Tanong
Ano ang teista?
Sagot
Sa pangkalahatang kahulugan, ang teista ay tumutukoy sa taong may pinaniniwalaang diyos o pagkadiyos. Ang teismo ay kabaliktaran ng ateismo (hindi naniniwala na mayroong umiiral na diyos) at agnostisismo (ang paniniwala na ang pag iral ng isang Diyos o mga diyos ay walang kasiguruhan). Kabilang sa teismo ang mga sumusunod:
Monoteismo: Ang monoteista ay taong naniniwala sa iisang Diyos. Ang paniniwalang ito ay tinatanggap at makikita sa relihiyong Judaismo, Kristiyanismo, at Islam bagaman mayroon silang magkakaibang pananaw tungkol sa Diyos.
Politeismo: Ang mga politeista ay naniniwala sa higit sa isang diyos. Politeista ang tawag sa mga naniniwala sa diyos ng kulturang griyego-romano. Sa kasalukuyan ay itinuturing na politeista ang mga naniniwala sa maraming diyos at diyos sa daigdig ng mga espiritu.
Deismo: Ang deist naman ay naniniwala sa Diyos (o minsan ay mga diyos) na lumikha ng kalawakan ngunit ayon sa kanila, hindi ang Diyos ang nagpapatakbo o kumikilos sa kalawakan.
Panteismo/Panenteismo: Ang panteist at panenteist ay paniniwala na ang lahat ng bagay ay diyos at ang diyos ay nasa lahat ng bagay. kabilang din sa paniniwalang ito ang ideya na ang materyal na kalawakan ay nilikha ng diyos o mga diyos.
Ototeismo: Ang ototeist ay tumutukoy sa mga nanininwala na sila ay Diyos o kaya'y naliwanagang diyos.
Ayon sa Banal na Kasulatan, mayroon lamang iisang Diyos na siyang lumikha ng langit at ng lupa (Genesis 1:1). Hindi pinagdebatehan ang katuruang ito sa halip ay ipinapalagay na nasa Bibliya. Sa katunayan, sinasabi sa Awit 14:1 na, “Wala namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili.” Bilang karagdagan, ang monoteismo ay malinaw na itinuturo sa Lumang Tipan: “Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh” (Deuteronomio 6:4). Makikita rin sa Deuteronomio 4:39 ang ganito, “Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh.”
Ayon din sa Bagong Tipan, ang Diyos ay umiiral bilang Tres-unong Diyos na binubuo ng Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo (Mateo 28:19”sa pangalan”, isahan). Ang tatlong Persona ng Tres-unong Diyos ay binanggit din sa bautismo ni Jesus ng magsalita sa kanya ang Diyos Ama mula sa langit at bumaba ang Espiritu sa anyong kalapati (Mateo 3:16-17).
Ang Kristiyano ay isang uri ng partikular na teist. Siya ay monoteist na naniniwala sa Tres-unong Diyos at sumasampalataya kay Jesus bilang Panginoon na nabuhay na mag-uli (Roma 10:9).
English
Ano ang teista?