settings icon
share icon
Tanong

Ang mga aparisyon ba ni Maria gaya ng Our Lady of Fatima, ay mga tunay na mensahe mula sa Diyos?

Sagot


Sa tradisyon ng simbahang Romano Katoliko, maraming mga napapaulat na pagpapakita at pagbibigay ng mensahe ni Maria, ng mga anghel, at ng mga santo. Sa ilan sa mga pagpapakitang ito, maaaring ang nakikita ng mga tao ay totoong mga supernatural na pangyayari. Habang ang iba sa mga pagpapakita sa iba't ibang lugar ay maaaring gawa ng mga espiritista o manggagaway, ang iba ay masasabing totoo. Ngunit, kahit pa totoo ang mga aparisyon na nakita ng mga tao, hindi iyon nangangahulugan na ang mga mensahe sa mga aparisyon ay totoong galing sa Diyos o kaya ay totoong si Maria o isang santo ang nagpakita. Sinabi ng Kasulatan na si Satanas at ang kanyang mga anghel ay nagpapanggap bilang mga anghel ng kaliwanagan (2 Corinto 11:14-15). Ang pandaraya ni Satanas ang posibleng paliwanag sa likod ng mga aparisyon.

Ang tanging paraan upang malaman kung ang isang aparisyon ay isang pandaraya ni Satanas o tunay na mensahe mula sa Diyos ay ang ikumpara ang mga mensahe ng aparisyon sa itinuturo ng Banal na Kasulatan, ang Bibliya. Kung ang mga katuruan kaugnay sa mga aparisyong ito ay salungat sa itinuturo ng Salita ng Diyos, ang mga aparisyong ito ay nagmula kay Satanas. Ang pagaaral sa mga katuruan ng Our Lady of Fatima at ang kanyang "Himala ng Araw" ay isang magandang halimbawa.

Ang webpage na naglalaman ng mga detalyadong paglalarawan ng "Himala ng Araw" ay matatagpuan sa www.religion-cults.com. Ayon sa webpage, may isang hindi pangkaraniwang kaganapan ang nangyari noong Oktubre 13, 1917; kung saan isang "bagay" ang nagpakita at nagpahayag ng mensahe sa isang grupo ng mga batang pastol sa Fatima, Portugal. Ang katotohanan na ang pagpapakita ay ayon sa sinabi sa mga batang pastol tatlong buwan bago iyon maganap ay kaugnay ng iba pang mga pagpapakita na kanilang nasaksihan ilang buwan bago ang mismong pagpapakita, una muna ay ng isang anghel at pagkatapos ay ng tinatawag na "our Lady of Fatima."

Kung ikukumpara ang mensahe ng Lady of Fatima sa itinuturo ng Bibliya, makikita na pinaghalo ang mensahe ng Lady of Fatima tungkol sa mga ilang mga katuruan at gawain na hindi ayon sa itinuturo ng Bibliya sa ilang mga totoong katuruan ng Bibliya. Ang sumusunod na saknong ay nagmula mismo sa website na inihandog sa "lady of Fatima" na www.fatima.org. Ang mga ito ay mahahabang sipi at aming ibibigay ang mga partikular na dahilan kung bakit ang mga aparisyong ito ay matatawag na "himala ng kasinungalingan." Narito ang sipi ng pangkalahatang mensahe na ibinigay ng "Our Lady of Fatima."

Ang Mensahe sa Kabuuan

"Hindi kumplikado ang kabuuang mensahe ng Fatima, at ang kahilingan nito para sa panalangin, pagtutuwid ng kasalanan, pagsisisi at pagsasakripisyo at ang pagtalikod sa kasalanan. Bago magpakita ang Fatima sa tatlong batang pastol na sina Lucy, Francisco at Jacinta, isang Anghel ng Kapayapaan ang bumisita sa kanila. Inihanda ng anghel ang mga bata upang tanggapin ang mensahe ng Banal na Birheng Maria at ang tagubilin ng anghel ay isang mahalagang aspeto ng Mensahe na karaniwang hindi napapansin."

"Ipinakita ng anghel sa mga bata kung paano tayo dapat na manalangin sa isang maalab, masigasig, at matiwasay na pamamaraan at kung paano tayo dapat magpakita ng paggalang sa Diyos sa ating mga panalangin. Ipinaliwanag din niya sa kanila ang malaking kahalagahan ng panalangin at ang pagsasakripisyo para sa pagtutuwid sa mga nagawang kasalanan laban sa Diyos. Sinabi sa kanila ng anghel: 'Gawin ninyo ang lahat ng sakripisyo na inyong makakaya at ihandog iyon sa Diyos bilang pagtutuwid sa lahat ng mga kasalanan na inyong nagawa para sa inyong pagdaing sa pagpapanumbalik sa mga makasalanan." Sa kanyang pangatlo at huling pagpapakita sa mga bata, pinagkumunyon ng mga anghel ang mga bata at ipinakita ang tamang pagtanggap sa Panginoon sa pamamagitan ng banal na Kumunyon: ang tatlong bata ay lumuhod sa pagtanggap sa kumunyon: sinubuan ng anghel si Lucy ng tinapay sa kanyang dila at ipinainom ang isang kalis ng dugo kina Francisco at Jacinta."

"Binigyang diin ng "Our Lady of Fatima ang kahalagahan ng pagdarasal ng Rosaryo sa kanyang bawat aparisyon at hiniling sa mga bata na manalangin ng rosaryo araw-araw para sa kapayapaan. Ang isa pang mahalagang mensahe ng Our Lady of Fatima ay ang pagiging deboto sa "Banal na puso ni Maria" (Immaculate Heart of Mary) na lubhang nagagalit at nasasaktan dahil sa kasalanan ng sangkatauhan at dapat natin siyang aliwin ng may pag-ibig sa pamamagitan ng pagtutuwid sa ating mga kasalanan. Ipinakita niya sa mga bata ang kanyang puso na napapaligiran ng mga tinik na nakatusok doon (na sumisimbolo sa mga kasalanan laban sa kanyang banal na puso). Naunawaan ng tatlong bata na ang kanilang mga sakripisyo ay makatutulong upang aliwin si Maria.

"Nakita din ng mga bata na lubhang nasaktan ang Diyos sa kasalanan ng sangkatauhan at ninanais Niya ang bawat isa sa atin at ang buong sanlibutan na talikuran ang kasalanan at ituwid ang mga nagawang pagkakamali sa pamamagitan ng panalangin at pagsasakripisyo. Malungkot na nagmakaawa ang "Our Lady of Fatima," "Huwag na ninyong sasaktan ang Panginoon, sapagkat lubha na Siyang nasaktan!"

"Sinabihan din ang mga bata na manalangin at ihandog ang kanilang sarili sa mga makasalanan upang iligtas sila sa impiyerno. Ipinakita din sa mga bata sa loob ng maiksing panahon ang pangitain ng impiyerno at pagkatapos sinabi sa kanila ng Our Lady of Fatima: "Nakita ninyo ang impiyerno kung saan pumupunta ang kaluluwa ng mga makasalanan. Upang iligtas sila, nais ng Diyos na itatag sa buong mundo ang debosyon sa Puso ng Birheng Maria. Kung magagawa ang sinabi ko sa inyo, maraming kaluluwa ang maliligtas at magkakaroon ng kapayapaan."

"Ipinahiwatig sa atin ng "Our Lady of Fatima" ang partikular na ugat ng lahat ng problema sa mundo, ang dahilan ng digmaan at mga matitinding pagdurusa: ang kasalanan. Pagkatapos nagbigay siya ng solusyon, una sa indibidwal, at pagkataps, sa mga naimimnuno sa simbahan. Hinihingi ng Diyos sa bawat isa na tumilgil sa pagbibigay sa Kanya ng sama ng loob. Dapat tayong m,alangin, lalo na ang magrosaryo. Sa pamamagitan ng palagiang pagrorosaryo, makakamit natin ang biyayang ating kinakailangan upang mapaglabanan ang kasalanan. Nais ng Diyos na maging deboto tgayo ng "Banal na Puso ni Maria" at gumawa upang ipakalat ang debosyong ito sa buong mundo. Sinabi ng "Our Lady," Ang aking banal na puso ang inyong magiging kanlungan at ang daan upang makarating kayo sa Diyos." Kung nais nating makarating sa Diyos, mayroon tayong tiyak na daan patungo sa Kanya sa pamamagitan ng tunay na debosyon sa "Banal na puso ng Kanyang Ina."

"Upang makalapit tayo sa kanya at sa kanyang Anak, binigyang diin ng Our Lady ang kahalagahan ng pananalangin ng kahit tatlong dekada ng rosaryo araw araw. Inuutusan niya tayo na magsuot ng kulay kapeng scapular at dapat tayong maghandog, lalo na ang maghandog sa pamamagitan ng paggawa ng ating gawain sa araw araw, sa pagtutuwid ng ating mga kasalnan na nagagawa laban sa ating Panginoon at kay Maria. Binigyang diin niya ang pangangailangan ng panalangin at paghahandog upang mailigtas ang mga kawawang makasalanan sa apoy ng impiyerno. Ito ang buod ng mensahe ng Our LAdy of Fatima sa bawat tao."

Sa parehong website, nakatala ang panayam sa pagitan ni Lucy (ang sampung taong gulang na batang pastol na isa sa tatlong bata na nakakita sa aparisyon noong 1917) at ng isang pari na nagngangalang Fuentes. Naganap ang panayam noong 1957. Sa panayam na ito na nakasentro sa mensahe ng Patima, sinabi ni Lucy ang mga sumusunod:

"Father, sa panahong ito, nakikipaglaban ang diyablo sa Pinagpalang Ina, at alam ng Diyablo kung ano ang nakakasakit sa kalooban ng Diyos, at kung aling kasalanan ang sa loob ng maiksing panahon ay magdadala ng napakaraming tao sa impiyerno. Kaya ginagawa ng Diyablo ang lahat ng Kanyang makakaya upang pigilan ang mga kaluluwa na makapagtalaga ng sarili sa Diyos dahil sa ganitong paraan, magtatagumpay ang diyablo at iiwanan ng mga lider ng simbahan ang mga kaluluwa at sa gayon ay madali niyang mabibihag ang mga ito.

"Father, hindi sinabi sa akin ng Banal na Birhen na tayo ay nasa huling bahagi na ng mga huling panahon, ngunit ipinaunawa niya sa akin iyon sa tatlong kadahilanan. Ang unang dahilan ay dahil sinabi niya sa akin na ang Diyablo ay nakikipaghamok laban sa mahal na birhen. At sa huling labanan isa ang magtatagumpay at isa ang matatalo. Kaya mula ngayon, kailangang mamili tayo ng kakampihan. Maaari nating piliin ang kumampi sa Diyos o kumampi sa diyablo; walang ibang pagpipilian."

"Ang ikalawang dahilan ay dahil sinabi niya sa aking mga pinsan at sa akin rin naman na binibigyan ng Diyos ang mundo ng dalawang lunas. Una ay ang Banal na Rosayo at ikalawa ang debosyon sa "Banal na puso ni Maria. Ito ang huling dalawang lunas at wala ng iba pa.

"Ang pangatlong dahilan ay dahil makikita sa Kanyang plano ng probidensya, na ang Diyos ay laging nagbibigay ng huling lunas bago Niya parusahan ang mundo. Sa tuwing nakikita Niya na hindi Siya binibigyan ng pansin ng mundo, gaya ng nangyayari ngayon, inaalok Niya tayo ng tiyak na pagkatakot na huling kasangkapan ng kaligtasan. Ang huling pagkatakot na ito ang magsisilbing huling kasangkapan sa kaligtasan at wala na tayong pagasa sa kapatawaran ng langit dahil nakagawa tayo ng kasalanan na tinatawag ng Bibliya na pamumusong sa Banal na Espiritu. Ang kasalanang ito ay ang tahasang pagtanggi ng may buong kaalaman at pagsang-ayon sa kaligtasan na Kanyang iniaalok sa atin. Ating tandaan na si Hesu Krusto ay isang mabuting anak at hindi Niya papayagan na masaktan at mapahiya ang Kanyang Mahal na Ina. Naitala sa maraming siglo ng iglesya ang mga patotoo na nagpapakita ng matinding pagpaparusa sa mga lumalaban sa karangalan ng Banal na Ina at kung paanong ipinagtanggol ni Hesus sa tuwina ang karangalan ng Kanyang Ina."

"Ang dalawang kasangkapan para sa pagliligtas sa sangkatauhan ay ang pagrorosaryo at pagsasakripisyo, [patungkol sa rosaryo, sinabi ni Lucy:] Tingnan mo Father, sa huling panahong ito, binigyan tayo ng Banal na Birhen ng kasapatan sa pamamagitan ng pagrorosaryo na sukdulang ang lahat ng problema, gaano man kahirap, maging sa temporal o espiritwal, sa ating mga personal na buhay, sa ating pamilya, sa mundo o sa mga komunidad na pangrelihiyon o maging sa buhay ng mga tao at bansa, na hindi kayang lutasin ng pagrorosaryo. Walang suliranin, sinasabi ko sa iyo, gaano man iyon kahirap na hindi natin kayang lutasin sa pamamagitan ng pagrorosaryo. Sa pamamagitan ng pagrorosaryo, pinapaging banal natin ang ating sarili. Bibigyan natin ng kaluguran ang Panginoon sa ikapagtatamo ng kaligtasan ng maraming kaluluwa. "Sa huli, ang debosyon sa "Banal na Puso ni Maria", ang ating Banal na Ina, sa pagturing sa kanya bilang lukulukan ng awa, ng kabutihan at ng kapatawaran, ang siyang tunay na daan sa pagpasok sa kalangitan."

Sa mga pangungusap sa itaas patungkol sa mensahe na nais ipahatid ng aparisyon sa buong mundo ayon sa palagay ni Lucy, napakaraming mga bagay na hindi lamang natin hindi makikita sa Bibliya kundi tahasang sumasalungat sa katuruan ng Bibliya.

1) Tinukoy si Maria bilang "Banal na Ina" na may "Banal na puso." Hindi nangangahulugan ang mga pagtukoy na ito na pinagkalooban lamang si Maria ng katuwiran at kabanalan na kagaya ng ibinigay sa mga santo sa pamamagitan ng katuwiran ni Kristo (2 Corinto 5:17-21), sa halip, naligtas si Maria mula sa lahat ng uri ng kasalanan sa pamamagitan ng paglilihi sa kanya ng kanyang ina na walang anumang bahid dungis ng minanang kasalanan. Hindi kailanman tinukoy sa Bibliya na nagtataglay si Maria ng Banal na puso. Sa halip tinukoy niya ang kanyang sarili na nangangailangan ng pagliligtas ng Diyos (Lukas 1:47). Ipinapantay ng Bibliya si Maria sa lahat ng tao, bilang isang makasalanan na nangangailangan ng Tagapagligtas. Ngunit pinaniniwalaan ng mga Romano Katoliko na naligtas si Maria mula sa kasalanan sa pamamagitan ng merito ni Kristo bilang isang tao na ipinaglihi na walang kasalanan at pagkatapos ay namuhay ng hindi nagkasala ni minsan. Muli, hindi ito kailanman itinuturo sa Bibliya. Sa halip, itinuturo ng Kasulatan na may iisa lamang tao na hindi nagkasala (Roma 3:10, 3:23, atbp.) Ang kaisa isang taong iyon at walang iba kundi ang Panginoong Hesu Kristo (2 Corinto 5:21; 1 Pedro 2:22; 1 Juan 3:5).

2) Sinasabi ni Lucy na ang debosyon sa "banal na puso ni Maria" at ang pagrorosaryo ang "dalawang huling lunas sa mundo." Sinabi din niya na walang kahit anong problema ang hindi kayang lutasin ng pagrorosaryo. Itinuturo ng "Fatima" na ang pagrorosaryo ang magdadala sa maraming kaluluwa sa kaligtasan. Muli, hindi makikita ang katuruang ito saanman sa Kasulatan. Ang pangunhaing panalangin sa Rosaryo ay "Aba ginoong Maria" na inuulit-ulit ng 50 beses. Ang unang bahagai ng Aba Ginoong Maria ay sinipi mula sa Bibliya ng batiin ng Anghel Gabriel si Maria kung saan sinabi ni Anghel Gabriel,"Magbunyi ka Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoon ay sumasaiyo, pinagpala ka sa babaeng lahat at pinagpala din naman ang nasa iyong sinapupunan" ngunit sinasabi sa ikalawang bahagi, "Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan, ngayon at kung kami"y mamamatay." Bukod sa pagbibigay kay Maria ng titulo na hindi ipinagkaloob sa kanya sa Kasulatan, humihingi pa sila ng panalangin kay Maria. Tunay na hindi lamang itinuturing si Maria ng mga Romano Katoliko bilang isang daluyan ng lahat ng biyaya ng Diyos, at isa na namamagitan sa Diyos Anak para sa kanila, kundi nananalangin din sila Kay Maria para sa kanilang kaligtasan mula sa kanilang mga kasalanan, o kaligtasan mula sa panganib at iba pa. Isang halimbawa ang panalangin ni Papa Juan Pablo II noong mga 1980"s. Sa kanyang panalangin. Paulit ulit siyang nagmakaawa kay Maria na "iligtas" ang sangkatauhan mula sa digmaang nukleyar, kagutuman, kawalang katarungan at iba pa.

Muli, wala tayong makikita na isang makadiyos na tao sa Bibliya na nanalangin sa kapwa tao kundi sa Diyos lamang o humingi ng tulong sa panalangin sa sinumang namatay maliban sa mga taong nabubuhay pa sa mundo. Ang pananalangin sa taong patay na ay hindi matatagpuan sa Bibliya. Sa halip, itinuturo sa Bibliya na dapat tayong manalangin sa Diyos lamang at wala ng iba (Lukas 11:1-2; Mateo 6:6-9; Filipos 4:6; Gawa 8:22; Lukas 10:2, etc.)! Ipinamamanhik sa atin na lumapit tayo ng may lakas ng loob sa trono ng biyaya upang makatagpo tayo ng biyaya at tulong sa panahon ng pangangailangan (Hebreo 4:14-16). Ipinangako sa atin ng Diyos na ang Banal na Espiritu ang mamamagitan para sa atin ayon sa kalooban ng Diyos ng may pagsamo na hindi kayang ilarawan ng salita (Roma 8:26). Bakit tayo dadaan sa sinumang santo, anghel o kay Maria, gayong hindi naman ito kailanman itinuro sa Kasulatan? Mayroon lamang paulit ulit na halimbawa sa kasulatan tungkol sa pananalangin:

a) Ang panalangin ay sa Diyos lamang dapat iukol (1 Corinto 11:5; Roma 10:1, 15:30; Gawa 12:5; Gawa 10:2; Gawa 8:24; Gawa 1:24; Zacarias 8:21-22; Jonas 2:7; 4:2, etc.)

b) Ang mga kahilingan sa panalangin ay dapat na ipanalangin ng mga nabubuhay hindi ng mga patay (1 Tesalonica 5:25; 2 Tesalonica 3:1; Hebreo 13:18, etc.)

Sa karagdagan, hindi itinuro saanman sa buong Bibliya na nakikita ni Maria ang lahat ng bagay, naririnig ang lahat ng tao at nalalaman ang lahat ng bagay at dahil dito ay kaya niyang marinig at tumugon sa maraming mga Romano Katoliko sa buong mundo na sabay sabay na nananalangin sa kanya. Sa halip, itinuturo ng Kasulatan na ang mga anghel at mga espiritu ng mga namatay ay mga limitadong nilalang at may kakayanan lamang na makapunta sa isang lugar sa isang panahon (Daniel 9:20-23; Lukas 16:19f).

3) Ang isa sa inuulit ulit na mensahe ng Fatima ay ang tawag sa "pagtutuwid" sa kasalanan o "penitensya". Ang konseptong ito ng simbahang Katoliko Romano ay nagtuturo na dapat tayong gumawa ng mabubuting bagay bilang kapalit ng ating mga nagawang kasalanan laban sa Diyos at kay Maria. Ayon sa pangkalahatang mensahe ng mga anghel sa mga batang pastol, kailangan nilang "gawin ang lahat ng sakripisyo na inyong makakaya at ihandog iyon sa Diyos bilang pagtutuwid sa lahat ng mga kasalanan na inyong nagawa para sa inyong pagdaing sa pagpapanumbalik sa mga makasalanan." Ang turong ito ay katumbas ng pagbabayad para sa kasalanang nagawa. Nakatali ito sa katuruan ng Simbahang Katoliko ng pansamantalang pagpaparusa sa mga kaluluwa ng namatay sa purgatoryo. Hindi binanggit kailanman sa Bibliya ang tungkol sa pagbabayad sa kasalanan o pagpipinetensya upang bayaran ang ating kasalanan. Sa halip, itinuturo ng Bibliya na dapat nating ialay ang ating buhay bilang haing buhay, banal at kalugod lugod sa Kanya bilang tugon at pasasalamat sa Kanyang kahabagan para sa ating Kaligtasan (Roma 12:1-2). Nang maging Kristiyano ang isang tao, pinatawad na ang kanyang mga kasalanan. Wala ng kailangang bayaran pa at hindi na kailangang magpenitensya pa para sa kasalanan.

4) Ang isang susing aspeto ng "Our Lady of Fatima" ay ang pagluhod at pagpupugay sa imahen ng aparisyon. Sa buong Bibliya, makikita na sa tuwing ang isang tao ay luluhod o magpupugay sa kanyang kapwa tao o maging sa anghel, ang taong iyon ay sinabihan na tumayo at huwag gawin ang bagay na iyon. Tinatanggap lamang ang pagluhod o paggpupugay kung ginawa ito sa harap ng tinatawag na "Anghel ng Panginoon" sa Lumang Tipan na (pinaniniwalaang pagpapakita ni Kristo bago Siya magkatawang tao) o ang pagluhod kay Hesus at sa Diyos Ama. Gumagawa ang mga Romano Katoliko ng pagkakaiba sa pagitan ng "Pagsamba" sa Diyos at sa "pagpupugay" kay Maria at sa mga santo, ngunit ng lumuhod si apostol Juan sa isang anghel sa Aklat ng Pahayag, hindi sa kanya sinabi ng anghel, "sinasamba mo ba ako o nagpupugay ka sa akin?" Simpleng sinabi sa kanya ng anghel, "Tumayo ka. Ang Diyos lamang ang sambahin mo" (Pahayag 19:10). Gayundin naman, ng luhuran ni Cornelio si Pedro, (prokuneo - Ang salitang Griyego na ginagamit ng mga Katoliko sa "pagpupugay" laban sa "pagsamba" na ang Diyos lamang ang karapatdapat tumanggap), sinabi ni Pedro, "Tumayo ka, ako'y tao ring katulad mo." Mapapansin na ito rin ang salitang ginamit ng Anghel sa kay Juan sa Aklat ng Pahayag. Kaya, ang paulit ulit na halimbawa ng pagluhod sa isang tao o anghel ay laging may kalakip na pagsaway na huwag gawin iyon!.

Kaya, ang pananalangin kay Maria ay salungat sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa pananalangin sa Diyos at sa mga halimbawa sa Kasulatan. Hindi makatwiran na palitan ang pananalangin sa mapagmahal, nakakaalam ng lahat ng bagay at makapangyarihang Diyos (Awit 139; Hebreo 4:14-16), ng pananalangin kay Maria o sa sinumang santo gayong walang kahit anong ebidensya sa Kasulatan na maaari nilang marinig ang mga panalangin. Ang manalangin kay Maria at sa mga santo ng sabay sabay sa buong mundo ay pagbibigay sa kanila ng katangian ng Diyos gaya ng pagiging maalam sa lahat, sumasalahat ng dako at makapangyarihan sa lahat. Tunay na ang ganitong gawain ay pagsamba sa mga diyus diyusan.

5) Sa huli, tungkol sa "Himala ng Araw", paulit ulit na nangyari ang mga kasinugalingan ni Satanas sa Kasulatan (Exodo 7:22; 8:7; 8:18; Mateo 24:24; Mark 13:22; Pahayag 13:13-14). Sinabi ng Diyos sa Deuteronomio 13:1 na kung ang isang tao ay manghula at matupad iyon o gumawa ng isang mahimalang tanda ngunit itinuturo niya ang pagsamba sa mga diyus diyusan, hindi dapat pakinggan o paniwalaan ang taong iyon, sa halip, dapat siyang ituring na isang bulaang propeta.

Para sa isang Kristiyano, ang "laman ng pananampalataya" ay dapat na naaayon sa itinuturo ng Bibliya (Isaias 8:20; 2 Timoteo 3:16). At habang ikinakatwiran ng mga Romano Katoliko na hindi itinuturo ng "Lady of Fatima" ang pagsamba sa mga diyus diyusan kundi ang pagsamba sa tunay na Diyos, ang ideya ng pagpupugay kay Maria na sukdulang ang debosyon sa kanyang "Banal na Puso" ay halos kapantay na ng debosyon kay Hesus ay hindi mapapabulaanan na pagtataas sa isang babae sa isang posisiyon na hindi sa kanya ibinigay ng Kasulatan. Ang parangalan siya na gaya ng pagpaparangal kay Hesus ay ang pagturing sa kanya na kapantay ng Diyos. Gayundin naman, ang pag-ukulan ng panahon si Maria na sukdulang mas maraming panahon ang nauubos sa pananalangin sa kanya sa halip na sa Diyos ay isang pagsamba rin sa diyus diyusan lalo na sa liwanag ng mga direktang utos sa Kasulatan na tanging sa Diyos lamang dapat manalangin at ang hindi pagtuturo ng Bibliya tungkol sa pagtataas kay Maria o pananalangin sa kanya.

Ang "Himala ba ng Araw" ay isang kasinungalingan? Ayon sa katuruan ng Bibliya, ito nga ay isang kasinungalingan. Madali para kay Satanas ihalo ang kaunting katotohanan upang gawin ang isang katuruan na mukhang tama ngunit may sapat na kamalian upang masumpa ang kaluluwa ng taong maniniwala doon sa impiyerno. Saan binanggit ang kaligtasan sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya sa buong mensahe ng Fatima? Saan binanggit sa mensahe ng Fatima ang tungkol sa natapos na gawain ng pagliligtas ni Hesus sa bundok ng Kalbaryo at ang ating mga mabubuting gawa ay walang saysay kung hiwalay tayo sa Kanya? (Efeso 2:8-9)? Ang pagbabayad sa kasalanan at ang pagsassakripisyo para sa pagtutuwid sa mga kasalanan ay sumasalungat sa natapos na gawain ni Kristo sa kalbaryo at sa pangangailangan natin ng kaligtasan sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Ang pagtawag kay Maria at sa kanyang "banal na puso" at ang pagrorosaryo bilang huling kasangkapan sa kaligtasan ng mga kaluluwa ay direktang paglaban sa itinuturo ng Bibliya sa Gawa 4:12 at 1 Timoteo 2:5. "Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila." (Isaias 8:20).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang mga aparisyon ba ni Maria gaya ng Our Lady of Fatima, ay mga tunay na mensahe mula sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries