Tanong
Si apostol Pedro ba ang unang Papa?
Sagot
Pinaniniwalaan ng Simbahang Katoliko na si Pedro ang unang papa kung kanino itinayo ng Diyos ang Kanyang iglesia (Mateo 16:18). Dahil sa posisyong ito, may kapamahalaan siya sa ibang mga apostol. Itinuturo ng Simbahang Katoliko na ilang panahon pagkatapos ng mga pangyayaring natala sa Aklat ng Gawa, si apostol Pedro ang naging unang obispo sa Roma at di naglaon, ang obispo sa Roma ay tinanggap ng unang iglesia na may kapamahalaan sa lahat ng iglesya. Itinuturo nila na ipinasa ng Diyos ang awtoridad ni Pedro sa mga sumunod sa kanya na naging obispo sa Roma. Ang katuruang ito na ipinasa ng Diyos ang awtoridad ni Pedro sa kanyang mga kahalili ay tinatawag na "pagsasalin ng pagkaapostol."
Tinitindigan din ng simbahang Katoliko na si Pedro at ang kanyang mga kahaliling apostol ay hindi nagkakamali kung nagtuturo sila ayon sa kanilang posisyon bilang mga papa. Ang tawag sa hindi pagkakamaling ito ay ex-cathedra. Itinuturo ng simbahang Katoliko na dahil hindi maaaring magkamali ang papa, siya ang hindi nagkakamaling gabay ng simbahan sa lahat ng katuruan. Inaangkin ng simbahang Katoliko na kaya nitong tuntunin ang linya ng papa mula kay Pedro at ginagamit ang argumentong ito upang patunayan na ang Simbahang Katoliko ang tunay na iglesya dahil ayon sa kanilang interpretasyon sa Mateo 16:18, itinayo ni Kristo kay Pedro ang iglesya.
Ngunit habang si Pedro ang unang naging instrumento sa pagkalat ng Ebanghelyo (ang kahulugan sa likod ng Mateo 16:18-19), kung titingnan sa tamang konteksto ang katuruan ng Kasulatan, hindi nito kailanman itinuturo na may mataas na kapamahalaan si Pedro sa ibang mga apostol o sa ibang mga iglesya (Tingnan din ang Gawa 15:1-23; Galacia 2:1-14; at 1 Pedro 5:1-5). Hindi rin itinuro sa Kasulatan na ang obispo ng Roma o sinumang obispo ang kailangang maging tagapamahala ng iglesia. Hindi rin itinala sa Kasulatan na nakarating si Pedro sa Roma. Sa halip may isa lamang banggit sa Kasulatan na sumulat si Pedro mula sa Babilonia, isang pangalan ng lugar na minsan ay ginagawang taguri sa Roma (1 Pedro 5:13). Mula sa nagiisang talatang ito at sa makasaysayang paglawak ng impluwensya ng obispo ng Roma, nanggaling ang katuruan ng pagiging pangunahin ng obispo ng Roma. Gayunman, ipinakita sa kasulatan na ang awtoridad ay hindi lamang kay Pedro kundi para sa lahat ng apostol (Efeso 2:19-20), at ang karapatan ng "pagkakalag at pagtatali" na idinidikit kay Pedro ay pinaghatian din ng mga lokal na iglesya, hindi lamang ng mga tagapanguna ng iglesya (tingnan ang Mateo 18:15-19; 1 Corinto 5:1-13; 2 Corinto 13:10; Tito 2:15; 3:10-11).
Gayundin, hindi makikita saanman sa Kasulatan na upang maingatan ang iglesya sa pagkakamali, kailangang ipasa ng mga apostol ang kanilang awtoridad sa kanilang mga kahalili. Ang pagsasalin ng pagkaapostol ay pinilit na pinalabas sa mga talata na ginagamit ng mga Romano Katoliko upang suportahan ang doktrinang ito (2 Timoteo 2:2; 4:2-5; Tito 1:5; 2:1; 2:15; 1 Timoteo 5:19-22). Hindi ni Pablo sinabihan ang mga mananampalataya sa iba't ibang iglesya na tawagin sina Tito, Timoteo at iba pang mga lider ng iglesya sa kanilang awtoridad bilang obispo o sa pagkakaroon nila ng awtoridad bilang apostol, kundi ayon sa kanilang pagiging kapwa manggagawa (1 Corinto 16:10; 16:16; 2 Corinto 8:23).
Ang itinuturo ng Kasulatan ay maraming maling katuruan ang lilitaw maging mula sa mga lider mismo ng iglesya at ang kailangang gawin ng mga mananampalataya ay ikumpara ang mga katuruan ng mga lider ng iglesya sa Kasulatan na siyang tanging hindi nagkakamali (Mateo 5:18; Awit 19:7-8; 119:160; Kawikaan 30:5; Juan 17:17; 2 Pedro 1:19-21). Hindi itinuro ng Bibliya na hindi nagkakamali ang mga apostol maliban sa mga Salita ng Diyos na kanilang isinulat na nakabilang sa canon ng Kasulatan. Sa pagtuturo sa mga lider ng iglesya sa Filipos, binanggit ni Pablo ang tungkol sa pagdating ng mga bulaang guro at sinabihan niya sila na labanan ang kanilang mga kasinungalingan at hindi niya sa kanila itinuro na ang mga apostol ang kanilang lapitan kundi itinuro niya sila sa "Diyos at sa Salita ng Kanyang biyaya" (Gawa 20:28-32). Ang Kasulatan lamang ang hindi nagkakamaling sukatan ng lahat ng pananampalataya at mga gawa (2 Timoteo 3:16-17), hindi ang mga kahalili ng mga apostol. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa Kasulatan, malalaman kung ang isang katuruan ay tama o mali (Gawa 17:10-12).
Si Pedro ba ang unang Papa? Ayon sa Kasulatan ay malaking hindi. Hindi kailanman inangkin ni Pedro ang kanyang awtoridad sa ibang mga apostol. Hindi makikita sa kanyang mga sinulat (1 at 2 Pedro) na nagangkin si Pedro ng espesyal na papel, awtoridad o kapangyarihan sa iglesya. Wala saan man sa Kasulatan na sinabi ni Pedro o ng sinuman sa mga apostol na ipinasa nila ang kanilang awtoridad sa kanilang kahalili. Oo, may ginampanang papel si Pedro bilang lider ng mga apostol. Oo, ginampanan niya ang mahalagang papel sa unang pagbabahagi ng Ebanghelyo (Gawa kabanata 1-10). Oo, si Pedro ang "bato'" na hinulaan ni Hesus (Mateo 16:18). Gayunman, ang mga katotohanang ito tungkol kay Pedro ay hindi sumusuporta sa anumang kaparaanan sa konsepto na si Pedro ang unang Papa o siya ang naging pinakamataas na lider ng mga apostol o ipinasa niya ang kanyang awtoridad sa iba pang obispo ng Roma. Itinuro tayo mismo ni Pedro sa tunay na Pastol at Tagapangasiwa ng iglesya, ang Panginoong Hesu Kristo (1 Pedro 2:25).
English
Si apostol Pedro ba ang unang Papa?