Tanong
Mayroon bang iba't ibang antas ang langit?
Sagot
Ang pinakamalapit na teksto sa Banal na Kasulatan na nagsasabing may iba't ibang antas ang langit ay matatagpuan sa 2 Mga Taga-Corinto 12:2, "Nakikilala ko ang isang lalake kay Cristo, na mayroon ng labingapat na taon (maging sa katawan, aywan ko; o maging sa labas ng katawan, aywan ko; Diyos ang nakaaalam) na inagaw hanggang sa ikatlong langit." May ilan na nagsasabing ito ay nagpapahiwatig na mayroong tatlong antas ng langit, antas para sa mga "mga Kristiyanong labis ang katapatan" o Kristiyanong nakamtan ang pinakamataas na antas ng espiritwalidad, antas para sa mga karaniwang Kristiyano, at antas para sa mga Kristiyanong hindi tapat na naglingkod sa Diyos. Ang pananaw na ito ay walang batayan sa Banal na Kasulatan.
Hindi sinabi ni Pablo na mayroong tatlong langit o may tatlong antas ang langit. Sa mga sinaunang kultura, ginagamit ng mga tao ang salitang "langit" bilang pantukoy sa mga sumusunod - ang kalangitan na nakikita ng ating mga mata, ang kalawakan, at ang espiritwal na langit. Bagamat ang mga ito ay hindi tuwirang binanggit sa Bibliya, ito ay karaniwang kilala sa tawag na kahariang terestiyal, telestiyal at selestiyal. Ayon kay Pablo dinala siya ng Diyos sa kahariang selestiyal kung saan nananahan ang Diyos. Ang konsepto ng pagkakaroon ng iba't ibang antas ng langit ay maaring nakuha mula sa isang epikong tula na pinamagatang "The Divine Comedy" ng makatang si Dante Alighieri kung saan sinasabing may siyam na antas ang langit at impiyerno. Gayunman, ang Divine Comedy ay kathang-isip lamang. Ang pagkakaroon ng iba't ibang antas ng langit ay wala sa Banal na Kasulatan.
Ayon sa Bibliya may iba't ibang gantimpala sa langit. Sinabi ni Hesus hinggil dito, "Narito, ako'y madaling pumaparito; at ang aking gantimpala ay nasa akon, upang bigyan ng kagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang gawa" (Pahayag 22:12). Ipinapakita lamang dito na darating ang panahon kung saan gagantimpalaan ang mga mananampalataya. Sa 2 Timoteo 4:7-8, sinabi ni Pablo sa katapusan ng kamyang ministeryo: "nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya. Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran, na ibibigay sa akin n Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin kundi sa lahat din naman ng naghahangad sa Kanyang pagpapakita."
Tanging ang mga gawaing nakalampas sa nagdadalisay na apoy ng Diyos ang may halagang eternal at magiging karapatdapat sa gantimpala. Ang mahahalagang gawa na binanggit bilang "ginto, pilak , at mahahalagang bato" (1 Mga Taga-Corinto 3:12), ito ang mga bagay na pinagsasaligan ng pananampalataya kay Kristo Hesus. Samantalang ang mga gawa na hindi gagantimpalaan ay itinuring bilang "kahoy at tuyong dayami" ito'y hindi masasamang gawa ngunit mababaw na gawain na walang halagang eternal. Ang mga gantimpala ay ipamamahagi sa trono ng paghuhukom ni Kristo Hesus, kung saan mahahayag ang buhay ng mga mananampalataya at masusuri ang karampatang gantimpala. Ang paghuhukom sa mga tunay na mananampalataya ay hindi tumutukoy sa pagpapataw ng parusa dahil sa kasalanan. Ang Panginoong Hesus ay naparusahan na para sa ating mga kasalanan ng Siya'y namatay sa krus, at sinabi ng Diyos: Sapagkat Ako'y magiging mahabagin sa kanilang kalikuan, At ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa." (Mga Hebreo 8:12). Napakaluwalhating pag-iisip! Ang mga mananampalataya ay hindi na kailanman matatakot sa kaparusahan, bagkus matiwasay na aasamin sa hinaharap ang pagkakaroon ng gantimpala na tanging maiaalay sa paanan ng Tagapagligtas. Bilang konklusyon, walang iba't ibang antas sa langit ngunit may iba't ibang antas ng gantimpala sa langit.
English
Mayroon bang iba't ibang antas ang langit?