settings icon
share icon
Tanong

Ano ang araw ng Pentecostes?

Sagot


Ang “Pentecostes” ay mahalaga sa Luma at Bagong Tipan. Ang Pentecostes ay ang tawag sa salitang Griyego sa isang kapistahan na kilala sa Lumang Tipan bilang Pista ng mga Linggo (Levitico23:15; Deuteronomio 16:9). Ang salitang Griyego ay nangangahulugan ng “limampu” at tumutukoy sa limampung araw pagkatapos ng pista ng Paskuwa. Ipinagdiriwang ang pista ng mga Linggo sa paguumpisa ng pagaani ng mga butil. Gayunman, ang higit na nakatatawag ng pansin ay ang pagbanggit sa pistang ito sa aklat ni Propeta Joel at aklat ng mga Gawa. Kung matatandaan, ginamit ito sa hula ni propeta Joel (Joel 2:8-32) at sa kapistahang ito naganap ang katuparan ng pangako ng pagdating ng Banal na Espiritu na kasama sa mga huling sinabi ni Hesus bago Siya umakyat sa langit (Gawa 1:8). Ang Pentecostes ang hudyat sa paguumpisa ng panahon ng Iglesya.

Ang tanging banggit sa Bibliya sa mga aktwal na pangyayari sa araw ng Pentecostes ay sa Gawa 2:1-3. Ang araw ng Pentecostes ay alaala ng Huling Hapunan at parehong napakahalagang pangyayari . Sa dalawang kaganapan, ang mga apostol ay magkakasama sa isang bahay. Sa huling hapunan, nasaksihan ng mga apostol ang pagtatapos ng ministeryo ng Mesiyas sa lupa at iniutos Niya sa kanila na alalahanin Siya at ang Kanyang kamatayan hanggang sa Kanyang muling pagbabalik. Sa araw ng Pentecostes, nasaksihan ng mga apostol ang pagsilang ng Iglesya sa Bagong Tipan at ang pagdating ng Banal na Espiritu upang manahan sa lahat ng mananampalataya. Kaya ang eksena ng mga apostol na magkakasama sa isang silid ay kaugnay ng paguumpisa ng gawain ng Banal na Espiritu sa Iglesya at sa pagtatapos ng ministeryo ni Hesus sa lupa sa isang silid sa itaas bago ang pagpapapako sa Kanya sa krus.

Ang paglalarawan sa apoy at hangin na binanggit sa salaysay ng mga pangyayari sa araw ng Pentecostes ay umaalingawngaw sa Luma at Bagong Tipan. Ang tunog ng hangin sa araw ng Pentecostes ay “mabilis” at “umuugong.” Maraming banggit sa mga talata sa Bibliya tungkol sa kapangyarihan ng hangin (na laging nasa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos). Ang Exodo 10:13; Awit 18:42; at Isaias 11:15 sa Lumang Tipan at ang Mateo:23-32 sa Bagong Tipan ay ilan lamang sa mga halimbawa. Higit na mahalaga sa hangin bilang kapangyarihan ay ang hangin ng buhay sa Lumang Tipan (Job 12:10) at ang Espiritu sa Bagong Tipan (Juan 3:8). Gaya ng unang Adan na tumanggap ng hininga ng pisikal na buhay (Genesis 2:7), gayundin ang ikalawang Adan, si Hesus, ay nagdala naman ng hininga ng espiritwal na buhay. Ang ideya ng pagbuhay sa espiritwal bilang gawa ng Banal na Espiritu ay ipinahihiwatig sa “hangin” sa araw ng Pentecostes.

Sa Lumang Tipan, ang apoy ay laging iniuugnay sa presensya ng Diyos (Exodo3:2; 13:21-22; 24:17; Isaias 10:17) at sa Kanyang kabanalan (Awit 97:3; Malakias3:2). Gayundin naman sa Bagong Tipan, ang apoy ay inuugnay sa presensya ng Diyos (Hebreo 12:29) at sa pagdalisay na ginagawa nito sa buhay ng tao (Pahayag 3:18). Ang presensya at kabanalan ng Diyos ay ipinahihiwatig ng mga dilang apoy noong araw ng Pentecostes. Tunay na ang apoy ay inihalintulad ni Hesus sa Kanyang sarili (Pahayag 1:14; 19:12). Ang kaugnayang ito ang natural na pinagbabatayan ng kaloob ng Banal na Espiritu noong araw ng Pentecostes, na Siyang magtuturo sa mga apostol ng mga bagay tungkol kay Kristo (Juan 16:14).

Ang isa pang aspeto ng Araw ng Pentecostes ay ang mahimalang pagsasalita ng Wika ng mga apostol na naging kasangkapan upang maunawaan ng mga taong nanggaling sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanilang mensahe. Isa pang aspeto ay ang matapang at matalim na pangangaral ni Pedro sa mga tagapakinig na Hudyo. Makapangyarihan ang sermon ni Pedro at “nangasaktan ang kanilang puso” (Gawa 2:37) at tinagubilinan sila ni Pedro na “magsisi at magpabawtismo” (Gawa2:38). Ang salaysay ay nagtapos sa pagdadagdag ng Diyos sa tatlong libong kaluluwa sa pakikisama sa bawat isa, sa pagpipirapiraso ng tinapay, sa pananatili sa mga himala at mga turo ng mga apostol at sa isang komunidad na natatag upang katagpuin ang pangangailangan ng bawat isa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang araw ng Pentecostes?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries