Tanong
Ano ang araw ng Panginoon?
Sagot
Ang mga salitang ‘araw ng Panginoon’ ay karaniwang tumutukoy sa mga kaganapan sa katapusan ng kasaysayan (Isaias 7:18-25) at kadalasan ding iniuugnay sa ‘araw na yaon.’ Ang susi upang maintindihan ang mga salitang ito ay ang pangunawa na ito ay ukol sa haba ng panahon kung kailan ang Diyos ay personal na namamagitan sa kasaysayan, direkta o hindi man direkta, upang ganapin ang ilan sa mga partikular na bahagi ng Kanyang plano.
Para sa nakararami, iniuugnay nila ang ‘araw ng Panginoon’ sa isang panahon o espesyal na araw kung kailan ang kalooban at layunin ng Diyos para sa buong sanlibutan ay maisasakatuparan. Ilang iskolar ang naniniwala na ang araw ng Panginoon ay mas mahabang panahon kaysa isang araw. Ito ang panahon kung kailan si Kristo ang maghahari sa buong mundo bago Niya tuluyang linisin ang langit at lupa para sa walang hanggang hantungan ng sangkatauhan. Ang iba naman ay naniniwalang ang ‘araw ng Panginoon’ ay isang madaliang pangyayari kung saan muling babalik si Kristo dito sa lupa upang tubusin ang mga tapat na mananampalataya at hatulan ang mga hindi mananampalataya sa walang hanggang apoy.
Ang mga salitang ‘araw ng Panginoon’ ay ginamit ng labingsiyam (19) na ulit sa Lumang Tipan (Isaias 2:12; 13:6, 9; Ezekiel 13:5, 30:3; Joel 1:15, 2:1,11,31; 3:14; Amos 5:18,20; Obadias 15; Zofonias 1:7,14; Zacarias 14:1; Malakias 4:5) at apat na ulit sa Bagong Tipan (Gawa 2:20; 2 Tesalonica 2:2; 2 Pedro 3:10). Ito rin ay tinukoy sa ibang mga talata sa Bibliya (Pahayag 6:17; 16:14).
Sa Lumang Tipan, inilarawan ang mga salitang ‘araw ng Panginoon’ upang magpahiwatig ng panganib o nalalapit na pag-asa: "Magsiangal kayo; sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na" (Isaias 13:6); "Sapagkat ang kaarawan ay malapit na, samakatuwid baga'y ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na; magiging kaarawan ng pagaalapaap;panahon ng mga bansa" (Ezekiel 30:3); "Manginig ang lahat na mananahan sa lupain; sapagkat ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, sapagkat malapit na" (Joel 2:1); "Mga karamihan, mga karamihan sa libis ng pasiya! Sapagkat ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na sa libis ng pasiya." (Joel 3:14); "Pumayapa ka sa harap ng Panginoong Diyos; sapagkat ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na" (Zefanias 1:7). Ito ay sa kadahilanang ang mga binanggit sa Lumang Tipan na tumutukoy sa araw ng Panginoon o kaarawan ng Panginoon ay parehong tumutukoy sa nalalapit at malayong pagsasakatuparan ayon sa mga propesiya sa Lumang Tipan. Ilan sa mga bahagi ng Lumang Tipan kung saan nabanggit ang araw ng Panginoon ay naglalarawan ng mga makasaysayang paghuhukom na naisakatuparan na (Isaias 13:6-22; Ezekiel 30:2-19; Joel 1:15, 3:14; Amos 5:18-20; Zofonias 1:14-18), samantalang ang iba ay tumutukoy sa banal na paghuhukom na magaganap sa katapusan ng panahon (Joel 2:30-32; Zacarias 14:1; Malakias 4:1, 5).
Sa Bagong Tipan tinawag ito na araw ng ‘poot,’ ‘araw ng pagdalaw’ at ‘dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan’ (Pahayag 16:14) at ito ay tumutukoy sa hinaharap na pagsasakatuparan kung kailan ang poot ng Diyos ay ibubuhos sa mga Israelitang hindi nananampalataya (Isaias 22; Jeremias 30:1-17; Joel 1-2; Amos 5; Zofonias 1) at sa mga hindi mananampalataya sa buong mundo (Ezekiel 38:39; Zacarias 14). Ipinahiwatig sa Banal na Kasulatan na ‘ang araw ng Panginoon’ ay mabilis na darating tulad sa isang magnanakaw sa gabi (Zofonias 1:14-15; 2 Tesalonica 2:2), kaya't nararapat lamang na maging mapagmasid at maging handa sa pagdating ni Kristo anumang oras ang lahat ng mga Kristiyano.
Bukod sa panahon ng paghuhukom, ito rin ay ang panahon ng kaligtasan kung saan kukunin ng Diyos ang mga nalalabing Israelita, bilang pagsasakatuparan ng Kaniyang ipinangako: "At sa ganito'y ang buong Israel ay maliligtas" (Roma 11:26), ito rin ay pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan at pagpapanumbalik sa Kaniyang mga pinili sa lupang ipinangako kay Abraham (Isaias 10:27; Jeremias 30:19-31, 40; Mikas 4; Zacarias 13). Ang pinakahuling magaganap sa araw ng Panginoon ay,"At ang kahambugan ng tao ay huhutukin, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay ibababa; at ang Panginoon mag-isa ay mabubunyi sa kaarawang yaon” (Isaias 2:17). Ang katapusan o ang huling pagsasakatuparan ng lahat ng hula tungkol sa araw ng Panginoon ay darating sa katapusan ng kasaysayan kung saan ang Diyos, gamit ang Kanyang kamangha-manghang kapangyarihan ay parurusahan ang masasama at tutuparin ang lahat ng Kanyang mga pangako.
English
Ano ang araw ng Panginoon?