Tanong
Ano ang katulad ng Diyos?
Sagot
Bawat kultura sa kasaysayan ng mundo ay may kanya- kanyang konsepto kung ano ang katulad ng Diyos. Ipinapalagay ng iba na ang Diyos ang may kontrol sa panahon dahil diyan ay gumawa pa sila ng mga larawan o anyo ng diyos ng kulog na may hawak na kidlat (pagsamba kay Baal sa Canaan). Ang iba naman ay naniniwala na ang Diyos ay makapangyarihan, kaya sinasamba nila ang anumang bagay na dakila o makapangyarihan katulad ng araw (pagsamba kay RA sa Ehipto). Naniniwala rin ang iba na ang Diyos ay nasa lahat ng lugar o dako kaya naman lahat ng bagay na kanilang nakikita ay pinag uukulan nila ng pagsamba (panteismo sa pilosopiyang Estoiko). May mga naniniwala naman na sadyang mahirap makilala at maunawaan ang Diyos kaya sila ay bumaling sa paniniwalang agnostisismo, o kaya'y upang magkaroon sila ng batayan ay sumasamba sila sa "Diyos na hindi nakikilala" (Mga Gawa 17:23).
May problema ang ganitong mga haka-haka dahil bahagi lamang ng buong larawan ng Diyos ang kanilang nakikita. Totoong ang Diyos ang may kontrol sa kalagayan ng panahon, ngunit Siya rin ang may kontrol ng lahat. Siya ay makapangyarihan ngunit higit pa sa araw ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan. Siya ay nasa lahat ng dako ngunit nangingibabaw siya sa lahat dahil nakikita niya ang lahat dako. At dapat nating ipagpasalamat sapagkat kahit may mga bagay tayong hindi nauunawaan tungkol sa Diyos, ang totoo ay maaari natin Siyang makilala. Sa katunayan nga, ang lahat ng kailangan nating malaman tungkol sa Kanya ay nahayag sa Biblia. Nais ng Diyos na makilala Siya ng mga tao (Mga Awit 46:10).
Sa kanilang aklat na I Don't Have Enough Faith to Be an Atheist, sinabi nina Norman Geisler at Frank Turik ang mga sumusunod:
• Ang katotohanan ay natutuklasan, hindi ito imbento o bunga lamang ng malikot na isipan. Umiiral ito ng hindi nakadepende sa kaalaman ng sinuman. (Hal. Totoong may gravity bago pa nabuhay si Newton at bago pa niya ito natuklasan).
• Ang katotohanan ay sumasaklaw sa lahat ng anyong kultural; kung ang isang bagay ay totoo, ito ay totoo sa lahat ng tao, sa lahat ng lugar, at sa lahat ng panahon (Hal. kung ang 2+2 ay = 4, ito ay tinatanggap ng lahat ng tao sa lahat ng dako at sa lahat ng panahon).
• Ang katotohanan ay hindi nagbabago at hindi maaring mabago (Hal. buhat nang maniwala tayo na ang mundo ay bilog sa halip na patag o pantay, ang katotohanan tungkol sa mundo ay hindi nagbabago).
Kaya nga habang sinisikap nating matiyak kung ano ba talaga ang katulad ng Diyos, kalakip nito ay ipinapakita rin natin ang ating pagnanais na matuklasan ang katotohanan tungkol sa Kanya.
Una, mayroong Diyos na umiiral. Malinaw ang sinasabi ng Biblia tungkol dito at hindi na kailangan pagtalunan pa. Ang mga katotohanan tungkol sa Kanya, ang sangnilikha ay sapat na patunay na mayroong Diyos na umiiral (Mga Awit 19:1-6). Sinasabi sa Genesis 1:1, "Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa." Ito ay isang simple ngunit makapangyarihang pahayag. Ang kalawakan ay kinabibilangan ng mga panahon, puwang, mga bagay, at enerhiya-- ang mga ito ay mga elementong nararamdaman natin at nagpapatunay na ang kalawakan ay nalikha ayon sa utos ng Diyos. Ang teoryang relatibidad ni Albert Einstein ay nagsasabi na ang lahat ng panahon, puwang, at mga bagay ay may tiyak at magkakasabay na pasimula. Ang lahat ng may simula ay may nagpasimula o sanhi ng pagsimula. Ito ang tinatawag na Batas ng Sanhi (Law of Causality) at ang Diyos ang nagpasimula ng lahat. Ang Diyos ang lumikha ng lahat ng ito at dahil diyan ay may isa pang bagay na dapat nating malaman tungkol sa Kanya. Siya ay makapangyarihan (Joel 1:15), Siya ay walang hanggang umiiral (Mga Awit 90:2), at Siya ay umiiral ng higit at dakila sa lahat ng nilikha (Mga Awit 97:9).
Ang Diyos na lumikha ng lahat ng bagay ay siya ring may kontrol sa lahat ng ito. Siya ay makapangyarihan sa lahat ng bagay (Isaias 46:10). Ang lumikha ng isang bagay ay may karapatang magmay-ari nito at siya ang masusunod kung paano niya ito gagamitin. Ang tunay na sanhi o pinagmulan ang may lubos na kapangyarihan. Sa Isaias 44:24 ay ipinapakita ng Diyos ang kanyang sarili na siya ang "lumalang ng lahat ng bagay Siya lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan, at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan." Ang sumunod na mga talata ay nagsasabing "Binibigo niya ang mga sinungaling na propeta at ang mga manghuhula, ang mga marurunong ay ginagawang mangmang, at ang dunong nila'y ginagawang kahangalan" (Isaias 44:25). Malinaw na ipinapahiwatig nito na kayang gawin ng Diyos na makapangyarihan ang lahat ng Kanyang maibigan.
Ang Diyos ay espiritu (Juan 4:24) at hindi Siya maaring ihalintulad sa anumang larawan o anyo ng nilalang, sa katunayan ay isang paglapastangan sa Diyos kung ang tao ay gagawa ng kanyang kawangis dito sa lupa (Exodo 20:4-6). Ang Diyos ay hindi nagbabago (Malakias 3:6). Ang Diyos ay marunong sa lahat (1 Juan 3:20), at sumasalahat ng dako (Mga Awit 139:7-13). Siya ay banal at puspos ng kaluwalhatian (Isaias 6:3). Siya ay makatarungan (Deuteronomio 32:4) at makatarungan niyang hahatulan ang kasalanan at kasamaan (Judas 1:15).
Ang kalikasan ng paghatol ng Diyos ay naghahayag ng isa pang katotohanan tungkol sa Kanya: Siya ay may moralidad. Sa aklat ni C.S. Lewis na Mere Christianity ay inilatag niya na kung paanong may umiiral na batas ng kalikasan (gravity, entropia, atbp.), mayroon din namang umiiral na pamantayang moral na dapat sundin. Sinulat niya na "Una, ang mga tao sa daigdig ay may likas na kaalaman o ideya kung paano sila kikilos at iyon ay hindi nila maikukubli. Pangalawa, ay ang hindi nila pagkilos na gaya ng nararapat. Batid nila ang batas ng kalikasan ngunit nilalabag nila ito. Ang dalawang bagay na ito ang pundasyon ng ating malinaw na palagay tungkol sa ating sarili at sa daigdig na ating tinatahanan." Sa kabila ng ibat-ibang kaisipan kung ano ba talaga ang tama at mali, pinatutunayan nito na mayroong pangkalahatan o pandaigdig na paniniwala tungkol sa tama at mali at sinasalamin nito kung sino ba talaga ang Diyos na lumalang sa atin (Genesis 1:26; Mangangaral 3:11).
Nang dumating si Jesus dito sa sanlibutan, ipinakilala Niya sa atin ang Ama (Juan 14:7-9). Sa pamamagitan ni Jesus, nalaman natin na nais ng Diyos iligtas ang mga naliligaw (Lucas 19:10), Siya ay puspos ng pag-ibig (Mateo 14:14). Siya ay mahabagin (Lucas 6:36), at Siya ay mapagpatawad (Mateo 9:1-18). Gayon din naman, ipinakita ni Jesus sa atin na hahatulan ng Diyos ang hindi nagsisisi sa kasalanan (Lucas 13:5), at ang Diyos ay napopoot sa mga taong ayaw tanggapin ang katotohanan at namumuhay sa kasalanan (Mateo 23).
Higit sa lahat ay ipinakita sa atin ni Jesus na ang Diyos ay pag-ibig (1 Juan 4:8). Ang pag-ibig ang dahilan kung bakit isinugo ng Diyos ang kanyang Anak sa sanlibutan (Juan 3:16). Ang pag-ibig din ang dahilan kung bakit si Jesus ay namatay para sa mga makasalanan (Roma 5:8). Ang pag-ibig ang dahilan kung bakit ang mga makasalanan ay inaanyayahan pa rin Niya na magsisi upang maranasan nila ang kagandahang loob ng Diyos at upang sila'y tawaging mga anak ng Diyos (1 Juan 3:1).
English
Ano ang katulad ng Diyos?