Tanong
Sino si Arkanghel Miguel?
Sagot
Inilarawan si Arkanghel Miguel sa Bibliya sa Daniel, Judas at Pahayag bilang isang mandirigmang anghel na nakikipaglaban sa isang espiritwal na digmaan. Ang salitang arkanghel ay nangangahulugang “anghel na may pinakamataas na ranggo.” Inilalarawan ang karamihan ng mga anghel bilang mga mensahero, ngunit inilarawan si Miguel sa lahat ng tatlong aklat na nabanggit bilang isang mandirigma na nakikipaglaban, nagtatanggol at nakikipagdigma laban sa mga masasamang espiritu at mga hukbong espiritwal (Daniel 10:13; 21; Judas 1:9; Pahayag 12:7). Wala tayong ganap na paglalarawan sa sinumang anghel, at dalawa lamang sa kanila ang binanggit sa Bibliya (si Anghel Gabriel ang isa pa). Binibigyan lamang tayo ng Kasulatan ng pahiwatig sa kanilang mga pagkilos sa mga pangyayari sa kasaysayan ng tao, ngunit ligtas sabihin na si Arkanghel Miguel ay isang makapangyarihang nilalang.
Sa kabila ng kanyang malaking kapangyarihan, buong-buong nagpapasakop si Arkanghel Miguel sa Diyos. Ang kanyang pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos ay makikita sa Judas 1:9. Ang mga banal na anghel ay may ranggo at nagpapasakop sa mga may kapangyarihan, at dahil dito, ginagamit sila na paglalarawan sa pagpapasakop ng babae sa asawang lalaki (1 Corinto 11:10). Kung isasaalang-alang ang kapangyarihan, at ang pagsunod ni Arkanghel Miguel sa Diyos, ito ay isang napakagandang paglalarawan ng pagpapasakop. Kung ang pagpapasakop ng mga anghel ay isang argumento para sa pagpapasakop ng babae sa kanyang asawa, makikita natin na hindi inaalis ng pagpapasakop ang lakas, layunin, at kahalagahan ng isang babae.
Sinabi ng Diyos kay propeta Daniel na si Arkanghel Miguel “ang dakilang prinsipe na nagiingat sa iyong bayan” (Daniel 12:1). Ang mga Hudyo ang mga kababayan ni Daniel, at ang katotohanan na si Miguel ang “nagiingat” sa kanila ay nagpapahiwatig na nagtalaga ang Diyos ng iba’t ibang mga banal na anghel upang mamahala sa mga bansa at mga grupo ng tao. Tila may ganito ring sistema sa pamunuan ng mga demonyo (tingnan ang Daniel 10:20). Ang katotohanan na isang “dakilang prinsipe” si Miguel ay nagpapahiwatig na may kapamahalaan siya sa espiritwal na dimensyon. May iba pang anghel na may kapamahalaan bukod kay Miguel dahil sinasabi sa Daniel 10:13 na “si Miguel ay isa sa mga punong prinsipe.”
Makikita sa Bibliya na may malaking papel na gagampanan si Arkanghel Miguel sa mga pangyayari sa mga huling araw. Sinabihan si Arkanghel Miguel ng anghel ng Panginoon na sa panahon ng pagwawakas ng mundo, titindig siya at magkakaroon ng matinding kahirapan na hindi pa nararanasan kailanman – isang reperensya para sa Dakilang Kapighatian (Daniel 12:1). Tiyak na iingatan ng Diyos ang Israel sa panahong iyon, na susundan ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay – ang iba ay para sa buhay na walang hanggan at ang iba ay para sa walang hanggang pagdurusa at kahihiyan (Daniel 12:2). Ang pagdagit sa Iglesya ay sasabayan ng “tinig ng arkanghel, na may pakakak ng Dios” (1 Tesalonica 4:16); maaaring ito ay isang pagtukoy kay Arkanghel Miguel bagama’t hindi partikular na binanggit ang kanyang pangalan sa nasabing talata.
Ang huling banggit kay Arkanghel Miguel sa Bibliya ay makikita sa Pahayag 12:7 sa panahon ng kapighatian. “At nagkaroon ng pagbabaka sa langit: si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon; at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka” Tatalunin ni Miguel at ng puwersa ng kalangitan ang dragon (Satanas), at itatapon ang Diyablo sa lupa. “At nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kaniyang binhi, na siyang nagsisitupad ng mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus” (Pahayag 12:17).
May nagaganap na isang espiritwal na digmaan sa puso at kaluluwa ng sangkatauhan. Si Arkanghel Miguel ay isang prinsipeng anghel na nagiingat sa Israel at buong pagpapasakop na naglilingkod sa Diyos sa kanyang pakikibaka laban kay Satanas. Lumalaban ang Diyablo sa puwersa ng Diyos ngunit hindi sapat ang kanyang kapangyarihan at lakas upang talunin ang hukbo ng sangkalangitan (Pahayag 12:8).
English
Sino si Arkanghel Miguel?