Tanong
Bakit mahalaga ang araw araw na pananalangin?
Sagot
Simple lamang, para sa mga tagasunod ni Hesu Kristo, ang panalangin ang pinakamainam na pamamaraan upang makipagniig sa Diyos. Ang panalangin ang ating behikulo para sa araw araw na pagpapaabot ng ating karaingan sa Isa na lumikha sa atin. Hindi maaaring maliitin ang kahalagahan ng pangaraw araw na pananalangin sa Diyos. Napakahalaga nito na anupa’t binanggit ito ng mahigit sa 250 beses sa Kasulatan. Kaya nga, bakit mahalaga ang araw araw na pananalangin sa Diyos? Una, binibigyan tayo ng panalangin ng oportunidad na ibahagi sa Diyos ang lahat ng aspeto ng ating buhay. Ikalawa, binibigyan tayo ng pangaraw araw na pananalangin ng pagkakataon na maipahayag natin sa Diyos ang ating pasasalamat para sa lahat na mga bagay na Kanyang ipinagkakaloob sa atin. Ikatlo, pinagkakalooban tayo ng pangaraw araw na pananalangin ng pagkakataon upang maipahayag natin ang ating mga kasalanan sa Kanya at humingi sa Kanya ng tulong upang mapaglabanan ang mga kasalanang iyon. Ikaapat, ang araw araw na pananalangin ay isang kapahayagan ng ating pagsunod at pagsamba sa Kanya. At panghuli, ang araw araw na pananalangin ay isang pamamaraan upang kilalanin ang Kanyang kapamahalaan sa ating mga buhay. Tingnan natin ang detalye ang bawat isa sa mga mahahalagang dahilang ito sa araw araw na pananalangin.
Binibigyan tayo ng panalangin ng oportunidad na ibahagi sa Diyos ang lahat ng aspeto ng ating buhay. Maaaring magbago sa araw araw ang mga pangyayari sa ating buhay. Ang totoo, maaaring maging masama ang isang mabuting pangyayari sa napakaiksing panahon. Tinatawag tayo ng Diyos na dalhin sa Kanya ang ating mga kahilingan para sa Kanyang desisyon at potensyal na pagpapala. Tinatawag Niya tayo na ibahagi sa Kanya ang ating mga kagalakan at tagumpay. Sa katotohanan, sinasabi sa Jeremias 33:3, “Kung mananalangin ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na dakila at mahiwaga na hindi mo pa nalalaman.” Nais ng Diyos na tumawag tayo sa Kanya upang sagutin Niya ang ating mga dalangin. Nais din Niya na ibahagi sa atin ang mga kahanga-hangang pagpapala na maaari nating hindi makamit kung hindi tayo lumalapit sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin. At panghuli, sinasabi sa atin sa Santiago 4:8, “Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo.” Nais ng Diyos na maging ‘malapit’ tayo sa Kanya sa lahat ng oras.
Binbigyan tayo ng pangaraw araw na pananalangin ng pagkakataon na maipahayag natin sa Diyos ang ating pasasalamat para sa lahat na mga bagay na Kanyang ipinagkakaloob. Hindi isang sikreto na dapat nating pasalamatan ang Panginoon para sa lahat ng bagay na Kanyang ipinagkakaloob at sa lahat ng Kanyang mga ginagawa para sa atin. Dapat nating kilalanin ang Kanyang kabutihan at kahabagan sa atin sa araw-araw. Sa 1 Cronica 16:34, inutusan tayo na “Purihin si Yahweh, sa kanyang kabutihan; pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” Sinasabi sa atin ng Mangaawit sa Awit 9:1, “Pupurihin kita Yahweh, nang buong puso ko,mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.” Nananalangin tayo sa araw araw upang kilalanin ang Kanyang katapatan at ang ang Kanyang masaganang pagkakalob sa atin ng ating mga pangangailangan sa araw araw.
Pinagkakalooban tayo ng pangaraw araw na pananalangin ng pagkakataon upang maipahayag natin ang ating mga kasalanan sa Kanya at humingi sa Kanya ng tulong upang mapaglabanan ang mga kasalanang iyon. Tanggapin natin ang katotohanan, nagkakasala pa rin tayo sa araw araw, sinasadya man natin o hindi. Kaya bilang mga tagasunod ni Kristo, ano ang ating dapat gawin? Malinaw ang sinasabi ng Kasulatan patungkol dito, “Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin; mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim. Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat, at mga sala ko'y pinatawad mong lahat” (Awit 32:5). Ipagtapat natin sa Diyos ang Kanyang nalalaman patungkol sa atin sa araw araw. Ang panahon ng pananalangin sa araw araw ay isang napakagandang panahon upang ibigay natin sa Diyos ang nakapanghihinang epekto ng kasalanan sa atin. Napakadalas na lumalakad ang mga Kristiyano na may kasalanang hindi naipagtatapat sa Diyos na humahadlang sa kanyang personal na relasyon sa Panginoong Hesu Kristo na dapat sana’y nagpasakop tayo sa Kanya at humiling sa Kanya ng kapatawaran sa panalangin. Ang isa pang mahalagang elemento ng araw araw na panalangin ay ang paghingi sa Diyos ng lakas upang magsisi sa ating mga kasalanan. Tanging ang Diyos lamang ang makatutulong sa atin upang makatalikod tayo sa ating mga pagkakasala at upang mangyari ito, kailangan Niyang marinig ang ating paghingi sa Kanya ng kapatawaran.
Ang araw araw na pananalangin ay isang kapahayagan ng ating pagsunod at pagsamba sa Diyos. Maaaring wala ng iba pang talata sa Bibliya ang makakapagbuod ng dahilan kung bakit tayo dapat manalangin sa araw-araw kaysa sa 1 Tesalonica 5:16-18: “Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.” Kalooban ng Diyos para sa Kanyang mga anak na magalak sa Kanya, manalangin sa Kanya, at magpasalamat sa Kanya. Ang pananalangin ng walang humpay ay simpleng nangangahulugan na dapat nating gawing isang regular na gawain ang pananalangin at hindi tayo titigil sa gawaing ito. Isa ring uri ng pagsamba ang pananalangin dahil sa pamamagitan ng ating pananalangin sa Kanya, ipinapakita natin kung gaano tayo namamangha sa Kanya. Ang araw araw na panalangin ay isa ring tanda ng pagsunod sa Panginoon na nagdudulot ng kagalakan sa Kanya dahil sa nakikita Niyang sumusunod sa Kanyang mga utos ang kanyang mga anak.
Ang araw araw na pananalangin ay isang pamamaraan upang kilalanin ang Kanyang kapamahalaan sa ating mga buhay. Bilang mga Kristiyano, alam natin kung sino talaga ang may kontrol sa lahat ng bagay. Walang hanggan ang kapamahalaan ng Diyos. Walang anumang nagaganap na hindi nalalaman ng Diyos (Isaias 46:9-10; Daniel 4:17). Dahil Siya ang may kapamahalaan sa lahat, nararapat Siya sa ating pagpupuri at pagsamba. “Iyo, Oh Panginoon ang kadakilaan, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, at ang pagtatagumpay, at ang karangalan: sapagka't lahat na nangasa langit at nangasa lupa ay iyo: iyo ang kaharian, Oh Panginoon, at ikaw ay nataas na pangulo sa lahat” (1 Cronica29:11). Ang Diyos ang ating dakilang Hari at Siya ang komokontrol sa lahat ng aspeto ng ating mga buhay. Bawat araw, dapat nating mapagpakumbabang kilalanin ang Kanyang lugar sa ating buhay ng may pagpipitagan para sa isang dakila at kahanga-hangang hari.
Sa huli, ang panalangin ay isang bagay na dapat nating gawin sa araw araw. Ngunit para sa maraming Kristiyano, maaaring maging isang hamon ang pagpapakumbaba at lumapit sa Diyos sa araw araw na pananalangin. Para sa mga lumalakad na kasama ang Panginoon sa loob ng maraming taon, maaaring maging madalang na ang pananalangin at nagkukulang na sa tamang kumbiksyon o pagpipitagan sa Diyos. Anuman ang kalagayan bilang mananampalataya, isang bago o isang matagal ng mananampalataya, dapat na laging ituring ang panalangin na pinakamainam na paraan upang makipagniig sa Diyos. Isipin na lamang kung hindi tayo makikipagusap sa isang mahal sa buhay o sa isang kaibigan. Hanggang kailan tatagal ang ating relasyon? Ang araw araw na pananalangin ay pangaraw araw na pakikisama sa ating Ama sa langit. Tunay na kahanga-hangang bagay na nais ng Diyos na makisama sa atin. Sa katotohanan, itinanong ng Mangaawit, “Ano ang tao upang iyong alalahanin siya? At ang anak ng tao, upang iyong dalawin siya?” (Awit 8:4). Ang araw araw na pananalangin ay isang mabuting paraan upang maunawaan natin ang katotohanang ito at isang kahanga-hangang pribilehiyo na ipinagkaloob sa atin ng Diyos.
English
Bakit mahalaga ang araw araw na pananalangin?