Tanong
Dapat bang making ng mga awiting sekular ang mga Kristiyano?
Sagot
Maraming Kristiyano ang nahihirapang humanap ng kasagutan sa tanong na ito. Maraming mga musikerong sekular ang napaka-talentado. Maaaring maging napakamapang-aliw ng mga musikang sekular. Maraming sekular na awitin ang may mapang-akit na melodiya, may malalim na kaisipan at positibong mensahe. Sa pagalam kung maaari o hindi maaaring makinig sa isang sekular na awit ang isang Kristiyano, tatlong pangunahing kunsiderasyon ang dapat isaalang alang: 1) Ang layunin ng musika, 2) ang istilo ng musika, at 3) ang nilalaman ng mga liriko ng musika.
1) Ang layunin ng musika. Ang musika ba ay idinisenyo para lamang sa pagsamba o intensyon din ng Diyos na ang musika ay para din sa kaaliwan at sa pagpapagaan ng pakiramdam ng tao? Ang pinakasikat na musikero sa Bibliya, si Haring David, ay gumamit ng musika upang purihin ang Diyos (tingnan ang Awit 4:1; 6:1, 54, 55; 61:1; 67:1; 76:1). Gayunman, ng pahirapan si Haring Saul ng masamang espiritu, ipinatawag niya si David upang tugtugan siya ng alpa at pagaanin ang kanyang pakiramdam (1 Samuel 16:14-23). Ginamit din ng mga Israelita ang mga instrumento sa musika upang magbabala ng panganib (Nehemias 4:20) at upang sorpresahin ang mga kaaway (Hukom 7:16-22). Sa Bagong Tipan, tinuruan ni Pablo ang mga Kristiyano na magpalakasan sa isa't isa sa pamamagitan ng musika: "Na kayo'y mangagusapan ng mga salmo at mga himno at mga awit na ukol sa Espiritu" (Efeso 5:19). Kaya habang ang pangunahing layunin ng musika ay ang pagsamba, pinapayagan din ng Bibliya ang ibang gamit ng musika.
2) Ang istilo ng musika. Nakalulungkot na ang isyu ng istilo ng musika ay pinagmumulan ng pagkakahati-hati ng mga Kristiyano. May mga Kristiyano na mariing naninindigan na walang anumang instrumento ng musika ang dapat na gamitin sa pagsamba. May mga Kristiyano naman na ang gusto lamang ay ang mga lumang imno. May mga Kristiyano naman na ang gusto ay ang mas makabagong musika. May mga Kristiyano naman na nagaangkin na ang pinakamagandang uri ng musika na maaring gamitin sa pagsamba ay ang mga awiting ‘rock’ na inaaawit gaya sa isang konsyerto. Sa halip na tanggapin ang mga pagkakaibang ito bilang personal na preperensya at pagkakaiba-iba ng kultura, may mga Kristiyano na nagdedeklara na ang kanilang sariling panlasa sa musika ang Biblikal habang ang iba ay hindi makadiyos, hindi nararapat o makademonyo pa nga.
Hindi kinokondena sa Bibliya ang anumang uri ng istilo ng musika. Hindi rin sinasabi ng Bibliya na may mga partikular na instrumento na hindi makadiyos. Binabanggit sa Bibliya ang maraming uri ng instrumento na may kwerdas at instrumentong hinihipan upang makalikha ng tunog. Habang hindi partikular na tinukoy sa Bibliya ang tambol o drums, binanggit nito ang iba pang instrumento na lumilikha ng ingay (Awit 68:25; Ezra 3:10). Halos lahat ng uri ng modernong musika ay nalikha sa pamamagitan ng kumbinasyon ng iba't ibang uri ng mga instrumento na tinutugtog sa iba't ibang bilis at diin. Walang biblikal na basehan upang ideklara na ang anumang partikular na istilo ng musika ay hindi makadiyos o labag sa kalooban ng Diyos.
3) Ang nilalaman ng mga liriko. Dahil hindi ang layunin at istilo ng musika ang nagdedetermina kung ang Kristiyano ba ay makikinig o hindi sa sekular na musika, ang nilalaman ng mga liriko ng isang awitin ang dapat na ikunsidera. Habang hindi partikular na tumutukoy sa musika, ang Filipos 4:8 ang pinakamagandang gabay para sa mga liriko ng musika: "Katapustapusan, mga kapatid, anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito." Ang mga bagay na ito ang dapat nating maging pamantayan sa liriko ng mga awitin. Ang mga liriko ba ng isang sekular na awit ay makatotohanan, kagalanggalang, matuwid, malinis, mabuting ulat; may kagalingan, at may anomang kapurihan? Kung oo, walang masama sa pakikinig sa isang sekular na awitin na nagtataglay ng ganitong mga katangian.
Gayunman, ang karamihan sa mga sekular na musika ay hindi nakaabot sa pamantayan ng Filipos 4:8. Sa tuwina, ang mga sekular na musika ay nagsusulong ng imoralidad at karahasan at hinahamak ang kalinisan at integridad. Kung ang isang awitin ay nagtataglay ng mga liriko na lumalaban sa Diyos, hindi nararapat na makinig ang mga Kristiyano sa mga awiting ganito. Gayunman, marami ding sekular na musika na walang pagbanggit sa Diyos ang nagtataas ng makadiyos na paguugali gaya ng katapatan, kalinisan at integridad. Kung ang isang awitin ay nagtataas ng kabanalan ng pagaasawa o kalinisan ng tunay na pag-ibig - kahit na hindi binabanggit ang Bibliya o ang Diyos - maaari naman silang pakinggan at katagpuan ng kasiyahan sa pakikinig.
Anuman ang pinahihintulutan ng tao na maging laman ng kanyang isip, sa malao’t madali ay iyon ang magdedetermina ng kanyang sasabihin at gagawin. Ito ang prinsipyo sa likod ng Filipos 4:8 at Colosas 3:2, 5: ang magtatag ng kanais-nais na kaisipan. Sinasabi sa ikalawang Corinto 10:5, "Sinusugpo ko ang lahat ng pagmamataas laban sa Diyos, at binibihag ang lahat ng isipan upang tumalima kay Cristo." Ang mga talatang ito ay nagbibigay sa atin ng paglalarawan kung anong uri ng musika ang dapat nating pakinggan.
Hindi maitatanggi na ang pinakamagandang uri ng musika ay ang mga awitin na nagbibigay kapurihan at kaluwalhatian sa Diyos. Maraming mga talentadong Kristiyanong musikero ang gumagawa ng mga awit sa iba't ibang istilo gaya ng klasikal, rock, rap at reggae. Walang likas na masama sa anumang partikular na istilo ng musika. Ang liriko ang batayan kung ang isang awitin ba ay "katanggap tanggap" upang pakinggan ng isang Kristiyano. Kung ang anumang bagay ay nagtutulak sa atin upang magisip o gumawa ng anumang bagay na hindi nagbibigay luwalhati sa Diyos, ang bagay na iyon ay dapat nating iwasan.
English
Dapat bang making ng mga awiting sekular ang mga Kristiyano?