Tanong
Ano ang Apat na Marangal na Katotohanan?
Sagot
Ang "Apat na Marangal na Katotohanan" (Four Noble Truths) ang mga pangunahing paniniwala ng Budismo. Ayon sa tradisyon, ang unang sermon ni Buddha pagkatapos niyang maliwanagan ay ang paglalarawan sa mga konseptong ito. Ayon sa Budismo, ang paniniwala sa mga ideyang ito ay kasing halaga ng pagdanas sa mga ito. Kasama ang paniniwala sa muling pagsilang (reincarnation/samsara) at Nirvana, hinuhugis ng Apat na Marangal na Katotohanang ito ang halos lahat na anyo ng Budismo. Ang Apat na konseptong ito sa pinaiksing paglalarawan ay ang mga sumusunod: 1) Ang realidad ng pagdurusa, 2) Ang pagiging panandalian ng mundo, 3) Ang paglaya na nagmumula sa pagwawaksi sa pagnanasa, at 4) Ang pangangailangan sa pagtahak sa walong landas (Eightfold Path).
Ang Unang Marangal na Katotohanan ay kilala rin bilang prinsipyo ng dukkha, na nagaangkin na ang buhay ay pagdurusa. Maaaring nakalilito ang terminolohiyang ito dahil hindi naman itinuturo ng Budismo na hindi kaaya-aya ang lahat ng karanasan. Higit na tuso ang konsepto ng dukkha, na nagpapahiwatig ng mga ideyang gaya ng pagkabalisa, kabiguan o kawalang kasiyahan. Ito ang pinakapuso ng paniniwala ng Budismo, at ang lahat ng iba pang mga paniniwala at gawain ng Budismo ay ayon sa Unang Dakilang katotohanang ito. Naniniwala ang mga Buddhists na ipinapaliwanag ng dukkha kung ano ang mali sa sangkatauhan: ang pagdurusa ay sanhi ng pagkakaroon ng mga maling pagnanasa, partikular ang pagnanasa para sa mga bagay na panandalian lamang. Ang problemang ito ang ipinaliwanag sa Ikalawang Marangal na Katotohanan.
Ang Ikalawang Marangal na Katotohanan ng Budismo ay tinatawag na anicca ("panandalian") o tanha ("paghahangad"), na nagsasaad na walang anumang bagay sa sansinukob ang permenante at hindi nagbabago. Sa katotohanan, maging ang ating sarili ay panandalian lamang at nagbabago. Ito ang paliwanag ng Budismo kung bakit ganito ang sangkatauhan. Dahil ang pagdurusa ay sanhi ng paghahangad ng mga bagay na panandalian, sa huling sandali, ang lahat ng pagnanasa ay nagbubunga sa pagdurusa kahit na pinapamalagi ng positibong pagnanasa ang pagpapatuloy ng pagsilang na muli (reincarnation) at dukkha. Upang mapagtagumpayan ito, dapat na maunawaan ang Ikatlong Marangal na Katotohanan.
Ang Ikatlong Marangal na Katotohanan ay nagsasaad na ang tanging paraan upang lumaya sa patuloy na pagdurusa, kamatayan at muling pagsilang ay ang ganap na pagpipigil sa paghahangad sa mga panandaliang bagay. Itinuturing ng Budismo na ito ang sagot sa tanong na, "Paano natin itatama ang mali sa sangkatauhan?" Sa pagsasanay, ang Ikatlong Marangal na Katotohanan ay pagaalis ng lahat ng pagnanasa, mabuti, masama at nasa gitna. Ang paraan upang makamit ito ay matatagpuan sa Ikaapat na Marangal na Katotohanan.
Ang Ikaapat na Marangal na Katotohanan ay ang pagtahak sa walong landas na nagaalis ng pagnanasa. Dito matatagpuan ang plano ng Budismo sa pagtutuwid sa mga kapintasan ng sangkatauhan. Ang walong landas na ito ay tamang pananaw, tamang motibo, tamang pananalita, tamang paguugali, tamang hanapbuhay, tamang pagsisikap, tamang kamalayan at tamang pagninila-nilay o meditasyon.
Ayon sa Budismo, kayang putulin ng isang tao ang paulit-ulit na reinkarnasyon at dukkha sa pamamagitan ng pagsasapamuhay sa Apat na Marangal na Katotohanan at pagtahak sa walong landas. Ang mga ito ang magdadala sa tao sa isang kalagayan ng ganap na pagkawala ng lahat ng pagnanasa, pananabik, pagyakap o kabiguan. Ang kalagayang ito ng "kawalan" ay tinatawag na Nirvana at ang panghalili ng Budismo sa langit. Ang isang taong nakarating sa Nirvana ay tumitigil sa pagiral bilang indibidwal at pinatitigil ang paulit-ulit na proseso ng pagsilang at pagkamatay.
Kagaya ng nakararaming pananaw sa mundo, hindi lahat sa Apat na Marangal na Katotohanan ay ganap na sinasalungat ng Bibliya. Ang maling pagnanasa ang pangunahing dahilan ng pagkagalit at kasalanan (Roma 13:14; Galatia 5:17). Tunay na nakapailalim sa pagbabago ang mortal na buhay, at ito ay maiksi (Santiago 4:14). Gayundin, hindi matalinong mamuhunan sa mga bagay na lumilipas (Mateo 6:19–20). Gayunman, sa mga bagay patungkol sa walang hanggang kalagayan at sa proseso ng pagbabago, sobrang lumihis ang Apat na Marangal na Katotohanan sa katuruan ng Biblikal na Kristiyanismo.
Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay walang hanggan at ang mga makakasama Niya sa kalangitan ay magdadanas ng walang hanggang kaligayahan (Mateo 25:21; Juan 4:14; 10:28). Ang parehong walang hanggang kamalayan—sa lugar ng pagdurusa—ay magaganap din sa mga piniling tumanggi sa Diyos (2 Tesalonica 1:9). Ang kanilang hantungan ay inilarawan bilang isang kundisyon ng personal na pagdurusa (Lukas 16:22–24). Itinuturo ng Budismo na gugugulin ng tao ang walang hanggan kundi man sa isang walang katapusan at paulit-ulit na pagkamatay at pagsilang ay sa isang estado ng lubusang pagtigil sa pagiral sa kawalan. Ngunit sinasabi ng Bibliya, "Itinakda sa mga tao na mamatay na minsan at pagkatapos ay paghuhukom" (Hebrews 9:27).
Parehong itinuturo ng Kristiyanismo at Budismo na kailangang baguhin ng tao ang kanilang pagnanasa at paguugali, ngunit tanging ang Kristiyanismo lamang ang nagbibigay ng makatotohanang kaparaanan upang magawa ito. Sa Budismo, sinasabihan ang tao na baguhin ang sariling pagnanasa sa pamamagitan ng sariling pagsisikap. Sa kasamaang palad, nangangahulugan ito na kailangang nasain ng isang tao na alisin ang kanyang mga pagnanasa ngunit ito ay pagnanasa pa rin na isang pagsasalungatan. Ang isang Buddhist na nagnanais na iwaksi ang isang pagnanasa ay nagnanasa pa rin. Wala ding sagot ang Budismo sa katanungan kung paanong babaguhin ng isang tao ang kanyang sariling puso na walang pagnanais na magbago at dinadaya ang sarili (Jeremias 17:9; Markos 9:24). Nagbibigay ang Kristiyanismo ng kasagutan sa parehong problema: Ang isang Tagapagligtas na hindi lamang binabago ang ating ginagawa (1 Corinto 6:11) kundi maging ang ating pagnanais na gawin ang mga iyon (Roma 12:2).
Marami pang pagkakaiba sa mga paniniwala ng Budismo at Kristiyanismo. Habang itinuturo ng Budismo na ang buhay ay pagdurusa, sinasabi naman ng Bibliya na ang buhay ay dapat na ipamuhay ng may kasiyahan (Juan 10:10). Sinasabi ng Budismo na dapat na tumigil sa pagiral ang sarili habang sinasabi naman ng Bibliya na ang bawat tao ay mahalaga at makabuluhan (Genesis 1:26—27; Mateo 6:26) at magpapatuloy ang pag-iral ng sarili pagkatapos ng kamatayan (Juan 14:3).
English
Ano ang Apat na Marangal na Katotohanan?