settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang argumento sa pag-iral ng Diyos?

Sagot


Ang tanong kung mayroon nga bang tiyak na argumento kung mayroong Diyos ay matagal ng pinagdedebatehan sa kasaysayan at may mga lubhang matatalinong tao sa magkabilang panig ng argumentong ito. Sa kasalukuyan, ang mga argumento laban sa pagkakaroon ng Diyos ay naging mas agresibo sa pag-aakusa na ang sinumang naniniwala sa Diyos ay nahihibang at hindi maayos ang pangangatwiran. Iginiit ni Karl Marx na ang sinumang naniniwala sa Diyos ay may sakit sa pag-iisip na siyang sanhi kung bakit hindi sila nakakapag-isip ng tama. Isang doktor sa pag-iisip na si Siegmund Freud ay sumulat na ang taong naniniwala sa isang Diyos na Manlilikha ay nahihibang at kumakapit sa ganitong paniniwala upang mapunan ang kanilang hinahanap o tinatawag na “wish-fulfillment” isang dahilan na diumano ayon kay Freud ay maituturing na hindi makatwiran. Ayon naman sa isang pilosopo na si Frederick Nietzsche, ang pananampalataya ay pagtanggi sa pagkilala sa katotohanan. Ang mga pangungusap na ito mula sa tatlong kilalang tao sa kasaysayan (kasama ng iba pa) ay ginagaya ngayon ng mga bagong henerasyon ng mga ateista na nagpapahayag na hindi katanggap-tanggap ang paniniwala sa Diyos.

Ito nga ba ang totoo? Ang paniniwala nga ba sa Diyos ay hindi makatwiran at hindi katanggap-tanggap na posisyon upang panghawakan? Mayroon bang lohikal o makatwirang argumento para sa pagkakaroon ng Diyos? Kung hindi gagamitin ang Bibliya, magkakaroon ba ng argumento para sa pagkakaroon ng Diyos upang pabulaanan ang mga pahayag ng kapwa mga luma at bagong mga ateista na makapagbibigay ng sapat na batayan upang maniwala na may isang Dakilang Manlilikha? Ang sagot ay oo. Bukod dito, upang maipakita na matibay ang argumento na mayroong Diyos, ang argumento ng mga ateista ay ipinapakita ng mga argumentong ito na mahina.

Upang gumawa ng isang argumento ukol sa pagkakaroon ng Diyos, dapat tayong magsimula sa pagbibigay ng mga tamang katanungan. Simulan natin sa pagtatanong ng pinaka-payak na katanungan ng pagkakaroon - bakit tayo naririto; bakit naririto ang mundo; bakit naririto ang sansinukob sa halip na wala? Sa pagpuna sa argumentong ito, isang teologo ang nagsabi, “Hindi itinatanong ng tao ang tungkol sa pagkakaroon ng Diyos, ang kanya mismong pagkakaroon ay naghahanap ng kasagutan mula sa Diyos.”

Sa pagsasaalang-alang sa mga katanungang ito, may apat na posibleng kasagutan kung bakit tayo naririto:

1. Ang realidad ay isang ilusyon.
2. Ang realidad ay sariling likha.
3. Ang realidad ay umiiral sa kanyang sarili (eternal).
4. Ang realidad ay nilikha ng isang umiiral sa Kanyang sarili.

Kung gayon, alin dito ang pinakatotoo? Simulan natin sa una: ang realidad ay isa lamang ilusyon. Ito ang pinaniniwalaan ng ilan sa mga relihiyon sa Silangan. Ang pananaw na ito ay matagal nang pinasubalian ng pilosopong si Rene Descartes na nakilala sa kanyang pahayag na, “Ako ay nag-iisip, samakatwid, ako ay ako.” Ayon kay Decartes na isang matematiko, kung siya ay nag-iisip, kung gayon siya ay “siya.” Sa ibang salita, “Ako ay nag-iisip, samakatuwid ako ay hindi isang ilusyon.” Ang mga ilusyon ay nangangailangan na makaranas ng ilusyon, bukod dito, hindi mo maaaring pagdudahan ang pagkakaroon ng iyong sarili ng hindi mo pinatutunayan ang iyong pagkakaroon; ang argumentong ito ay pagtalo mismo sa sarili. Kung kaya ang posibilidad na ang realidad ay isang ilusyon ay hindi mapapanghawakan.

Ang ikalawa ay ang pananaw na ang realidad ay sariling-likha lamang. Nang mag-aral tayo ng pilosopiya, natutunan natin ang “analitikal na maling pahayag,” na nangangahulugang mali ang pakahulugan. Ang posibilidad na ang realidad ay sariling-likha ay isa sa mga ganitong pahayag dahilan sa simpleng rason na ang isang bagay ay hindi maaaring mauna sa kanyang sarili. Kung iyong nilikha ang iyong sarili, ikay ay naunang umiral bago mo nilikha ang iyong sarili, ngunit hindi ito maaari. Sa ebolusyon, ito ay tinatawag na “spontaneous generation,” isang bagay na nagmula sa wala o isang posisyon ng iilan, kung meron mang makatwirang tao na magsasabi na hindi ka magkakaroon ng isang bagay mula sa wala. Maging ang ateistang si David Hume ay nagsabi, “Hindi ko pinatotohananan ang isang walang kuwentang pananaw na ang anumang bagay ay lalabas ng walang pinagmulan.” At dahil hindi maaaring magkaroon ng isang bagay mula sa wala, ang alternatibo na ang realidad ay sariling-likha ay hindi rin mapapanghawakan.

Ngayon, may dalawang natitirang pagpipilian - isang eternal na realidad o realidad na ginawa ng isang eternal: isang eternal na sansinukob o isang eternal na Manlilikha. Binuod ang dalawang pananaw na ito ng isang teologo mula sa ika-labingwalong siglo na si Jonathan Edwards:

“Mayroong umiiral.”
“Ang wala ay hindi maaaring lumikha ng mayroon.”
“Samakatwid, ang isang kailangan at eternal na “mayroon” ay umiiral.”

Pansinin na dapat tayong bumalik sa katotohanang “mayroong” isang eternal. Ang ateista na nagsasabi na ang naniniwala sa Diyos at naniniwala sa isang eternal na Manlilikha ay dapat bumaliktad at yumakap sa eternal na sansinukob; yun na lamang ang natitirang pwede niyang piliin. Ngunit ang tanong ngayon ay, saang direksyon patungo ang mga katibayan? Ang mga ebidensya ba ay nagtuturo sa mga bagay bago ang isip o ang isip bago ang bagay?

Sa kasalukuyan, lahat ng pilosopikal na ebidensya maging ang siyensya ay nagtuturo palayo sa isang eternal na sansinukob at patungo sa isang eternal na Manlilikha. Isang tapat na siyentipiko ang umamin na ang sansinukob ay may pasimula, at anumang mayroong pasimula ay hindi eternal. Sa madaling salita, anumang bagay na may simula ay may pinagmulan, at kung ang sansinukob ay may simula, ito ay may pinagmulan. Ang katotohanan na ang sansinukob ay may simula ay binibigyang-diin ng mga ebidensya tulad ng “second law of thermodynamics,” ang “radiation echo” ng “big bang” na natuklasan noong 1900s, ang katotohanan na ang sansinukob ay lumalawak pa at maaaring mabakas ang isang pinagmulan, at ang “theory of relativity” ni Einstein. Lahat ng mga ito ay nagpapatunay na ang sansinukob ay hindi eternal kundi may pinagmulan.

Higit pa rito, ang mga batas na nakapalibot ay sumasalungat sa kaisipan na ang sansinukob ay ang pinagmulan ng lahat dahil sa simpleng katotohanan: ang kalalabasan ay kahalintulad ng sanhi. Kung ito ay totoo, walang ateista ang makakapagpaliwanag kung paanong ang isang walang buhay, walang layunin, walang kabuluhan at walang moralidad na sansinukob ay aksidenteng nakalikha ng mga nilalang (tayo) na may personalidad at pilit na naghahanap ng layunin, kahulugan at moralidad. Sa mga ganitong bagay, mula sa pananaw ng pagsasagawa, ay lubos na mapapasubalian ang ideya na sa natural na sansinukob nagmula ang lahat ng mga bagay. Kung gayon, ang konsepto ng eternal na sansinukob ay masasabing mali.

Nabuo ni J. S. Mill, isang pilosopo (hindi Kristiyano) ang puntong ito: ayon sa kanya “Hindi mapapasubalian na tanging ang may Isip lamang ang maaaring lumikha ng may isip.” Ang makatwiran at rasonableng palagay lamang ay may eternal na Manlilikha na Siyang responsable sa realidad na ating nalalaman. O kung atin itong ilalagay sa isang lohikal na pagpapahayag:

“Mayroong umiiral.”
“Hindi magkakaroon mula sa wala.”
“Samakatwid, may “Isang” kinakailangan at eternal.”
“Ang tanging dalawang opsyon ay may eternal na sansinukob at eternal na Manlilikha.”
“Pinabulaanan ang konsepto na may eternal na sansinukob ng siyensya at pilosopiya.”
“Samakatwid, may Isang eternal na Manlilikha na umiiral.”

Isang dating ateista na nagngangalang Lee Strobel, ay nakaabot sa pananaw na ito maraming taon na ang nakalilipas. Ayon sa kanya, “Napakahalaga, na aking napagtanto na upang manatiling isang ateista, kinakailangan kong maniwala na mula sa wala ay makagagawa ng lahat; ang walang buhay ay magbubunga ng buhay; ang di-tiyak ay magbubunga ng tiyak; ang kaguluhan ay magbubunga ng impormasyon; ang kawalang-malay ay magbubunga ng kamalayan; at ang walang-kadahilanan ay magbubunga ng may kadahilanan. Ang mga ganitong hakbang ng pananampalataya ay napakahirap upang aking tanggapin, lalo’t higit sa kaliwanagan ng pagkakaroon ng Diyos.” Sa ibang salita, sa pangkalahatan, ang paliwanag ng Kristiyanismo ay higit na matibay kumpara sa paliwanag ng mga ateista.

Ngunit ang susunod na katanungan na dapat mabigyang kasagutan ay ito: kung ang eternal na Manlilikha ay umiiral (at ating ipinakita na Siya nga ay umiiral), anong uri Siya ng Manlilikha? Atin bang maipapaliwanag ang mga bagay tungkol sa Kanya mula sa Kanyang mga nilikha? Sa madaling salita, mauunawaan ba natin ang pinagmulan sa pamamagitan ng mga bagay na nagmula sa Kanya? Ang sagot ay oo, maaari, dahil sa kanyang mga sumusunod na katangian:

“Siya ay dapat supernatural o likas na higit sa karaniwan (dahil Siya ang lumikha ng oras at kalawakan).”
“Siya ay dapat na lubhang makapangyarihan.”
“Siya ay dapat na eternal (umiiral sa Kanyang sarili).”
“Siya ay dapat na nasa lahat ng dako (dahil Siya ang lumikha ng oras at kalawakan at hindi Siya limitado nito).”
“Siya ay walang hanggan at hindi nagbabago (dahil Siya ang lumikha ng panahon).”
“Siya ay Espiritu dahil Siya ay hindi sakop ng kalawakan/pisikal.”
“Siya ay personal (ang impersonal ay hindi makalilikha ng personalidad).”
“Siya ay walang katapusan at nag-iisa dahil hindi maaaring magkaroon ng dalawang walang hanggan.”
“Siya ay iba't iba ngunit may pagkakaisa dahil ito ay likas na umiiral sa Kanya.”
“Siya ay pinakamarunong sa lahat. Isang may kamalayan lamang ang makalilikha ng nilalang na may kamalayan.”
“Siya ay dapat na may layunin sapagkat sadya Niyang nilikha ang lahat ng may layunin.”
“Siya ay dapat na moral (walang moralidad ang iiral kung walang nagbigay ng moralidad).”
“Siya ay mapagkalinga.”

Kung totoo ang mga bagay na ito, atin ngayong tanungin kung mayroong relihiyon sa mundo na naglalarawan sa ganitong Manlilikha. Ang sagot dito ay oo: Ang Diyos ng Bibliya ang perpektong tinutukoy dito. Siya ay supernatural (Genesis 1:1), makapangyarihan (Jeremias 32:17), eternal (Awit 90:2), nasa lahat ng dako (Awit 139:7), walang hanggan/ hindi nagbabago (Malakias 3:6), Espiritwal (Juan 5:24), personal (Genesis 3:9), kinakailangan (Colosas 1:17), walang katapusan/nag-iisa (Jeremias 23:24; Deuteronomio 6:4), magkakaiba ngunit nagkakaisa (Mateo 28:19), pinakamarunong (Awit 147:4-5), may layunin (Jeremias 29:11), moral (Daniel 9:14), at mapagkalinga (1 Pedro 5:6-7).

Ang huling argumento tungkol sa pagkakaroon ng Diyos ay kung paano pangangatwiranan ng mga ateista ang kanilang posisyon. Sapagkat kanilang iginigiit na ang posisyon ng mga mananampalataya ay mahina, nararapat lamang na ibalik sa kanila ang ganitong katanungan. Ang unang dapat maunawaan ay ang kanilang pahayag na, “walang diyos,” na siyang kahulugan ng salitang “ateista,” isang malabong posisyon na nagugat sa isang pilosopikal na pananaw. Bilang iskolar sa sekular at pilosopo, sinabi ni Mortimer Adler, “Ang isang positibong panukala sa pagkakaroon ay maaaring mapatunayan, ngunit ang negatibong panukala sa pagkakaroon - ang pagtanggi sa pagkakaroon ng isang bagay - ay hindi maaaring mapatunayan.” Halimbawa, maaaring sabihin ng isang tao na may pulang agila at ang isa naman ay magsabi na walang pulang agila. Ang una ay kailangan lamang magpakita ng isang pulang agila upang patunayan ang kanyang pahayag. Samantalang dapat suyurin ng ikalawa ang buong sansinukob at literal na puntahan ang lahat ng lugar upang masigurong walang pulang agila na imposibleng gawin sa loob ng maiksing panahon. Ito ang dahilan kung bakit matatanggap ng isang matalino at tapat na ateista na hindi niya kayang patunayan na walang Diyos.

Pagkatapos, mahalagang maintindihan ang isyu tungkol sa bigat ng ipinapahayag na katotohanan at ang dami ng ebidensya na kinakailangan upang magarantiyahan ang ilang mga konklusyon. Halimbawa, kung may maglagay ng dalawang baso ng lemonada sa iyong harapan at sabihin na ang isa ay mas maasim kaysa sa isa, dahil ang epekto ng mas maasim na inumin ay hindi ganoon kaseryoso, hindi mo na kinakailangan ng maraming ebidensya upang pumili. Gayunman, kung ang isang baso ay dagdagan ng asukal at kung ang isa baso ay lagyan ng lason sa daga, siguradong nanaisin mo na magkaroon ng maraming ebidensya bago ka pumili.

Sa ganitong posisyon nakatatag ang isang taong magdedesisyon sa pagitan ng ateismo at paniniwala sa Diyos. Yamang ang paniniwala sa ateismo ay maaaring magresulta sa walang lunas at eternal na kaparusahan ng Diyos, nararapat lamang na ang mga ateista ay atasang maglabas ng mabigat at mahahalagang katibayan upang suportahan ang kanilang posisyon, ngunit hindi maaari. Hindi makakatagpo ang ateismo ng sapat na ebidensya na katumbas ng kabigatan ng kabayaran nito. Sa halip, ang isang ateista at ang kanyang mga mahihikayat sa kanyang posisyon ay walang kasiguraduhan kung ano ang naghihintay sa walang hanggan at umaasa na hindi matutuklasan ang hindi kanais-nais na katotohanan na totoong umiiral ang walang hanggan. Gaya ng sinabi ni Mortimer Adler, “Higit ang kahihinatnan sa buhay at susunod na hakbang mula sa pagsang-ayon o pagtanggi sa Diyos kaysa sa alinmang karaniwang katanungan.”

Kung gayon, may intelektwal na ebidensya ba ang paniniwala sa Diyos? Mayroon bang rasyonal, lohikal at makatwirang argumento sa pagkakaroon ng Diyos? Oo. Habang ang mga ateistang tulad ni Freud ay nagsasabing ang mga naniniwala sa Diyos ay nangangarap lamang, siya at kanyang mga tagasunod ay nagdurusa sa kanilang pagnanais na matupad ang kanilang hiling: ang pag-asa na walang Diyos, na wala silang pananagutan sa Kanya, at walang darating na paghuhukom. Ngunit ang nagpabulaan kay Freud ay ang Diyos mismo ng Bibliya na pinagtibay ang Kanyang pagiral at ang katotohanan na ang paghuhukom ay totoong darating para sa mga nakakaalam ng katotohanan na may Manlilikha ngunit tinatanggihan ito (Roma 1:20). Ngunit para sa mga naniniwala sa mga ebidensya na tunay na may Isang Manlilikha, Kanyang iniaalok sa kanila ang daan sa kaligtasan sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo: “Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Diyos, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa Kaniyang pangalan; Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos” (Juan 1:12-13).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang argumento sa pag-iral ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries