Tanong
Anu-ano ang mga pinakamatibay na argumento ng Bibliya tungkol sa pagka-Diyos ni Kristo?
Sagot
Mahirap itanggi na ang Bagong Tipan ay puno ng mga katotohanan tungkol sa pagka-Diyos ni Kristo. Hindi lamang dito ipinakilala si Hesus bilang Mesiyas (o ang Kristo) kundi kapantay mismo ng Diyos, mula sa apat na Ebanghelyo hanggang sa aklat ng mga Gawa at hanggang sa mga sulat ni Pablo. Tinukoy ni Apostol Pablo ang pagka-Diyos ni Hesus nang tawagin niya Siyang “Dakilang Diyos at Tagapaligtas” (Tito 2:13) at sinabi pa niya na si Hesus ay nasa “anyo ng Diyos” bago pa Siya magkatawang tao (Filipos 2:5-8). Sinabi pa ng Diyos Ama patungkol kay Hesus, “Ang iyong luklukan, Oh Dios, ay magpakailan man” (Bibliyang salin sa Hebreo na nagtuturo tungkol sa pagka-Diyos ni Kristo) (Pahayag 1:7; 2:8; 1 Corinto 10:4; 1 Pedro 5:4).
Habang sapat na ang mga tahasang pagbanggit sa mga siping ito sa Bibliya upang pagtibayin ang pagka-Diyos ni Hesus, mas malakas ang hindi direktang paraan ng pagpapahayag. Halimbawa: Paulit-ulit na inilagay ni Hesus ang Kanyang Sarili sa lugar ni Yahweh sa paggamit Niya ng karapatan ng Ama. Madalas Siyang gumagawa o nagsasabi ng mga bagay na tanging Diyos lamang ang may karapatang gumawa o magsabi. Tinukoy din si Hesus sa mga paraan na nagpapahiwatig sa Kanyang pagka-Diyos. Nagbigay sa atin ng pinakamatibay na katibayan ang sariling pang-unawa ni Hesus sa Kanyang perpektong kabanalan.
Sa Marcos 14, inakusahan si Hesus at iniharap sa dakilang saserdote, “Datapuwa't siya'y hindi umiimik, at walang isinagot. Tinanong siyang muli ng dakilang saserdote, at sinabi sa Kanya, “Ikaw baga ang Cristo, ang Anak ng Mapalad?” At sinabi ni Jesus, “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, at pumaparito na nasa mga alapaap ng langit” (Marcos 14:61-62). Dito, tinutukoy ni Hesus ang aklat ni Daniel sa Lumang Tipan kung saan sinabi ng propeta: “Ako'y nakakita sa pangitain sa gabi, at, narito, lumabas na kasama ng mga alapaap sa langit ang isang gaya ng Anak ng Tao, at siya'y naparoon sa matanda sa mga araw, at inilapit nila siya sa harap niya. At binigyan siya ng kapangyarihan, at kaluwalhatian, at isang kaharian, upang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika ay mangaglingkod sa Kanya: ang Kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan, na hindi lilipas, at ang Kanyang kaharian ay hindi magigiba” (Daniel 7:13-14).
Sa relasyon ng paggamit ni Hesus sa pangitain ni Daniel, tinutukoy Niya ang Kanyang sarili na Siya ang “Anak ng Tao,” ang Siyang pinagkalooban ng “kapangyarihan, at kaluwalhatian, at isang kaharian, upang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika ay mangaglingkod sa Kanya.” Mayroong walang hanggang kapangyarihan ang Anak ng Tao at hindi ito mawawala kailanman. Nagtataka ang ilan kung anong klaseng tao ang may ganitong kapangyarihan. Anong uri ng tao ang binigyan ng kaharian at mangaglilingkod ang lahat sa Kanya? Agad na pinunit ng dakilang sasersote ang damit ni Hesus at hinatulang nagkasala ng kalapastanganan laban sa Diyos ng marinig niya ang pag-angkin ni Hesus sa Kanyang sarili bilang Diyos.
May napakahalagang papel sa ating pagdepensa ng ating pananampalataya ang pagbibigay kay Hesus ng titulong “Anak ng Tao.” Hindi maipagwawalang-bahala ng mga hindi naniniwala sa Kanyang pagka-Diyos ang partikular na katawagang ito kay Hesus. Nagpapakita ng maraming pagpapatunay ang pagtukoy na ito ni Hesus sa Kanyang sarili dahil makikita ang paggamit nito sa lahat ng Ebanghelyo. Ginamit lamang ng ilang beses ang tawag na “Anak ng Tao” sa labas ng Ebanghelyo (Gawa 7:56; Pahayag 1:13; 14:14). [Dahil sa madalang na paggamit ng titulong ito ng mga unang Iglesya, maaaring ang titulong ito ay hindi mismo nanggaling sa bibig ng Panginoong Hesus.] At kung talagang hindi ginamit ni Hesus ang katawagang ito para sa Kanyang sarili, malinaw na itinuturing ni Hesus ang Kanyang sarili na may walang hanggang kapangyarihan at natatanging awtoridad na hindi magkakaroon ang isang tao lamang.
Kung minsan naman, ang mga ginagawa ni Hesus ang naghahayag sa Kanyang pagka-Diyos. Nagpakita Siya ng kapangyarihan at kakayanan na magpatawad ng mga kasalanan sa Marcos 2 (Marcos 2:3-12). Sa isip ng mga Hudyo na nakakita sa Kanyang ginawang iyon, ang ganoong kakayanan ay tanging sa Diyos lamang. Ilang ulit ring tumanggap ng pagsamba si Hesus sa mga ebanghelyo (Mateo 2:11; 28:9, 17; Lucas 24:52; Juan 9:38; 20:28). Kailanma'y hindi tinanggihan ni Hesus ang ganoong pagsamba. Sa halip, itinuring pa Niya na tama ang kanilang ginagawa. Kahit saan, itinuro ni Hesus na hahatulan ng Anak ng Tao ang buong sangkatauhan (Mateo 25:31-46) at nakasalalay sa ating pagtugon sa Kanya ang ating patutunguhan sa kabilang-buhay (Marcos 8:34-38). Ang mga gawang ito ni Hesus ay nagpapakita ng Kanyang pagkaunawa sa Kanyang pagka-Diyos.
Ipinahayag din ni Hesus na ang Kanyang nalalapit na muling pagkabuhay mula sa mga patay ang magbibigay patunay sa Kanyang mga pahayag tungkol sa sarili (Mateo 12:38-40). Matapos na ipako sa krus at ilibing sa libingan ni Jose na taga Arimatea, nabuhay na mag-uli si Hesus, na siyang nagpatibay ng Kanyang mga pahayag tungkol sa Kanyang pagka-Diyos.
Malakas ang mga ebidensya sa mga dakilang pangyayaring ito. Maraming mga ulat ng pagpapakita ni Hesus sa mga indibidwal at mga grupo sa iba't-ibang pagkakataon pagkatapos ng Kanyang pagkapako (1 Corinto 15:3-7; Mateo 28:9; Lucas 24:36-43; Juan 20:26-30, 21:1-14; Gawa 1:3-6). Handa pang mamatay para sa katotohanang ito ang marami sa mga saksi, at nangamatay nga ang marami sa kanila sa pagtatanggol sa katotohanan! Ibinigay ang mga ulat tungkol sa pagiging martir noong unang siglo nina Clement ng Roma at Josephus, isang Hudyong mananalaysay. Nabigo ang lahat ng teoryang ginamit (maging ang teorya ng halusinasyon) upang pabulaanan ang lahat ng katibayan sa muling pagkabuhay ni Hesus. Matibay na pinatotohanan ng kasaysayan ang muling pagkabuhay ni Hesus, at ito ang pinakamatibay na katibayan ng Kanyang pagka-Diyos.
English
Anu-ano ang mga pinakamatibay na argumento ng Bibliya tungkol sa pagka-Diyos ni Kristo?