settings icon
share icon
Tanong

Ano ang argumentong kosmolohikal (cosmological argument) para sa pagkakaroon ng Diyos?

Sagot


Tinatangka ng argumentong kosmolohikal (cosmological argument) na patunayan ang pagkakaroon ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamasid sa sangnilikha (cosmos). Nagsisimula ang argumentong ito sa pinakapangkaraniwang realidad: ang pagiral o pagkakaroon ng mga bagay-bagay. Pagkatapos ay isusunod ang argumento na ang pinagmulan o dahilan ng pagiral ng mga bagay ay ang ‘Diyos.’ Ang ganitong mga tipo ng argumento ay nagmula pa sa panahon ni Plato at ginamit na noon pa man ng mga kilalang pilosopo at teologo. Sa wakas, sa ika-dalawampung siglo, nagpanagpo din ang mga siyentipiko at mga teologo ng makumpirma ng siyensya na ang mundo ay may pasimula. Kaya, sa ngayon, ang argumento sa kosmolohiya o cosmological argument ay napakabisa maging para sa mga hindi nag-aral ng pilosopiya. May dalawang pangunahing uri ang ganitong argumento at ang dalawang paraan sa paggamit dito ay sa paraang ‘pahalang’ (horizontal) o ‘pataas’ (vertical). Ang mga pangalang ito ay nagpapahiwatig kung saang direksyon nanggagaling ang sanhi o pinanggalingan. Sa vertical na paraan, pinatutunayan na ang lahat ng mga bagay na nilikha ay may nagpapairal sa kasalukuyan (isipin ang isang timeline na may panandang nakaturo pataas mula sa kalawakan patungo sa Diyos). Ang horizontal o pahalang na bersyon naman ay nagpapakita na ang sangnilikha ay may pinagmulan sa pasimula (isipin ang isang timeline na may pananda na nakaturo sa likod sa pasimula ng panahon.)

Ang pahalang (horizontal) na bersyon ay mas madaling maintindihan dahil hindi ito nangangailangan ng mas maraming pangangatwiran gamit ang pilosopiya. Ang pangunahing argumento ay lahat ng mga bagay na may simula ay may pinagmulan. May simula ang kalawakan; kaya’t ito ay may pinagmulan. Ang pinagmulang ito, na hiwalay sa lahat ng sangnilikha ay ang Diyos. Maaaring may magsabi na ang ibang mga bagay ay siya ring pinagmulan ng ibang mga bagay, ngunit hindi nito kayang lutasin ang problema ng pinagmulan. Ito ay sa dahilang ang ibang mga bagay na pinagmulan ng ibang mga bagay ay may pinagmulan din, at ang sirkulong ito nito ay hindi maaaring magpatuloy kailanman. Isang halimbawa: ang mga puno. Nagsimulang magkaroon ng mga puno sa isang yugto ng kasaysayan (dahil hindi maaaring mayroon ng puno bago magkaroon ng mundo). Ang bawat puno ay nagmula sa isang binhi o buto (ang pinagmulan ng puno). Ngunit ang bawat buto ay mayroon ding pinagmulan - mula sa ibang puno. Hindi maaaring magkaroon ng walang katapusang serye ng puno-buto-puno-buto, dahil walang serye na walang hanggan — hindi ito maaaring magpatuloy magpakailanman. Walang anumang bagay na tinatawag na walang hanggang numero, dahil kahit ang serye ng mga numero ay may hangganan (bagama’t maaari ka pang magdagdag ng mas marami, lagi ka pa ring magkakaroon ng hangganan). Kung mayroong katapusan, hindi ito walang hanggan. Sa aktwal, ang lahat ng serye ay may dalawang dulo — ang wakas at ang pasimula (walang stick na iisa lang ang dulo). Ngunit kung walang unang pinagmulan, ang mga kadena ng pinagmulan ay hindi rin maaaring masimulan. Kaya nga, mayroong isang pasimula, ang unang pinagmulan — ang isa na walang simula. Ang unang pinagmulang ito ay walang iba kundi ang Diyos.

Ang vertical (pataas)na bersyon ay mas mahirap ipaliwanag ngunit ito ay mas mabisa dahil hindi lamang nito ipinakikita na ang Diyos ang ‘sanhi’ ng ‘kadena ng mga sanhi’ sa pasimula kundi Siya rin ang sanhi ng ng lahat ng mga bagay na umiiral ngayon mismo. Muli, magsisimula tayo sa kaisipan na ang lahat ng bagay ay umiiral. Pagkatapos, sa halip na isipin na ang pagkakaroon ng isang bagay ay nagiging bahagi mismo ng bagay — na matapos na malikha ang isang bagay, ang pagiral ay bahagi lamang ng kung ano ang bagay na iyon — hindi ito ang dapat na turing sa mga bagay. Halimbawa ay ang triyangulo. Maaari nating ipaliwanag ang kalikasan ng triyangulo bilang “isang pigura na nalikha sa pamamagitan ng pagkokonekta ng talong dulo ng bahagi ng hindi iisang tuwid na linya.” Pansinin kung ano ang hindi nabanggit sa pakahulugang ito sa triyangulo: ang pagiral o pagkakaroon ng triyangulo.

Ang pakahulugang ito sa triyangulo ay totoo pa rin kahit na walang triyangulo. Kaya nga ang kalikasan ng isang triyangulo — kung ano ito — ay hindi naggagarantiya na ang isang triyangulo ay umiiral (gaya ng unicorn o isang kabayong may isang sungay sa noo— alam natin kung ano ito ngunit hindi dahil alam natin kung ano ito ay totoo ngang mayroon nito). Dahil hindi bahagi ng isang triyangulo ang kanyang pagiral, kailangang likhain ang triyangulo ng isang dati ng umiiral (may isang dapat na gumuhit nito sa isang kapirasong papel). Ang triyangulo ay nagmula sa ibang bagay — na tiyak na mayroon ding pinagmulan. Hindi ito maaaring magpatuloy habang panahon (sa isang seryeng walang hanggan). Kaya nga, ang isang bagay ay kailangang umiral muna upang magpairal din sa ibang bagay.

Ngayon, ilapat natin ang halimbawang ito sa kalawakan. Ang kalawakan ba ay umiiral sa kanyang sarili? Hindi. Kaya, hindi lamang na kailangan ng kalawakan na magkaroon ng manlilikha upang magsimula kundi kailangan din nito ng isang magpapanatili sa kanya ngayon. Ang nagiisang hindi nangangailangan ng paglikha ay isang umiiral sa Kanyang sarili. Ito ang pagiral mismo. Ito ay laging umiiral, walang pinagmulan, walang pasimula, walang hangganan, labas sa kasaysayan at panahon at nagpapatuloy magpakailanman. Ito ay walang iba kundi ang mismong Diyos, ang Manlilikha at ang Siyang pinagmulan ng lahat.



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang argumentong kosmolohikal (cosmological argument) para sa pagkakaroon ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries