mesiyas at nilapastangan ang Banal na Espiritu (Mateo 12:22-32). Tinupad nila ang hula ni Isaias na sila ay may matigas na puso at mga taong bulag sa espiritu (Isaias 6:9-10). Ang tugon ni Jesus ay nagumpisa sa paggamit ng mga talinghaga. Ang mga katulad ng mga Pariseo na may naunang pagkiling laban sa mga katuruan ng Panginoon ay ibinasura ang mga talinghaga bilang walang katuturang kalokohan. Gayunman, naunawaan ito ng mga taong tunay na naghahanap ng katotohanan.

Tiniyak ni Jesus na naunawaan ng Kanyang mga alagad ang kahulugan ng mga talinghaga: “Nang nagiisa na lamang Siya kasama ang kanyang mga alagad, ipinaliwanag Niya ang lahat sa kanila” (Marcos 4:34).

Ang pagbibigay ng kahulugan sa isang talinghaga ay may kaakibat na mga hamon para sa mga magaaral ng Bibliya. Minsan, ang pagbibigay ng kahulugan ay madali sapagkat ang Paniginoon mismo ang nagbibigay ng kahulugan. Ang talinghaga ng manghahasik at ang talinghaga ng triguhan at masasamang damo ay parehong ipinaliwanag sa Mateo 13. Narito ang ilang panuntunan na makakatulong sa pagbibigay ng kahulugan sa iba pang mga talinghaga:

1) Tukuyin ang saklaw ng espiritwal na katotohanan na ipinapakita. Minsan, ang talinghaga ay pinapangunahan ng ilang panimula na nagbibigay ng nilalaman. Halimbawa, madalas na ginagamitan ni Jesus ng ganitong paunang salita ang talinghaga, “Ganito inihahalintulad ang kaharian ng langit.” Gayundin, bago ang talinghaga ng Pariseo at maniningil ng buwis, nabasa natin ito: “Sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili na hinahamak naman ang iba, sinabi ni Jesus ang ganitong talinghaga” (Lucas 18:9). Ang pagpapakilalang ito ay sumasalamin sa paksang inilalarawan (matuwid na pagtingin sa sarili at kapalaluang espiritwal).

2) Makikilala ang talinghaga sa pagitan ng pangunahing punto ng kwento upang suportahan ang salaysay. Sa ibang pagkakataon, hindi lahat ng detalye sa talinghaga ay may malalim na kahulugang espiritwal. Naroon lamang ang ibang detalye para maging makatotohanan ito. Halimbawa, ang sariling pagbibigay ng kahulugan sa talinghaga ng manghahasik. Hindi si Jesus nagkomento na may apat (o apat lamang) na uri ng lupa.

3) Ikumpara ang Banal na kasulatan sa Banal na Kasulatan. Ang pangunahing batayang ito ng hermeneutiko ay napakahalaga sa pagaaral ng mga talinghaga. Ang mga talinghaga ni Jesus ay hindi sumasalungat sa iba pang salita ng Diyos na Kanyang sinabi (Juan 12:49). Sinadyang ilarawan sa mga talinghaga ang mga doktrina, at ang mga aral na itinuro ni Jesus ay makikitang malinaw na itinuturo sa ibang bahagi ng Bibliya.

May iba pang mga talinghaga na matatagpuan sa Bibliya maliban sa mga talinghaga na makikita sa mga Ebanghelyo. Ang aklat ng Kawikaan ay puno ng mga pagkakatulad. Gumamit si Solomon ng paghahalintulad upang ipangaral ang katotohanan, lalo sa sagisag ng paralelismo na ang resulta ay isang payak na talinghaga. Halimbawa, sinasabi sa Kawikaan 20:2, “Ang poot ng hari ay parang leon na umuungal.” Ang pag-ungal ng leon ay “inihahalintulad sa poot ng hari.” Yan ang katangian ng matalinghagang wika.

Pagkatapos sabihin ang ilan Niyang talinghaga, sinabi ni Jesus, “Sinumang may pandinig ay makinig” (Marcos 4:9, 23). Ito ay panawagan na pakinggan ang mga talinghaga hindi katulad ng isang ordinaryong kuwento kundi bilang paghahanap sa katotohanan ng Diyos. Nawa ay pagkalooban tayo ng Diyos ng pandinig upang tunay na “makarinig.”

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang talinghaga?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries