Tanong
Ano ang Araw ng Pagpapalubag-loob (Yom Kippur)?
Sagot
Ang Araw ng Pagpapalubag-loob (Levitico 23:27-28), na kilala rin sa tawag na Yom Kippur, ang pinaKabanal na araw sa lahat ng mga pista ng mga Israelita, na nagaganap isang beses isang taon sa ikasampung araw ng Tisri, ang ikapitong araw sa kalendaryong Hebreo. Sa araw na iyon, ang punong saserdote ay nagsasagawa ng detalyadong mga ritwal para sa Pagpapalubag-loob ng mga kasalanan ng tao. Inilarawan sa Levitico 16:1-34, nagumpisa ang Pagpapalubag-loob kay Aaron at sa sumunod na mga punong saserdote ng Israel na pumapasok sa Dakong Kabanal-banalan. Ang kadakilaan ng araw na ito ay binigyang diin ng Diyos ng sabihan Niya si Aaron na huwag basta papasok sa Dakong Kabanal-banalan kung kailan niya gugustuhin, kundi sa isang espesyal na araw lamang sa loob ng isang taon kung hindi siya ay mamamatay (t. 2). Hindi ito seremonya na dapat ipagwalang bahala, at dapat na maunawaan ng mga tao na ito ay dapat na gunitain ayon sa paraang nais ng Diyos.
Bago pumasok sa tabernakulo, kailangang maligo muna si Aaron at magsuot ng espesyal na kasuutan (t 4), pagkatapos ay maghahandog siya ng isang toro para sa kanyang sariling kasalanan at sa kasalanan ng kanyang pamilya (t. 6, 11). Ang dugo ng toro ay kailangang iwisik sa Kaban ng Tipan. Pagkatapos, kailangang magdala si Aaron ng dalawang kambing, ang isa ay kailangang ihandog, "dahil sa kanilang mga pagsalangsang, at sa lahat nilang kasalanan" (v. 16), at ang dugo nito ay iwiwisik sa Kaban ng Tipan. Ang isa pang kambing ay gagamitin bilang panakip -butas. Ipapatong ni Aaron ang kanyang kamay sa ulo nito at ipapahayag ang paglaban at kasamaan ng mga Israelita, at dadalhin ang kambing sa ilang para pakawalan (v. 21). Dadalhin ng kambing ang lahat na kasalanan ng mga tao, na pinapatawad sa loob ng isang taon (t. 30).
Ang kahalagahan ng simbolong ito, partikular sa mga Kristiyano ay nakikita una sa paghuhugas at paglilinis ng punong saserdotehe, at ng taong nagdala sa inihandog na hayop sa labas ng kampo para sunugin ang mga labi (t. 4, 24, 26, 28). Sa tuwina, kinakailangan ang seremonya ng paghuhugas sa buong Lumang Tipan at sumisimbolo ito sa pangangailangan ng sangkatauhan ng paglilinis mula sa mga kasalanan. Ngunit hindi tumigil ang ritwal na ito hangga't hindi dumating si Jesus para maghandog ng "minsan para sa lahat" (Hebreo 7:27). Ang dugo ng mga toro at mga kambing ay makakapagpa-lubag loob lang para sa mga kasalanan kung patuloy na gagawin taun-taon, habang ang paghahandog naman ni Kristo ay sapat sa lahat ng panahon para sa lahat ng mga kasalanan ng lahat na mga nananalig sa Kanya. Nang matapos ang Kanyang paghahandog sa krus, sinabi Niya, "Naganap na" (Juan 19:30). Pagkatapos, umupo Siya sa kanan ng Ama, at wala ng anumang paghahandog pa ang kinakailangan magpakailanman (Hebreo 10:1-12).
Ang kasapatan at kaganapan ng handog ni Cristo ay nasasalamin din sa dalawang kambing. Ang dugo ng unang kambing ay iwiniwisik sa Kaban, at ritwal na pinapawi ang poot ng Diyos para sa panibagong taon. Ang ikalawang kambing naman ang nagaalis ng kasalanan ng mga tao sa ilang kung saan sila kinalimutan at hindi na kakapit pa sa mga tao. Ang kasalanan ay parehong tinubos at binayaran sa paraan ng Diyos—tanging sa pamamagitan lamang ng paghahandog ni Cristo sa krus. Ang pakikipagpayapa (propitiation) ay gawain ng pagpawi ng poot ng Diyos habang ang pagbabayad naman (expiation) ay ang gawain ng pagtubos sa kasalanan at pagaalis ng parusa ng kasalanan mula sa nagkasala. Ang dalawang gawaing ito ay walang hanggang nakamtan sa pamamagitan ni Cristo. Noong ihandog Niya ang Kanyang sarili sa krus, pinawi Niya ang poot ng Diyos laban sa kasalanan, at pinagdusahan ang poot ng Diyos sa Kanyang sarili: "Lubha pa nga ngayong inaaring-ganap sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ay mangaliligtas tayo sa galit ng Dios sa pamamagitan niya!" (Roma 5:9). Ang pagaalis ng parusa ng kasalanan sa pamamagitan ng ikalawang kambing ay isang buhay na talinghaga ng pangako ng Diyos na Kanyang ilalayo sa atin ang ating mga kasalanan kung gaano kalayo ang Silangan mula sa Kanluran (Awit 103:12) at hindi na alalahanin pa kailanman (Hebreo 8:12; 10:17). Hanggang sa kasalukuyan, nagdadaos pa rin ang mga Hudyo ng Yom Kippur taun-taon na pumapatak tuwing buwan ng Setyembre at Oktubre, at tradisyunal na ginugunita ang banal na araw na ito sa loob ng 24 oras na pagaayuno at taimtim na pananalangin, na sa tuwina ay ginugugol ang karamihan ng maghapon sa mga serbisyo sa sinagoga.
English
Ano ang Araw ng Pagpapalubag-loob (Yom Kippur)?