settings icon
share icon
Tanong

May iba't ibang antas ba ang pagdurusa sa impiyerno? May iba't ibang antas ba ang parusa sa impiyerno?

Sagot


Ang ideya na may iba't ibang antas ng parusa sa impiyerno ay unang nagmula sa "The Divine Comedy" na isinulat ni Dante Aligheri sa pagitan ng taong 1308 at 1321. Sa nasabing tula, ginabayan ng Romanong manunula na si Vergel si Dante sa siyam na sirkulo ng impiyerno. Ang mga sirkulong ito ay konsentriko na naglalarawan ng unti-unting paglala ng kasamaan at nagtatapos sa sentro ng mundo, kung saan nakakulong si Satanas. Sa bawat sirkulo, ang mga makasalanan ay pinarurusahan ayon sa laki ng kanilang nagawang kasalanan. Ang bawat makasalanan ay pinarurusahan ng walang hanggan sa pamamagitan ng kanilang pangunahing kasalanang nagawa noong nabubuhay pa sila sa lupa. Ayon kay Dante, ang ang unang sirkulo ay para sa mga hindi nabinyagan at sa mga mabubuting pagano samantalang ang pinaka sentro ng impiyerno ay nakareserba para sa mga nakagawa ng pinakamalaking kasalanan - ang pagtataksil laban sa Diyos.

Bagama't hindi partikular na tinukoy ng Bibliya ang ganitong ideya, may mga talata na tila nagpapahiwatig na may iba't ibang antas ng parusa sa impiyerno. Sa Pahayag 20:11-15, hinatulan ang mga tao "ayon sa kanilang ginawa, gaya ng nasusulat sa mga aklat" (Pahayag 20:12). Gayunman, ang lahat ng tao sa paghuhukom na ito ay itinapon sa lawang apoy (Pahayag 20:13-15). Kaya nga maaari na ang layunin ng paghuhukom na ito ay upang pagpasyahan kung gaano kabigat ang magiging kaparusahan nila sa impiyerno. Anuman ang paghatol na ito, ang itapon kahit na sa hindi pinakamainit na bahagi ng lawa ng apoy ay hindi pa rin konsolasyon para sa mga isinumpa ng Diyos para sa pagdurusang walang hanggan.

Ang isa pang indikasyon na maaaring may iba't ibang antas ng pagdurusa sa impiyerno ay makikita sa mga pananalita ni Hesus: "At ang aliping nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit hindi naghanda ni sumunod sa kalooban nito ay tatanggap ng mabigat na parusa. Ngunit ang aliping hindi nakaaalam ng kalooban ng kanyang panginoon at gumawa ng mga bagay na nararapat niyang pagdusahan ay tatanggap ng magaang na parusa. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin sa lalong maraming bagay" (Lukas 12:47-48).

Anuman ang antas ng parusa sa impiyerno, maliwanag na ang impiyerno ay isang lugar na nararapat na pakaiwasan.

Sa kasawiang palad, sinasabi ng Bibliya na mas maraming tao ang pupunta sa impiyerno: "Pumasok kayo sa makipot na pintuan; sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay, at kakaunti lang ang nakasusumpong niyon." (Mateo 7:13"14). Ang tanong na dapat itanong sa sarili ay "saan papunta ang daang aking tinatahak?" Ang "marami" na nasa malapad na daan ay may pare-parehong katangian - lahat sila ay tumanggi kay Kristo bilang nagiisa at tanging daan patungo sa langit. Sinabi ni Hesus, "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko" (Juan 14:6). Nang sabihin ni Hesus na Siya lamang ang daan, iyon ang eksaktong ibig Niyang sabihin. Ang sinumang tumatahak o sumusunod sa ibang "daan" maliban kay Hesus ay nasa malapad na daan patungo sa kapahamakan, at kahit ano pang iba't ibang antas ng pagdurusa ang mayroon sa impiyerno, ang paghihirap doon ay nakapanghihilakbot, nakakatakot, walang hanggan at hindi matatakasan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

May iba't ibang antas ba ang pagdurusa sa impiyerno? May iba't ibang antas ba ang parusa sa impiyerno?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries