settings icon
share icon
Tanong

Antikristo mula sa Islam? Maaari bang ang magiging antikristo ay isang Muslim?

Sagot


Sa paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan sa mga nagdaang taon, partikular ang pahayag ng mga panatikong Shiite Muslim patungkol sa ikalabindalawang Imam, maraming tao ang nagtatanong kung ano ang koneksyon nito sa mga hula o propesiya sa Bibliya. Bilang sagot, una muna nating dapat malaman kung sino ang ikalabindalawang Imam at kung ano ang kanyang inaasahang gagawin para sa relihiyong Islam. Ikalawa, dapat nating suriin ang mga pahayag ng mga Shiite Muslim at kung ano ang koneksyon nito sa kanilang inaasahan, at pangatlo, kailangan nating tingnan ang sinasabi ng Bibliya upang mabigyang linaw ang isyung ito.


Sa loob ng denominasyong Shiite ng Islam, may labindalawang Imams o mga lider espiritwal na itinalaga ni Allah. Nagsimula ito sa isang Imam na ang pangalan ay Ali, pinsan ni Muhammad na nagangkin na siya ang kapalit ni Muhammad matapos itong mamatay. Noong humigit kumulang 868 A.D., ipinanganak ang ikalabindalawang Imam na si Abu al-Qasim Muhammad (o Muhammad al Mahdi). Dahil mahigpit na pinaguusig noon ang kanyang ama na ikalabing isang Imam, itinago siya nito sa disyerto para sa kanyang proteksyon. Sa edad na humigit kumulang na anim na taon, lumabas siya sa pagtatago ng kaunting panahon ng mapatay ang kanyang ama, ngunit nagtago muli pagkatapos. Sinasabi ng mga Shiite na nagtatago pa rin siya sa mga kuweba at muling babalik sa isang mahimalang pamamaraan isang araw bago maganap ang huling paghuhukom upang wakasan ang lahat ng kasamaan at panlulupig at upang magdala ng pagkakasundo at kapayapaan sa buong mundo. Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan ayon sa teolohiya ng mga Shiite. Ayon sa isang manunulat, tataglayin ng Mahdi ang isang perpektong pagkatao at sasakanya ang dignidad ni Moises, ang biyaya ni Hesus at ang pagtitiis ni Job.

Ang hula tungkol sa ikalabindalawang Imam ay may malaking pagkakapareho sa mga hula sa Bibliya tungkol sa huling panahon. Sang-ayon sa mga hula ng Islam, bago bumalik si Mahdi, magkakaroon muna ng tatlong taon ng pandaigdignag kaguluhan at maghahari siya sa Gitnang Silangan at sa buong mundo sa loob ng pitong taon. Ang kanyang pagdating ay kapapalooban ng dalawang pagkabuhay na muli, ng isang masama at ng isang banal. Ayon sa katuruan ng mga Shiite, tatanggapin ni Hesus ang pamumuno ni Mahdi at ang dalawang sanga ng pamilya ni Abraham ay magkakasundo magpakailanman.

Ano ang koneksyon sa pagitan ng pahayag ng mga Shiite Muslim at ng Presidente ng Iran na si Mahmoud Ahmadinejad? Si Ahmadinejad ay isang panatikong Shiite at inaangkin niya na siya ang personal na maghahanda sa mundo sa pagdating ni Mahdi. Upang maligtas ang mundo, kailangang ito ay mapasailalim sa kaguluhan at panlulupig at naniniwala si Ahmadinejad na inutusan siya ni Allah na ipailalim ang mundo sa mga kaganapang ito bilang paghahanda sa pagdating ni Mahdi. Paulit ulit na ipinahayag ni Ahmadinejad na lilipulin niya ang mga kaaway ng Islam. Ang Presidenteng ito kasama ang kanyang gabinete ay pumirma diumano ng isang kontrata para italaga ang kanilang sarili sa pagdating ni Mahdi. Nang tanungin si Ahmadinejad ng reporter ng ABC na si Ann Curry noong Setyembre 2009 tungkol sa kanyang mga pahayag, kanyang sinabi, "Ang Imam...ay darating ng may karunungan sa kultura at siyensya. Darating siya upang hindi na muling magkaroon pa ng digmaan. Wala ng pagaalitan at pagkamuhi. Hihikayatin niya ang bawat isa sa pag-ibig sa kapatid. Darating siya kasama ni Hesu Kristo. Babalik ang dalawa na magkasama at gagawang magkasama upang punuin ng pag-ibig ang mundo."

Ano ang kaugnayan ng Imam na ito sa antikristo? Ayon sa 2 Tesalonica 2:3-4, lilitaw ang isang "suwail" sa mga huling araw at lalabanan at itataas ang kanyang sarili sa gitna ng lahat ng sinasamba ng tao. Sa Daniel 7, mababasa natin ang pangitain ni Daniel tungkol sa apat na halimaw na kumakatawan sa mga kaharian na may malaking papel sa plano ng Diyos sa hinaharap. Ang pang-apat na halimaw ay inilarawan na "nakakatakot at napakalakas" (tal. 7-8) at naiiba sa mga halimaw na kanyang sinundan. Inilarawan din ang halimaw na ito na may "maliit na sungay" na bumunot sa ibang mga sungay. Ang maliit na sungay na ito ay ipinakilala bilang ang ‘antikristo.’ Sa talatang 25, inilarawan ang antikristo na magsasalita ng kapusungan laban sa Kataastaasan at pahihirapan ang mga hinirang ng Diyos at susubuking baguhin ang mga kautusan at mga gawaing panrelihiyon: at “ibibigay sila sa kanyang mga kamay sa loob ng tatlong taon at kalahati" (3 taon). Sa Daniel 8, ang pangitain ni Daniel tungkol sa isang tupang lalaki at isang kambing ay kumakatawan sa isang hari na lalabas sa mga huling araw (tal. 23-25), papatay siya ng maraming tao at titindig laban kay Kristo, Ngunit ang haring ito ay matatalo. Sa Daniel 9:27, hinulaan ni Daniel ang pagdating ng isang "prinsipe" na gagawa ng kasunduan sa mga bansa sa loob ng 7 taon ngunit pagkatapos ay maghahasik ng lagim. Sino ang antikristong ito? Walang tiyak na nakaaalam, ngunit maraming teorya ang pinaniniwalaan maging ang posibilidad na ang antikristo ay maaaring isang Arabo.

Sa kabila ng maraming teorya tungkol sa pagkakakilanlan sa antikristo, may ilang pagkakahalintulad sa teolohiya ng Bibliya at ng mga Shiite na dapat isaalang-alang. Una, Sinasabi sa Bibliya na ang kaharian ng antikristo ay tatagal ng pitong taon, at inaangkin ng Islam na ang ika labindalawang Imam ay maghahari sa loob ng pitong taon. Ikalawa, inaasahan ng mga Muslim ang tatlong taon ng pandaigdigang kaguluhan bago ang pagpapakita ng ika labindalawang Imam, at sinasabi sa Bibliya ang tungkol sa tatlong taon at kalahati ng paghihirap bago ipakilala ng antikristo ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagyurak sa templo. Ikatlo, inilarawan ang antikristo bilang mandaraya na magpapakilala bilang tagapagdala ng kapayapaan ngunit sa katotohanan ay magpapasimuno siya ng malawakang digmaan; ang inaasahan sa ikalabindalawang Imam ay magdadala ito ng kapayapaan sa pamamagitan ng malawakang pakikidigma sa lahat ng bansa sa mundo.

Isang Muslim ba ang antikristo? Ang Diyos lamang ang nakaaalam. May koneksyon ba sa pagitan ng paniniwala ng Islam at ng Kristiyanismo patungkol sa hinaharap? Mukhang may direktang kaugnayan, bagamat tulad sila sa paglalarawan sa isang malaking digmaan, una mula sa pananaw ng talunan at mula sa pananaw ng isang nagtagumpay. Hanggat hindi natin nakikita ang katuparan ng mga bagay na ito, dapat nating ipamuhay ang mga salita ng Diyos sa 1 Juan 4:1-4, "Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan agad ang bawat nagsasabing sumasakanila ang Espiritu. Sa halip ay subukin muna ninyo upang malaman kung mula sa Diyos ang espiritung sumasakanila, sapagkat marami nang bulaang propeta ang lumitaw sa sanlibutan. Ito ang pagkakakilanlan kung sino ang kinaroroonan ng Espiritu ng Diyos: ang nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naging tao ang siyang kinaroroonan ng Espiritung mula sa Diyos. Subalit ang hindi nagpapahayag ng gayon tungkol kay Jesus ay hindi kinaroonan ng Espiritung mula sa Diyos. Ang espiritu ng anti-Cristo ang nasa kanya. Nasabi na sa inyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa sanlibutan na. Mga anak, kayo'y sa Diyos at pinagtagumpayan ninyo ang mga bulaang propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Antikristo mula sa Islam? Maaari bang ang magiging antikristo ay isang Muslim?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries