settings icon
share icon
Tanong

Sino si Baal?

Sagot


Baal ang pangalan ng pinakamataas sa panteon ng mga diyos na sinasamba sa sinaunang Caanan at Phoenicia. Naimpluwensyahan ng pagsamba kay Baal ang relihiyon ng mga Hudyo sa panahon ng mga Hukom (Hukom 3:7), at naging laganap ito sa Israel sa panahon ng paghahari ni Haring Acab (1 Hari 16:31-33) at naapektuhan din nito ang Juda (2 Cronica 28:1-2). Ang kahulugan ng salitang Baal ay “panginoon” at ang panmgaramihang gamit nito ay baalim. Sa pangkalahatan, si Baal ang diyos ng pertilidad o kasaganaan na pinaniniwalaang may kakayahan na magpatubo ng mga pananim at magbigay ng mga anak. Iba’t iba ang pamamaraan ng pagsamba kay Baal sa iba’t ibang rehiyon, isang patunay na madaling ibagay si Baal sa maraming kultura. Maraming lokal ang binibigyang diin ang kanyang iba’t ibang katangian at dahil dito nagkaroon ng espesyal na mga denominasyon ng “Baalismo.” Ang dalawa sa halimbawa ng mga denominasyong ito ay ang Baal ng Peor (Bilang 25:3) at Baal-Berith (Hukom 8:33).

Ayon sa mitolohiya ng mga Cananeo, si Baal ay anak ng pangunahing diyos na si El, at ni Ahera, ang diyosa ng dagat. Si Baal ay itinuturing na pinakamakapangyarihan sa lahat ng diyos, at tinalo niya si El, na isang mahina at hindi epektibong diyos. Sa maraming pakikipaglaban, tinalo ni Baal si Yamm, ang diyos ng dagat at si Mot, ang diyos ng kamatayan at ng kalaliman. Ang mga kapatid na babae at abay ni Baal ay si Astoret, isang diyosa ng kasaganaan na may koneksyon sa mga bituin, at si Anath, ang diyosa ng pag-ibig at dimgaan. Sinasamba ng mga Cananeo si Baal bilang diyos ng araw at diyos ng bagyo – at kadalasang inilalarawan na may hawak na kidlat – na tumalo sa kanyang mga kaaway at nagpatubo ng mga pananim. Sinasamba din nila si Baal bilang tagapagparami ng kanilang anak. Ang pagsamba kay Baal ay nag-ugat sa senswalidad at prostitusyon sa mga templo. May panahon na ang pagpawi sa poot ni Baal ay nangangailangan ng paghahandog ng isang tao, kadalasan ng panganay na anak ng isang naghahandog (Jeremias 19:5). Ang mga saserdote ni Baal ay dumadalangin sa kanilang diyos ng may kasamang malakas na sigaw na parang nawawala sa sarili habang sinusugatan ang kanilang sariling katawan (1 Hari 18:28).

Bago pumasok sa lupang pangako, nagbabala ang Diyos sa mga Israelita laban sa pagsamba sa mga diyus diyusan ng Canaan (Deuteronomio 6:14-15), ngunit sumamba pa rin ang mga Israelita sa mga diyus diyusang ito. Sa panahon ng paghahari ni Acab at ni Reyna Jezebel, sa kasagsagan ng pagsamba kay Baal sa Israel, direktang kinompronta ng Diyos ang paganismong ito sa pamamagitan ng propetang si Elias. Una, ipinakita ng Diyos na hindi si Baal ang may kapamahalaan sa ulan sa pamamagitan ng pagpapadala ng tagtuyot na tumagal ng tatlo at kalahating taon (1 Hari 17:1). Pagkatapos, nagpatawag si Elias ng isang paligsahan sa bundok ng Carmelo upang patunayan minsan at magpakailanman kung sino ang tunay na Diyos. Sa buong maghapon, tumawag ang 450 propeta ni Baal sa kanilang diyos upang magpadala ng apoy mula sa langit – isang madaling bagay sana para sa isang “diyos ng kidlat” – “nguni't wala kahit tinig, ni sinomang sumagot, ni sinomang makinig” (1 Hari 18:29). Pagkatapos na sumuko ng mga propeta ni Baal, dumalangin si Elias ng isang simpleng panalangin, at agad na sumagot ang Diyos at nagpadala ng apoy mula sa langit. Hindi kayang tanggihan ang mga ebidensya, “At nang makita ng buong bayan, sila'y nagpatirapa: at kanilang sinabi, Ang Panginoon ay siyang Dios; ang Panginoon ay siyang Dios’” (vs. 39).

Sa Mateo 12:27, tinawag ni Hesus si Satanas na “Beelzebub,” at iniugnay ang diyablo kay Baal-Zebub, isang diyus diyusan ng mga Palestino (2 Hari 1:2). Ang “Baalim” sa Lumang Tipan ay walang iba kundi ang mga demonyo na nagpapanggap na mga diyos, kaya’t ang lahat ng pagsamba sa diyus diyusan sa katotohanan ay pagsamba sa mga demonyo (1 Corinto 10:20).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino si Baal?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries