settings icon
share icon
Tanong

Ano ang antinomianism (laban sa kautusan)?

Sagot


Ang salitang antinomianism ay nagmula sa salitang Grieyego na ‘anti’ na nangangahulugan na ‘laban’ at ‘nomos’ na nangangahulugan na ‘Kautusan.’ Kaya ang ibig sabihin ng Antinomianism ay ‘laban sa Kautusan.’ Sa Teolohiya, ang antinomianism ay ang paniniwala na wala ng kautusang moral na inaasahan ang Diyos para sa mga Kristiyano na kanilang susundin. Ang Antinomianism ay ang pag-unawa sa isang Biblikal na katuruan na inilalapat sa isang hindi Biblikal na aplikasyon. Itinuturo ng Bibliya na hindi ang pagsunod sa Kautusan sa Lumang Tipan ang makapagliligtas sa tao. Ng mamatay si Kristo sa krus, ginanap Niya ang mga Kautusan sa Lumang Tipan (Roma 10:4; Galacia 3:23-25; Efeso 2:15). Ang konklusyon na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ay wala ng moral na kautusan na inaasahan ang Diyos na kailangang sundin ang mga Kristiyano.

Tinalakay ni Apostol Pablo ang isyu ng antinomianism sa Roma 6:1-2, “Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? Hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan kaya't hindi na tayo dapat mamuhay sa pagkakasala?” Ang madalas na ginagawang pag-atake sa doktrina ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng biyaya ay hinihimok nito diumano na magkasala ang mga Kristiyano. Iniisip ng mga tao, “kung naligtas ako sa biyaya at napatawad na ang lahat ng aking mga kasalanan, bakit hindi na lang ako magkasala hangga’t gusto ko?” Ang ganitong pagiisip ay hindi bunga ng tunay na pagiging mananampalataya dahil ang bunga ng kaligtasan sa buhay ng isang tao ay ang malalim na pagnanais na sumunod sa Diyos. Nais ng Diyos – at nais natin - matapos tayong buhayin ng Kanyang Espiritu na magsumikap na huwag ng magkasala. Dahil sa pagpapasalamat sa kanyang biyaya at sa Kanyang kapatawaran, nais nating magbigay lugod sa Diyos. Binigyan tayo ng Diyos ng walang kapantay na kaloob, ang kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo, (Juan 3:16; Roma 5:8). Ang ating tugon ay ang pagpapaging banal sa ating pang araw-araw na buhay dahil sa pag-ibig, pagsamba at pasasalamat sa Kanyang ginawa para sa atin (Roma 12:1-2). Hindi naaayon sa Bibliya ang Antinomianism o paglaban sa Kautusan dahil inilalapat nito sa maling paraan ang biyaya ng Diyos.

Ang pangalawang dahilan kung bakit hindi naaayon sa Bibliya ang antinomianism ay dahilan sa inaasahan sa atin ng Diyos ang pagsunod sa Kanyang mga moral na Kautusan. Sinasabi sa 1 Juan 5:3, “sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos.” Ano ang kautusan na inaaasahan sa atin ng Diyos na ating dapat sundin? Ito ang utos ni Kristo, “Sumagot si Jesus, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang turo ng mga propeta" (Mateo 22:37-40). Hindi. Wala na tayo sa ilalim ng Kautusan ng Lumang Tipan. Oo, nasa ilalim tayo ng Kautusan ni Kristo. Ang kautusan ni Kristo ay hindi isang mahabang listahan ng mga legal na batas na dapat sundin. Ito ay Kautusan ng pag-ibig. Kung iniibig natin ang Diyos ng ating buong puso, kaluluwa, isip at lakas, hindi tayo gagawa ng anumang bagay na makakasakit ng Kanyang kalooban. Kung iniibig natin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili, hindi tayo gagawa ng anumang bagay na makakasakit sa kanila. Ang pagsunod sa Kautusan ni Kristo ay hindi isang pangangailangan upang magtamo o mapanatili ang kaligtasan. Ang pagsunod sa Kautusan ni Kristo ang inaasahan ng Diyos para sa isang tunay na Kristiyano.

Sumasalungat ang Antinomianism sa lahat na itinuturo ng Bibliya. Inaasahan ng Diyos na mamumuhay tayo ng isang buhay na moral, may integridad at puno ng pag-ibig. Pinalaya tayo ni Hesus sa nakakapagod na Kautusan ng Lumang Tipan, ngunit hindi ito lisensya upang magkasala. Ito ang tipan ng biyaya kaya’t nararapat tayong magsikap na paglabanan ang mga kasalanan at pagyamanin ang katwiran habang nagtitiwala sa tulong ng Banal na Espiritu. Ang katotohanan na pinalaya tayo sa lahat na hinihingi ng Lumang Tipan ay dapat na magbunga sa pagsunod sa Kautusan ni Kristo. Idineklara sa 1 Juan 2:3-6, “Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, "Nakikilala ko siya," ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig sa kanya nang wagas. Ganito natin nalalamang tayo'y nasa kanya. Ang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pagkapamuhay ni Jesu-Cristo.”



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang antinomianism (laban sa kautusan)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries