Tanong
Ano ang nagbababad na panalangin?
Sagot
Mula noong 1990’s nagkaroon ng dumaraming atensyon sa mistisimo sa iba’t ibang sangay ng Kristiyanismo. Halos nasa bingit na ng pagiging misteryoso, pinalaki ng mga ganitong mga mistikal na karanasan ang agwat sa pagitan ng “pananampalatayang nakabase sa katotohanan” at “pananampalatayang nakabase sa pakiramdam” at nagbabantang palitan ang tamang katuruan ng Bibliya ng isang katuruan na itinutulak ng karanasan. Ang pagbababad sa panalangin ay isang mistikal na gawain. Ito ay inilalarawan na gaya ng pamamahinga sa presensya ng Diyos. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpapatugtog ng malumanay na musika habang nakaupo o nakahiga at nananalangin ng maiksi at simpleng panalangin sa loob ng mahabang yugto ng panahon ngunit sa paraang malaya ang isip sa ibang kaisipan. Sa punto na nadarama na ng isang tao ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng pakiramdam gaya ng pagtindig ng balahibo, mainit o malamig na pakiramdam, o maging ng marahang hangin na humihihip sa buong katawan, ito ang patunay na nakababad ka na sa “presensya” ng Diyos.
Bagama’t mukhang hindi pangkaraniwan ang tunog nito sa akin, hindi agad pumasok sa aking isip na ang uri ng panalanging ito ay masama. Gayunman, ang pamantayan kung saan natin sinusukat ang ating mga karanasan ay ang Bibliya (2 Timoteo 3:16-17), at kung matamang susuriin ang katuruan ng “pagbababad sa panalangin,” makikita natin na hindi ito sinasang-ayunan ng Bibliya. Hindi makikita saanman sa Bibliya ang isang modelo ng panalangin na katulad ng panalanging ito.
Ang panalangin sa pinakasimpleng pakahulugan ng Bibliya ay ang pagtawag sa pangalan ng Panginoon (Genesis 4:26), at sa bawat pagkakataon na matatagpuan ito sa Bibliya, ito ay naglalarawan sa pakikipagusap sa Diyos. Ang pagbababad sa panalangin ay naguumpisa sa ganitong paraan, ngunit kalaunan, ang nananalangin ay mawawala na sa sarili. Sa puntong ito hindi naaayon sa Bibliya ang ganitong uri ng panalangin at mas nagiging gaya ito ng mga ginagawa ng mga New Agers o katulad ng ginagawa ng mga hidwang pananampalataya gaya ng Hinduismo.
Hindi maikakaila na ang pagkakaroon ng karanasan sa presensya ng Diyos ay maaaring maging napakamakapangyarihan at nagbabago ng buhay ng tao. Hindi ang layunin ng pagbababad sa panalangin kundi ang metodolohiya sa pagsasanay nito ang hindi naaayon sa Bibliya. Ang pagbababad sa panalangin ay ang pagtutuon ng pansin sa pagkakamit ng espiritwal na karanasan sa pamamagitan ng paghahanap sa presensya ng Diyos gamit ang mistikal na pamamaraan. Sa aspetong ito magkakatulad ang pagbababad sa pananalangin, pagninilay sa panalangin at espiritwalidad ayon sa karanasan hindi sa katotohanan na pare-parehong hindi sinasang-ayunan ng Bibliya. Ang panalangin na sinasang ayunan ng Bibliya ay ang pagpapaabot ng ating mga niloloob sa Diyos (1 Juan 5:14). Ang isang mananampalataya na nananalangin ng panalanging naaayon sa Bibliya ay nauunawaan na laging nasa kanya ang presensya ng Diyos (Awit 139:7; Mateo 28:20; 1 Corinto 6:19; 1 Tesalonica 4:8; 2 Timoteo 1:14), at hindi niya kinakailangan na makaranas ng anumang uri ng pisikal na sensasyon upang mapatunayan ito.
English
Ano ang nagbababad na panalangin?