Tanong
Ano ang ibig sabihin ng manalangin para sa ating pang-araw-araw na tinapay?
Sagot
Ang Panalangin ng Panginoon, ang panalanging ginamit ni Jesus upang turuan ang Kanyang mga tagasunod kung paano manalangin, ay kilala sa mga Kristiyano. Madalas binibigkas ito nang sabay-sabay bilang isang anyo ng liturhiya; ang iba ay nagbubulay-bulay sa bawat bahagi nito sa kanilang pribadong oras kasama ang Diyos o ginagamit ito na isang modelo ng panalangin. Ang panalangin ay nakatala sa Mateo 6:9-13 at Lukas 11:2-4. Isang bahagi ng panalangin ay nagsasabing, "Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw" (Mateo 6:11).
Ang una, at pinaka-malinaw, na kahulugan ng kahilingang ito ay suportahan tayo ng Diyos sa pisikal na paraan. Marahil ay tinutukoy ni Jesus ang paglalaan ng Diyos ng manna, na ibinibigay araw-araw sa disyerto (Exodo 16:4-12; Deuteronomio 8:3; Juan 6:31). Kinikilala natin ang Diyos bilang ating tagapagkaloob at umaasa sa Kanya upang matugunan ang ating pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi ito nangangahulugan na inaasahan nating literal na magpapaulan ang Diyos ng manna sa atin ngunit nauunawaan natin na Siya ang nagpapabunga ng ating gawain, minsan ay tinutugunan pa ang mga pisikal na pangangailangan sa mga mahimalang paraan. Di-nagtagal pagkatapos turuan ang Kanyang mga tagasunod kung paano manalangin, kinausap sila ni Jesus tungkol sa pagkabalisa. Sinabi niya, "Kaya't sinasabi ko sa inyo, Huwag kayong mangabalisa tungkol sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin o iinumin; o tungkol sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Ngunit hanapin muna ang kaniyang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo” (Mateo 6:25, 33). Kapansin-pansin, sa Panalangin ng Panginoon, ang kahilingan kaagad bago ang panawagan para sa pang-araw-araw na tinapay ay para sa pagdating ng kaharian ng Diyos.
Ang paghiling ng pang-araw-araw na tinapay ay hindi lamang tungkol sa pisikal na panustos. Maaari rin itong tumukoy sa paghiling sa Diyos na ibigay ang ating hindi gaanong napapansing mga pangangailangan. Sa Mateo 7:7-11 sinabi ni Hesus, "Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya!" Ang mabubuting magulang ay nagbibigay hindi lamang kung ano ang kailangan ng kanilang mga anak para sa pisikal na buhay, kundi pati na rin para sa praktikal, emosyonal, at relasyong pangangailangan. Ang Diyos ang nagbibigay ng mabubuting kaloob (Santiago 1:17). "Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay?" (Roma 8:32).
Natugunan na ng Diyos ang ating pinakamalaking espirituwal na pangangailangan, ang kapatawaran at pagpapanumbalik, sa pamamagitan ni Cristo (Colosas 2:13; 2 Corinto 5:17, 21; Juan 20:31). Ngunit hindi Siya tumitigil doon. Tinawag ni Jesus ang Kanyang sarili na "Tinapay ng Buhay" (Juan 6:35). "Nasa kanya ang buhay, at ang buhay na iyon ang ilaw ng buong sangkatauhan" (Juan 1:4). Sinabi ni Jesus na Siya ay naparito upang bigyan tayo ng masaganang buhay (Juan 10:10). Hindi lamang tayo naligtas para sa kawalang-hanggan, ngunit naibalik din ang dating relasyong natin sa Diyos. Hinahanap natin Siya araw-araw, at binabago Niya tayo araw-araw (2 Corinto 4:16). Ang sanga ay patuloy na inaalagaan ng Puno (Juan 15:5).
Oo, pinupunan tayo ng Diyos sa pisikal at tinutugunan ang hindi gaanong nakikitang mga pangangailangan sa buhay na ito. Higit pa riyan, tinutupad Niya ang ating espirituwal na mga pangangailangan. Siya ang tinapay na nagbibigay-kasiyahan sa ating espirituwal na pagkagutom. Sinusuportahan niya ang ating puso. Kapag hinihiling natin sa Diyos ang ating pang-araw-araw na pagkain, mapagpakumbabang kinikilala natin Siya bilang tanging nagbibigay ng lahat ng ating kailangan. Nabubuhay tayo araw-araw, isang hakbang sa isang pagkakataon. Nagsasagawa tayo ng simpleng pananampalataya sa Kanya upang ibigay ang ating kailangan, kapag kailangan natin ito - para sa bawat bahagi ng ating buhay.
English
Ano ang ibig sabihin ng manalangin para sa ating pang-araw-araw na tinapay?