settings icon
share icon
Tanong

Ano ang anthropological hylomorphism?

Sagot


May malapit na kaugnayan sa mga katuruan ni Aristotle at Thomas Aquinas, ang anthropological hylomorphism ay isang pananaw tungkol sa kaugnayan sa pagitan ng katawan at kululuwa ng tao.

Ang hylomorphism ay isang teorya na ang “bagay” (hindi nakikitang esensya) ay nakahalo sa “anyo” o “hugis” (na nagbibigay sa isang bagay ng kalikasan nito) para makagawa ng sangkap (na karaniwan nating itinuturing na bagay). Halimbawa, ang isang putik na walang anyo ay maaaring hugisin at patigasin para makagawa ng isang matigas na bloke—ang putik ang “bagay” at ang hugis ng putik ay ang “anyo” o “porma”; at ang matigas na bloke ang resulta ng kumbinasyon ng bagay at anyo o hugis.

Ang anthropological hylomorphism ay mailalapat sa teoryang ito sa kalikasan ng tao. Ano ang kaugnayan ng katawan, kaluluwa at espiritu sa bawat isa? Mas nakakaraming talakayang Kristiyano ang umiiikot sa usapin ng trichotomy laban sa dichotomy. Ipinapahiwatig ng dalawang pananaw na may paghihiwalay sa pagitan ng kaluluwa at katawan. Pinaniniwalaan ni Aristotle at Aquinas na ang katawan ay ang “materyal” at ang kaluluwa ang “anyo” o “porma” na nagbibigay sa isang tao ng kanyang kalikasan. Naniniwala din sila na ang anyo at bagay ay magkasama at nakadepende sa isa’t isa. Ang isang matigas na bloke ay hindi magiging isang bloke kung walang kumbinasyon ng putik at ng isang partikular na hugis o porma. Sa ganito ring paraan, ang isang tao ay hindi magiging isang tao kung walang kumbinasyon ng katawan at kaluluwa.

Ang salitang anthropological hylomorphism mismo ay nangangahulugang “materyal” o “bagay” (hylos,) at “porma” o “hugis” (morphos) ng “tao” (anthropos). Hiniram ni Aristotle ang mga terminolohiyang ito kay Plato, na ang pananaw sa paksang ito ay inilarawan sa kanyang talinghaga ng isang kuweba sa aklat na The Republic. Itinuro ni Aristotle na walang bagay ang iiral ng walang anyo o porma at walang porma ang iiral ng walang presensya ng bagay o materyal (matter). Kaya nga, itinuturo ni Aristotle na hindi mabubuhay ang katawan ng walang kaluluwa, at hindi mabubuhay ang kaluluwa ng walang katawan (lalabas na walang buhay pagkatapos ng buhay sa lupa).

Para kay Aquinas, maaaring paghiwalayin ang anyo at materyal. Bilang isang paring Dominiko, may mataas na pananaw si Aquinas sa Kasulatan na nagpapahiwatig na posible ang paghihiwalay sa pagitan ng kaluluwa at katawan. Ang mga talatang gaya ng Mateo 10:28 ay nagtuturo na hindi laging nakadepende ang kaluluwa at katawan sa isa’t isa: “Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno.” Maaaring ang pinakamalakas na argumento laban sa hylomorphism ni Aristotle ay ang 1 Corinto 15:40, kung saan tinalakay ni Pablo ang muling pagkabuhay: “May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit.”

Gayunman, nagawang ihalo ni Aquinas ang hylomorphism sa mahahalagang katuruang Kristiyano. Inangkin niya na bagama’t magkaugnay ang kaluluwa at katawan, maaaring mabuhay ang kaluluwa ng walang katawan. Ang kaluluwa ay simpleng hindi kumpleto hangga’t hindi muling nabubuhay ang katawan. Ang kaluluwa o “anyo” ng tao ay iiral sa isang supernatural na kalagayan hanggang sa buhayin ng Diyos ang katawan. Sa ganitong paraan, ipinaliwanag ni Aquinas ang paglipat sa pagitan ng kamatayan sa makalupang katawan at pagkabuhay na mag-uli sa isang makalangit na katawan. Ang pagkakaroon ng katawan, ayon kay Aquinas ay mahalaga sa pagiging tao, kaya nga hindi magiging ganap ang pagiging tao kung walang katawan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang anthropological hylomorphism?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries