settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Arminianismo (Arminianism) at naaayon ba ito sa Bibliya?

Sagot


Ang Arminianismo (Arminianism) ay isang sistema ng paniniwala na nagtatangkang ipaliwanag ang kaugnayan sa pagitan ng walang hanggang kapamahalaan ng Diyos at malayang pagpapasya ng tao lalo na sa isyu ng kaligtasan. Ang Arminianism ay ipinangalan kay Jacob Arminius (1560-1609), isang Dutch theologian. Habang binibigyang diin ng Calvinism ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos, binibigyang diin naman ng Arminianism ang responsibilidad ng tao. Kung ipapaliwanag ang Arminianism sa limang puntos, gaya ng limang puntos ng Cavinism, ito ang limang puntos ng Arminianism:

(1) Partial Depravity (hindi ganap na pagiging makasalanan ng tao) – nabahiran ng kasalanan ang tao, ngunit hindi dumating sa punto na wala na siyang kakayahan na lumapit sa Diyos sa kanyang sariling kakayahan. Kaya ng tao na piliing tanggapin o tanggihan ang kaligtasan ng walang impluwensya ng Diyos. Mahalagang malaman na ang klasikong arminianism ay hindi naniniwala sa ‘partial depravity,’ sa halip, pareho ang paniniwala nito sa Calvinism na ‘total depravity’ (ganap na pagiging makasalanan ng tao)

(2) Conditional Election (may kundisyong pagpili ng Diyos) – Pinili ng Diyos ang mga maliligtas base sa paunang kaalaman ng Diyos kung sino ang mananampalataya sa Kanya.

(3) Unlimited Atonement (katubusan para sa lahat) – Namatay si Hesus para sa lahat ng tao kahit na para sa mga hindi mananampalataya. Ang kamatayan ni Hesus ay para sa buong sangkatauhan at maliligtas ang kahit sino sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya.

(4) Resistible Grace (natatanggihang biyaya) – Ang tawag ng Diyos sa kaligtasan ay maaaring tanggihan o labanan. Maaaring labanan ng tao ang pagtawag ng Diyos kung kanyang pipiliin.

(5) Conditional Salvation (nawawalang kaligtasan) – Maaaring maiwala ng mga Kristiyano ang kanilang kaligtasan kung magpapatuloy sila sa isang buhay ng pagkakasala at kung tatalikod sila sa Diyos. Ang pagpapanatili ng kaligtasan ay kinakailangan para sa bawat Kristiyano upang huwag nilang maiwala ito. Maraming Arminians ang hindi naniniwala na maiwawala nila ang kanilang kaligtasan, sa halip, naniniwala sila na hindi na mawawala ang kanyang kaligtasan kailanman gaya ng paniniwala ng Calvinism.

Ang tanging puntos ng Arminianism na pinaniniwalaan ng ilang mga Calvinist na naniniwala sa apat na puntos ng Calvinism ay ang ikatlong puntos: ang Unlimited Atonement (pagpawi ng poot ng Diyos para sa lahat). Sinasabi sa 1 Juan 2:2, “Sapagkat si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.” Sinasabi sa atin sa 2 Pedro 2:1 na binili din ni Hesus maging ang mga bulaang propeta na nakatakdang mapahamak sa impiyerno, “Noong una, lumitaw sa Israel ang mga bulaang propeta. Sa inyo naman, may lilitaw na mga bulaang guro. Gagamitan nila ng katusuhan ang pagtuturo ng mga aral na makasisira sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila ang Panginoong nagligtas sa kanila, kaya't biglang darating sa kanila ang kapahamakan.” Ang pagliligtas ni Hesus ay sapat para sa ikaliligtas ng bawat isa at bawat tao na mananampalataya sa Kanya. Hindi lamang namatay si Kristo para sa mga maliligtas.

Ang apat na puntos ng Calvinism (ang opisyal na posisyon ng Got Questions Ministries) ay ang paniniwala na ang apat na puntos ng Arminianism ay hindi naaayon sa Bibliya sa iba’t ibang antas. Matibay na pinatutunayan ng Roma 3:10-18 ang total deparavity o ang radikal na kawalan ng kakayahan ng tao na iligtas ang kanyang sarili. Pinabababa naman ng conditional election ang walang hanggang kapamahalaan ng Diyos (Roma 8:28-30). Hinahamak naman ng resistible grace o natatanggihang biyaya ang kapangyarihan at kalooban ng Diyos. Ginagawa naman ng conditional salvation ang kaligtasan na kabayaran para sa mabubuting gawa ng tao sa halip na biyayang kaloob ng Diyos (Efeso 2:8-10). Bagama’t parehong may pagkukulang sa parehong sistema ng pananampalataya, ang Calvinism ay higit na naaayon sa Bibliya kumpara sa Arminianism. Gayunman, nabigo ang dalawang sistema na ipaliwanag ng sapat ang relasyon sa pagitan ng walang hanggang kapamahalaan ng Diyos at ng malayang pagpapasya ng tao – dahilan sa katotohanan na imposible para sa isang taong may limitadong karunungan na ganap na maunawaan ang isang konsepto na tanging ang Diyos lamang ang ganap na nakakaalam.



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Arminianismo (Arminianism) at naaayon ba ito sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries