Tanong
Ano ang argumentong teleolohikal (teleological argument) para sa pagkakaroon ng Diyos?
Sagot
Ang salitang teleolohiya (teleology) ay nagmula sa salitang ‘telos’ na nangangahulugang ‘layunin’ o ‘dahilan.’ Ang ideya ay kailangan ang isang gumawa ng layunin upang magkaroon ng layunin. Kaya, kung nakikita natin ang mga bagay na ginawa para sa isang layunin, masasabi natin na ang mga bagay na iyon ay ginawa para sa kanya-kanyang layunin. Sa ibang salita, ang isang disenyo ay nangangahulugan na may nagdisenyo. Kusa nating ikinokonekta ang dalawang bagay na ito sa lahat ng panahon. Kitang kita ang pagkakaiba sa pagitan ng Grand Canyon at ng Mount Rushmore — ang isa ay may disenyo, ang isa ay wala. Ang Grand Canyon ay malinaw na nabuo at nahugis ng isang natural na proseso samantalang ang Mount Rushmore ay malinaw na ginawa ng isang matalinong tao — ng isang taga-disenyo. Kung naglalakad ka sa tabing dagat at nakakita ka ng isang relo, hindi mo iisipin na nabuo ang relong iyon dahil lamang sa isang aksidente o nagawa ang relong iyon dahil sa pagihip ng hangin at buhangin. Bakit? Dahil ang relo ay may malinaw na marka ng disenyo — mayroon itong layunin, nagbibigay ito ng impormasyon at ito ay napaka-kumplikado. Walang kahit anong bagay sa siyensya ang itinuturing na nagawa ito sa pamamagitan ng isang aksidente; lagi itong nangangailangan ng isang taga disenyo at mas malaki ang disenyo, mas dakila ang nagdisenyo. Kaya nga, kung titingnan ang mga ebidensya sa siyensya, ang kalawakan ay nangangailangan ng taga-disenyo na bukod sa kanyang sarili (isang makapangyarihang taga- disenyo).
Inilalapat ng argumentong teleolohikal (teleological argument) ang prinsipyong ito sa buong sangkalawakan. Kung ang disenyo ay nangangahulugan na may nagdisenyo, ang kalawakan ay nagpapakita ng mga tanda ng disenyo, kung gayon may nagdisenyo sa kalawakan. Malinaw na ang bawat may buhay sa kasaysayan ng mundo ay napaka-kumplikado. Ang isang hibla ng DNA ay katumbas ng isang buong Encyclopedia Britannica. Ang utak ng tao ay may kakayahang magproseso ng impormasyong humigit kumulang sa 1 bilyong gigabytes. Bukod sa mga nabubuhay na bagay dito sa mundo, ang buong sangkalawakan ay tila idinesenyo para sa buhay. Literal na may daan-daang kundisyon upang mabuhay ang isang nilalang dito sa mundo — at ang lahat ng bagay mula sa kalawakan hanggang sa mga paglindol ay kailangang ayusin para mabuhay ang nabubuhay sa mundo. Ang pagkakaroon ng lahat ng ito sa pamamagitan lamang ng aksidente ay literal na hindi kayang abutin ng isip ng tao. Napakaliit ng tsansa na magkaroon ng mga bagay na ating nakikita sa mundo kung nagkataon lamang ang lahat. Sa napakaraming disenyong ito, napakahirap paniwalaan na ang mga ito ay lumitaw sa pamamgitan lamang ng aksidente. Sa katotohanan, ang argumento ng isang kinikilalang ateista ay nakabase sa argumentong ito.
Bilang karagdagan sa pagpapakilala ng pagiral ng Diyos, inilalantad ng argumentong teleolohikal (teleological argument) ang pagkukulang ng teorya ng ebolusyon. Inilalapat ng kilusan ng Matalinong Disenyo (Intelligent Design movement) sa siyensya ang mga teorya ng impormasyon sa sistema ng buhay at ipinapakita na hindi kaya ng tsansa o aksidente kahit na ipaliwanag ang pagiging kumplikado ng buhay. Sa katotohanan, kahit ang bacteria na mayroon lamang iisang selula ay napakakumplikado na kung wala ang lahat ng bahagi nito na gumagawang magkakasama sa iisang panahon, hindi sila magkakaroon ng potensyal na mabuhay. Nangangahulugan ito na hindi maaaring nabuo ang mga bahaging ito ng isang selula ng aksidente lamang. Kinilala nI Darwin na magiging problema balang araw ang pagtingin kahit lamang sa mata ng isang tao. Ni hindi sumagi sa kanyang isip na kahit ang isang nilalang na mayroon lamang isang selula ay napakumplikado na at napakahirap ng ipaliwanag kung walang manlilikha!
Ano ang argumentong teleolohikal (teleological argument) para sa pagkakaroon ng Diyos?