settings icon
share icon
Tanong

Ano ang papel ng asawang lalaki at asawang babae sa pamilya?

Sagot


Kahit na ang lalaki at babae ay may pantay na relasyon kay Kristo, binigyan sila ng Bibliya ng partikular na papel na gagampanan sa kanilang buhay may asawa. Ang asawang lalaki ay dapat na maging pangulo ng tahanan (1 Corinto 11:3; Efeso 5:23). Ang pamumunong ito ay hindi dapat na tulad sa isang diktador, mababa ang tingin sa babae o ginagawang tulad sa isang utusan ang asawang babae. Sa halip, ang pamumunong ito ay katulad ng pamumuno ni Kristo sa Kanyang iglesya. "Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito, upang ang iglesya'y italaga sa Diyos matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita" (Efeso 5:25-26). Inibig ni Kristo ang kanyang Iglesya ng buong kahabagan, kaawaan, pagpapatawad, paggalang at pagtanggi sa sarili. Sa ganitong paraan din dapat na ibigin ng mga lalaki ang kanilang mga asawa.

Ang mga babae ay dapat na magpasakop sa awtoridad ng kanilang mga asawa. "Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayon din naman, ang mga babae'y dapat pasakop nang lubusan sa kani-kanilang asawa" (Efeso 5:22-24). Kahit na nararapat na magpasakop ang babae sa kanilang mga asawa, sinasabihan ng paulit ulit ang mga lalaki kung paano nila dapat na tratuhin ang kanilang mga asawa. Hindi sila dapat na maging isang diktador kundi dapat na pahalagahan nila ang kanilang mga asawa at respetuhin ang kanilang mga opinyon. Sa katotohanan, hinhimok ang mga asawang lalaki sa Efeso 5:28-29 na mahalin ang kanilang mga asawa kung paano nila minamahal ang kanilang sariling katawan, na nagaalaga at nagpapakain sa kanila. Ang pag-ibig ng isang lalaki para sa kanyang asawa ay dapat na katulad ng pag-ibig ni Kristo para sa Kanyang katawan, ang Iglesya.

"Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon. Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, at huwag silang pagmamalupitan" (Colosas 3:18-19). "Kayo namang mga lalaki, pakitunguhan ninyong mabuti ang inyu-inyong asawa, sapagkat sila'y mahina, at tulad ninyo'y may karapatan din sa buhay na walang hanggang kaloob sa inyo ng Diyos. Sa gayon, walang magiging sagabal sa inyong panalangin" (1 Pedro 3:7). Mula sa mga talatang ito, makikita natin ang pag-ibig at paggalang na dapat makita sa asawang lalaki at asawang babae. Kung ang mga katangiang ito ay nasa magasawa, ang awtoridad, pangunguna, pag-ibig at pagpapasakop ay hindi magiging problema para sa bawat isa.

Tungkol sa paghahati ng responsibilidad sa tahanan, itinuturo ng Bibliya na ang mga lalaki ang dapat magbigay ng pangangailngan ng kanyang pamilya. Nangangahulugan ito na siya'y magtatrabaho at magsusulit sa asawa ng sapat na halaga upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanyang asawa at mga anak. Ang kabiguan sa pagganap ng tungkuling ito ay may espiritwal na konsekwensya. "Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kasambahay, ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa mga walang pananampalataya" (1 Timoteo 5:8). Kaya ang isang lalaki na hindi gumagawa ng paraan upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya ay hindi nararapat na tawagin ang kanyang sarili na isang Kristiyano. Hindi ito nangangahulugan na hindi maaaring tumulong ang asawang babae sa pagsuporta sa kanilang pamilya - inilalarawan sa Kawikaan 31 na ang isang makadiyos na babae ay tumutulong din sa kanyang asawa - ngunit ang pagbibigay ng pangangailangan ng pamilya ay hindi niya pangunahing responsibilidad kundi sa kanyang asawang lalaki.

Habang ang asawang lalaki ay maaaring tumulong sa kanyang asawa at mga anak sa paggawa ng mga gawaing bahay (sa gayon ay tinutupad niya ang kanyang tungkulin na mahalin ang kanyang asawa), malinaw na itinuturo ng Kawikaan 31 na ang tahanan ang pangunahing lugar ng responsibilidad at impluwensya ng isang asawang babae. Kahit na ang asawang babae ay matulog ng gabing gabi at bumangon ng napakaaga, ang kanyang pamilya ay maayos niyang naalagaan. Hindi ito isang madaling paraan ng pamumuhay para sa maraming babae - lalo na sa mga nasa mayayamang bansa. Gayunman, napakaraming mga babae ang sobrang nahihirapan at halos malagot na ang pasensya. Upang maiwasan ang ganito, dapat na isaayos ng magasawa ang kanilang mga prayoridad at sundin ang katuruan ng Bibliya patungkol sa kani-kanilang mga papel na dapat gampanan sa pamilya.

Ang mga hindi pagkakaunawaan sa paghahati ng gawain sa tahanan ay tiyak na mangyayari ngunit kung ang magkapareha ay magpapasakop sa Panginoong Hesu Kristo, ang mga hindi pagkakanuwaan ay mas madaling masosolusyunan. Kung ang pagtatalo ng magasawa sa isyung ito ay maing mainit at malimit o kung ang mga pagtatalo ay nagiging karaniwan na lamang, ang problema ay espiritwal. Sa mga ganitong sitwasyon, ang magkapareha ay nararapat na muling italaga ang kanilang buhay sa pananalangin at pagpapasakop kay Kristo at sa bawat isa sa diwa ng pag-ibig at paggalang.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang papel ng asawang lalaki at asawang babae sa pamilya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries