settings icon
share icon
Tanong

Ano ang isang apostol?

Sagot


Ang salitang "apostol" ay nangangahulugan na "isinugo" o "ipinadala." Sa Bagong Tipan, may dalawang pangunahing gamit ang salitang "apostol." Ang una ay partikular na tumutukoy sa labindalawang apostol ni Jesu Cristo. Ang pangalawa ay karaniwang pagtukoy sa isang indibidwal na ipinapadala para maging mensahero o kinatawan ni Jesu Cristo. Ang labindalawang apostol ay may natatanging posisyon. Sa Pahayag 21:14, sinasabi na "Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero." Ang labindalawang apostol ay tinukoy din sa Mateo 10:2; Markos 3:14; 4:10; 6:7; 9:35; 14:10, 17, 20; Lukas 6:13; 9:1; 22:14; Juan 6:71; Gawa 6:2 at 1 Corinto 15:5. Ito ang mga apostol na naging unang mensahero ng Mabuting Balita pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Jesu Cristo. Sila rin ang mga apostol na naging pundasyon ng iglesya, kasama si Jesus bilang batong panulukan (Efeso 2:20).

Ang natatanging uri ng apostol ay hindi na makikita sa ngayon. Ang kwalipikasyon ng ganitong uri ng apostol ay:
1. Naging saksi sa pagkabuhay na muli ni Kristo (1 Corinto 9:1)
2. Direktang pinili ng Banal na Espiritu
3. May kakayahan na gumawa ng mga tanda at kababalaghan (Gawa 2:43; 2 Corinto 12:12)

Ang naiibang katangian ng papel na ginagampanan ng labindalawang apostol, na nagtatag ng pundasyon ng Iglesya, ay hindi pinagkakasunduan sa ngayon. Pagkatapos ng dalawang libong taon, hindi na tayo gumagawa ng bagong pundasyon.

Maliban sa mga apostol ni Jesu Cristo, mayroon ding mga apostol sa karaniwang pakahulugan. Si Barnabas ay tinukoy na apostol sa Gawa 13:2 at 14:4. Sina Andronico at Junia ay posibleng nakilala bilang mga apostol sa Roma 16:7. Ang salitang Griego na madalas isalin sa salitang "apostol" ay ginamit para tukuyin si Tito sa 2 Corinto 8:23 at si Epafrodito sa Filipos 2:25. Kaya mayroong puwang ang salitang "apostol" na ginamit para tukuyin ang isang tao maliban sa labindalawang apostol ni Jesu Cristo. Ang sinumang "ipinadala" ay maaaring tawaging "apostol."

Ano ang papel na ginagampanan ng mga apostol maliban sa labindalawang alagad ni Jesu Cristo? Yan ay hindi ganap na malinaw. Mula sa kahulugan ng salita, ang pinakamalapit na kahulugan nito sa kasalukuyan, sa pangkahalatang kahulugan, ay misyonero. Ang misyonero ay taga-sunod ni Kristo na ipinadala na may partikular na misyon na ipahayag ang Mabuting Balita ni Jesus. Ang misyonero ay kinatawan ni Cristo para sa mga taong hindi pa nakakapakinig ng Mabuting Balita. Gayunman, para maiwasan ang pagkalito, mas makabubuting huwag ng gamitin ang salitang "apostol" para sa pagtukoy sa anumang posisyon sa simbahan ngayon. Karamihan sa mga pangyayari na may kaugnayan sa salitang apostol sa Bagong Tipan ay tumutukoy sa labindalawang apostol ni Jesu Cristo.

Marami sa ngayon ang nagpupursige na ibalik ang posisyon ng apostol. Iyan ay mapanganib na kilusan. Kadalasan, ang mga naghahabol sa posisyon ng apostol ay naghahanap ng kapangyarihang kapantay o maihahambing sa kapangyarihan ng orihinal na labindalawang apostol. Walang anumang katibayan sa Bibliya para sa ganitong pagkakaunawa sa papel ng mga apostol ngayon. Ito ay nababagay na babala sa Bagong Tipan patungkol sa bulaang propeta (2 Corinto 11:13).

Sa isang pakahulugan, lahat ng tagasunod ni Jesu Cristo ay matatawag na apostol. Tayo ay Kanyang kinatawan (Mateo 28:18-20; 2 Corinto 5:18-20). Tayong lahat ay dapat na maging "isang ipinadala."Tayong lahat ay dapat na maging mangangaral ng Mabuting Balita (Roma 10:15).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang isang apostol?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries