Tanong
Ano ang anyo ni Hesus?
Sagot
Hindi nagbigay ang Bibliya ng sapat na paglalarawan sa pisikal na anyo ni Hesus. Ang pinakamalapit na paglalarawan tungkol sa Kanyang anyo ay matatagpuan sa Isaias 53:2, “Sapagka't siya'y tumubo sa harap niya na gaya ng sariwang pananim, at gaya ng ugat sa tuyong lupa: walang anyo o kagandahan man; at pagka ating minamasdan siya ay walang kagandahan na mananais tayo sa kaniya.” Sinasabi sa talatang ito na ang anyo ni Hesus ay gaya lamang ng anyo ng isang pangkaraniwang lalaki. Hinuhulaan dito ni Propeta Isaias ang tungkol sa pagdating ng isang alipin na itataas ng Diyos mula sa kanyang mababang kalagayan, na walang anumang taglay na simbolo ng pagkakaroon ng dugong maharlika at dahil dito ang kanyang tunay na pagkakakilanlan ay makikita lamang sa mata ng pananampalataya.
Patuloy na inilarawan ni Isaias ang anyo ni Hesus sa talata na gaya sa isang binugbog bago ipako sa krus, “Marami ang nagitla nang siya'y makita, dahil sa pagkabugbog sa kanya'y halos di makilala kung siya'y tao” (Isaias 52:14). Inilalarawan ng mga pananalitang ito ang hindi makataong kalupitan na Kanyang naranasan hanggang sa sukat na hindi na siya mamukhaan (Mateo 26:67, 27:30; Juan 19:3). Ang Kanyang anyo ay hindi na mailarawan kaya't tumingin ang mga tao sa Kanya ng buong pagkagitla.
Karamihan ng mga larawan ni Hesus na mayroon tayo ngayon ay malayo sa tunay na anyo ng tunay na Hesus. Si Hesus ay isang Hudyo, kaya't malamang na Siya ay maitim ang balat, maitim ang mata at maitim ang buhok. Ang anyong ito ay napakalayo sa mga modernong larawan ng Hesus na may blondeng buhok, asul na mata at maputing balat. Isang bagay ang napakalinaw: kung mahalaga para sa ating kaligtasan na malaman kung ano ang tunay na anyo ni Hesus, tiyak na bibigyan tayo ng malinaw na paglalarawan ng Kanyang anyo nina Mateo, Pedro, Juan at iba pang alagad na naggugol ng tatlong taon na kasama Niya. Tiyak na gagawin din ito ng kanyang mga kapatid na sina Santiago at Judas kung talagang kinakailangan. Ngunit hindi nagbigay sa atin ng anumang detalye ng pisikal na kaanyuan ng Panginoong Hesus ang mga manunulat na ito ng mga aklat ng Bagong Tipan.
English
Ano ang anyo ni Hesus?