settings icon
share icon
Tanong

Bakit tayo binigyan ng Diyos ng apat na Ebanghelyo?

Sagot


Narito ang ilang mga dahilan kung bakit tayo binigyan ng Diyos ng apat na Ebanghelyo:

1) Upang magbigay ng kumpletong paglalarawan kay Hesu Kristo. Habang ang buong Bibliya ay kinasihan ng Diyos (2 Timoteo 3:16), ginamit Niya ang mga tao na may iba't ibang pinanggalingan at personalidad upang ganapin ang Kanyang layunin sa pamamagitan ng kanilang panulat. Ang bawat isang manunulat ay may partikular na layunin sa kanilang Ebanghelyo at sa pag abot sa mga layuning iyon, binigyang diin ng bawat isa ang iba't ibang aspeto ng persona at ministeryo ni Hesu Kristo.

Sumulat si Mateo para sa mga Hebreo at isa sa kanyang mga layunin ay ipakita ang lahing pinanggalingan ni Hesus at ipakita na Siya ang katuparan ng mga hula sa Lumang Tipan, na Siya ang malaon na nilang hinihintay na Mesiyas o Tagapagligtas at dapat silang maniwala sa Kanya. Binibigyang diin ni Mateo na si Hesus ang ipinangakong Hari, ang “Anak ni David,” na uupo sa trono ng Israel magpakailanman (Mateo 9:27; 21:9).

Si Markos na pinsan ni Barnabas (Colosas 4:10), ay isa sa mga nakasaksi sa kanyang sariling mga mata sa mga pangyayari sa buhay ni Kristo, gayundin bilang kaibigan ni Apostol Pedro. Sumulat si Markos para sa mga Hentil na makikita sa hindi niya pagbanggit sa mga bagay na mahalaga para sa mga mambabasang Hudyo (katulad ng talaan ng mga angkan, mga kontobersya sa pagitan ni Hesus at ng mga lider ng Hudyo, mga pagbanggit sa Lumang Tipan, at iba pa). Binigyang diin ni Markos na si Kristo bilang isang nagdurusang alipin, at dumating Siya hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang Kanyang buhay bilang pantubos sa marami (Markos 10:45).

Si Lukas, ang “minamahal na manggagamot” (Colosas 4:14), na isa ring ebanghelista at kasa-kasama ni Apostol Pablo ang sumulat sa Ebanghelyo ni Lukas at sa Aklat ng mga Gawa. Si Lukas ang tanging Hentil na may akda sa Bagong tipan. Malaon na siyang tinatanggap bilang isang mahusay na tagapagtala ng kasaysayan ng mga taong ginamit ang kanyang mga sulat sa pag aaral ng talaan ng mga angkan at kasaysayan. Bilang isang manunulat ng kasaysayan, sinabi niya na ang kanyang intensyon sa pagsulat ng kanyang Ebanghelyo ay upang sumulat ng isang maayos na tala ng buhay ni Kristo ayon sa mga salaysay ng mga saksi (Lukas 1:1-4). Dahil sumulat siya partikular kay Teofilo, na isang Hentil na may mataas na katungkulan, mapapansin na ang kanyang Ebanghelyo ay idinisenyo para sa mga Hentil at ang kanyang intensyon ay upang ipakita na ang pananampalatayang Kristiyano ay batay sa mga mapagkakatiwalaan, at mga mapapatunayang tunay na pangyayari sa kasaysayan. Laging tinutukoy ni Lukas si Hesus bilang “Anak ng Tao,” at binibigyang diin ang Kanyang pagiging tao. Marami siyang binanggit na mga detalye sa buhay ni Hesus na hindi matatagpuan sa ibang Ebanghelyo.

Ang Ebanghelyo ni Juan ay kakaiba sa tatlong Ebanghelyo at naglalaman ng mga teolohikal na katuruan tungkol sa persona ni Hesus at sa kahulugan ng pananampalataya. Tinutukoy ang mga Ebanghelyo ni Mateo, Markos at Lukas, na magkakatulad na Ebanghelyo o “Synoptic Gospel” dahil magkakatulad ang kanilang nilalaman at istilo. Hindi nagsimula ang Ebanghelyo ni Juan sa kapanganakan o panglupang ministeryo ni Hesus kundi sa Kanyang ginagawa at mga katangian bilang Diyos bago Siya naging tao (Juan 1:14). Binibigyang diin ng Ebanghelyo ni Juan ang pagka Diyos ni Kristo na makikita sa mga salitang gaya ng “ang Salita ay Diyos” (Juan 1:1), “Tagapagligtas ng sanlibutan (Juan 4:42), “Anak ng Diyos” (ginamit ng paulit-ulit), at “Panginoon at Diyos” (Juan 20:28). Sa Ebanghelyo ni Juan, inangkin din ni Hesus ang Kanyang pagiging Diyos sa pamamagitan ng mga salitang “Ako nga” (ikumpara sa Exodo 3:13-14); ang pinakanatatangi sa lahat ay ang Juan 8:58, kung saan sinabi Niya. “Bago si Abraham ay Ako nga” (ikumpara ang Exodo 3:13-14). Ngunit binigyang din ng diin ni Juan ang pagiging tao ni Hesus sa kanyang pagnanais na salungatin ang maling katuruan ng isang sekta ng relihiyon ng panahong iyon - ang mga gnostiko na hindi naniniwala sa pagiging tao ni Hesus. Ipinahayag ni Apostol Juan ang kanyang pinakalayunin sa pagsulat ng kanyang Ebanghelyo sa Juan 20:30-31, “Marami pang kababalaghang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi natatala sa aklat na ito. Ang mga natala rito'y sinulat upang sumampalataya kayong si Jesus ang Mesias, ang Anak ng Diyos, at sa gayo'y magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan Niya.”

Kaya sa pagkakaroon ng magkakaiba ngunit walang pagkakamaling talambuhay ni Kristo, iba't ibang aspeto ng Kanyang ministeryo at persona ang nahayag. Ang bawat talambuhay ay gaya sa sinulid na magkakaibang kulay na hinabing magkakasama upang makabuo ng isang kumpletong paglalarawan sa isang hindi kayang ilarawan ng lubusan. At habang hindi natin lubusang mauunawaan ang lahat ng bagay tungkol kay Hesu Kristo (Juan 20:30), sa pamamagitan ng apat na Ebanghelyo, makikilala natin Siya ng sapat upang ating kalugdan kung sino Siya at kung ano ang Kanyang ginawa para sa atin at upang tayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya.

2) Upang bigyan tayo ng oportunidad na suriin ang katotohanan ng kanilang mga salaysay. Mula pa noong unang panahon, sinasabi sa Bibliya na ang anumang akusasyon sa hukuman laban sa isang tao ay hindi maaaring tanggapin kung base lamang sa patotoo ng isang tao. Nararapat na ang anumang akusasyon ay base sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi (Deuteronomio 19:15). Ang pagkakaroon ng maraming salaysay tungkol sa persona at ministeryo ni Hesus sa lupa ay nagbibigay sa atin ng oportunidad na tiyakin ang katotohanan ng mga impormasyon tungkol dito.

Si Simon Greenleaf, isang tanyag at kinikilalang awtoridad sa paghahanap ng mga ebidensya sa hukuman ang nagsuri sa apat na Ebanghelyo mula sa legal na pananaw. Natagpuan niya na ang iba't ibang patotoo ng mga saksi na inilatag sa apat na Ebanghelyo ay mga salaysay na sumasang-ayon sa bawat isa ngunit pinili ng manunulat na magbawas at magdagdag ng mga detalye na kakaiba sa bawat isa - at mula sa ordinaryo at mapagkakatiwalaang mga saksi na tinatanggap sa korte bilang matibay na ebidensya. Sinabi niya na kung ang apat na Ebanghelyo ay naglalaman ng parehong impormasyon na may parehong mga detalye mula sa iba't ibang pananaw, ito ay magiging tulad sa isang sabwatan, o katulad sa mga saksi na nag usap-usap muna bago gumawa ng isang kuwento upang gawing makatotohanan ang isang salaysay. Ang mga pagkakaiba sa apat na Ebanghelyo at ang mga “pagkakasalungatan” sa unang pagsusuri, ay nagpapatunay na magkakaiba at hindi nagusap-usap ang mga may akda. Kaya nga ang pagiging malaya ng apat na Ebanghelyo sa pagtalakay sa iisang salaysay ngunit may pagkakaisa sa mga impormasyon kahit na magkakaiba sa pananaw, sa dami ng detalye at pagkakaiba sa pagtatala ng mga pangyayari ay nagpapatunay na ang mga tala na mayroon tayo tungkol sa buhay at ministeryo ni Kristo ay totoo at mapagkakatiwalaan.

3) Upang gantimpalaan ang mga matiyagang naghahanap ng katotohanan. Napakaraming matututunan sa pamamagitan ng indibidwal na pagaaral ng bawat Ebanghelyo. Ngunit, mas marami ang matututunan kung pagkukumparahin ang iba't ibang salaysay sa mga partikular na ministeryo ni Hesus. Halimbawa, sa Mateo 14, makikita ang salaysay tungkol sa pagpapakain sa limang libong katao at ang paglakad ni Hesus sa ibabaw ng tubig. Sa Mateo 14:22 naman ay mababasa natin na “inutusan ni Hesus ang mga alagad na lumulan sa bangka at mauna sa Kanya sa kabilang ibayo, habang pinapaalis Niya ang mga tao.” Maaring may magtanong, bakit Niya ito ginawa? Wala tayong makikitang dahilan sa salaysay ni Mateo. Ngunit kung pagsasamahin natin ang salaysay ni Mateo at salaysay ni Markos sa kabanata 6, makikita natin na ang mga alagad ay kababalik lamang mula sa pagpapalayas ng mga demonyo at pagpapagaling ng mga tao sa pamamagitan ng kapangyarihan na ipinagkaloob Niya sa kanila ng suguin Niya sila ng dala-dalawa. Ngunit bumalik sila na nagyayabang, at nalimutan ang kanilang tunay na katayuan kaya't kailangan silang turuang muli ni Hesus (Mateo 14:15). Kaya sa pag-uutos Niya sa kanila ng gabing iyon na mauna sa kabilang ibayo ng lawa, ipinakikita sa kanila ni Hesus ang dalawang bagay. Habang sila ay nahihirapan sa pagsalunga sa malakas na hangin at malalaking alon sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kanilang sariling lakas hanggang mag-uumaga (Markos 6:48-50), natanto nila na 1) wala silang magagawa sa pamamagitan ng kanilang sariling kakayahan at, 2) Walang bagay na imposible kung tatawag sila sa Kanya at magtitiwala sa Kanyang kapangyarihan. Maraming mga talata sa Bibliya ang naglalaman ng ganitong mga “kayamanan” na matatagpuan sa pamamagitan ng matiyagang pagaaral ng Salita ng Diyos ng mga taong naglalaan ng panahon upang ikumpara ang mga Kasulatan sa Kasulatan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit tayo binigyan ng Diyos ng apat na Ebanghelyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries